Lunes, Enero 31, 2011

PILOTO

Patay sindi ang ilaw, matindi ang kapit ng mga pasahero sa kanilang upuan. may mga pagkakataong biglang bubulusok, tatagilid, aangat ang aming sinasakyan. Malakas ang hangin at ulan sa labas at manakanakang pagliwanag dulot ng kidlat. Nagbagsakan na ang emergency oxygen sa bawat katapat ng upuan. Halata sa mga pasahero ang takot na nadarama. Yan ang eksena sa loob ng eroplanong sinasakyan ko.

Hindi inaasahan na mapadaan ang eroplano sa kalawakan na iba iba ang lakas ng ihip ng hangin, may pakaliwa, may pakanan may kasamang pagulan at kidlat.. may bagyo yata. Kaya naman wala sa tamang paglipad ang eroplano. Parang nililindol kami sa loob ng sasakyang iyon.

May nakapikit, may umiiyak an parang ito na ang aming katapusan. Ang aking katabi, may sinasabi sa akin.

"Ito na yata ang katapusan, iho bakit sa kabila ng nangyayari, nakukuha mo parin mglaro ng PSP, bakit relax na relax ka? samantalang kaming mga kasama mo dito'y di na malaman ang gagawin.?"

"Ano pong ikinatatakot nyo?"

"Hindi ka natatakot? Maaring bumagsak na ang eroplano"

"Hindi ho"

"Bakit?"

"Dahil ang piloto ho nito ay ang tatay ko"








***Ikaw, kanino mo pinagkakatiwala ang buhay mo?







 











Sabado, Enero 29, 2011

ANO PA BA ANG SUSUNOD?

Paumanhin, ilalabas ko lang ang aking nararamdaman.



Unang buwan ng 2011, matindi ang pagsubok na atin ngayong pinagdadaanan.. oo, atin, kadamay ka, sa ayaw mo at sa gusto, kadamay tayo.

Sumisirit pataas ang halaga ng ating pangunahing pangngailangan. Konting higpit pa nga ika ko. Tanging nasa ating mga sariling kontrol lang ang paraan para makatawid sa krisis na ito..

Bumanat ang carnapping syndicate.. organisado yan, malamang pa sa alamang, matagal ng gawain ito. Nagkaron ng patayan, dalawang magkasunod na insidente kaya naman napagtuunan ng pansin. Magaling ang estilo ng grupo, walang kawala ang biktima.

Nasa kainitan pa sa mata ng publiko, bumanat naman itong terorismo, isang bus ang pinasabog na may lulang mga pasahero. limang inosenteng buhay ang nasawi, at marami ang sugatan. Ligtas pa ba tayong mga sibilyan? Hindi ko sinisisi ang seguridad ng ating bayan. Napatunayan lang ang katotohanang maisasagawa ang ano mang mithiin basta ito ay planado at nasasaayos. May naglabasan ng mga patalastas, may banta ng terorismo sa bansa. Ibig sabihin, hindi na ligtas dito sa ating bayan? Lumabas na sa publiko ang larawan na maaring may kinalaman.. hindi pa salarin sa pagkat wala pang direktang makapagsasabing sila nga ang may sala. Sana nga, mahuli na ang mga putang inang walang konsensyang ito.

Umuusok pa at bukang bibig pa ng mamamayan, may bumanat na naman, sampung buhay, sabay sabay na nawala sa kanilang katawan. Aksidenteng bumagsak ang gondola lift na kinalululanan ng trabahente. Ang dahilan ay overloading. San tayo hihingi ng hustisya para sa ganito. Masakit ang mawalan ng mahal sa buhay. Iintayin pa ba nating mangyari ang ganito bago tayo magkaron ng solusyon? Tigil ang pag gawa, kulang sa permiso.. kulang ang safety gadget.  anak naman ng tipaklong...

At ito ang ipinagngingitngit ko, ang pagsabog ng kurakutang naganap at nagaganap sa hanay ng ating sundalo. Tumataginting na 50 milyong piso, hindi kada taon kundi kada buwan na syang pangtustos sa bala, sa gamit, sa bota, sa pagpapagamot ng ating mga sundalo ang ibinubulsa ng kanilang kataas taasan lider at ng galamay nito. Nakikita natin ang kalagayan ng ating mandirigma, nakakaawa ang buhay sa pakikipaglaban para sa kapayapaan. nagbubuwis ng buhay laban sa banta sa ating seguridad. Malayo sa pamilya, laging nasa harap ng panganib. Pinagtatawanan natin ang gamit, daig pa ng mga kalabang sa bundok naninirahan. Ito ang hindi dapat pabayaan. At kung sakaling ito ay may katotohanan, isang napakalaking PUTANGINA sa lahat ng akusado. San ba naggagaling ang pondong ibinubulsa diumano ng mga yan, sa atin din mga manggagawa.

Isipin na lang ang damdamin ng isang ordinaryong sibilyan ng tulad ko kumpara sa damdamin ng mga pamilya o kaanak ng ating sundalo at ng mismong sarili nila.  Nakakagigil, nakakapanlumo, nakakawalang gana.



salamat


Biyernes, Enero 28, 2011

BATA BATA, MASAKIT ANG MADAPA (repost & edited)

Napag-isipan irepost para maiupdate ang bahay :)



Isang hapon, nakatambay ako sa harap ng tindahan ng nanay ko ng dumaan ang aming kapitbahay na may dalang balde na pinaglagyan ng kaning baboy at may pasan na isang buwig ng saging..

Banjo: Ka isyong, daan muna kayo, eh eh, ginabi yata kayo masyado?

Dumaan nga sa tindahan naupo pa sa may tapat ko, nagtanggal ng sumbrero at nagpaypay (paraan ko lang iyong ng pagbati haha kasi kalimitan pag pinadaan mo ang isang tagabaryo, ang isasagot ay "sige na at akoy may gagawin pa" o kaya "akoy may pupuntahan pa.)

Ka Isyong: Akoy napahunta dyan sa ibaba kaya ako'y ngayon laang.

Banjo: Sinasabi ko na nga ba't nasabit na naman ang nguso nyo eh no hahaha. Ilan na ho ba ang baboy nyo sa pulo? 

Ka Isyong: Ay utoy, ang inahin ko'y buntis na. ang laki.. tiyak kong malulusog na naman ang magiging biik nyan.. hindi ako gumagamit ng feeds na yan, etong kaning baboy,  sakwa (laman o pinag-ugatan ng saging o gabi na nakabaon sa ilalim ng lupa) lang ng punong gabi at saging ayos na.. mas masustansya pa.. hukayin ko nga lahat ng sakwa ah.. itinira ko na lang ung mapapakinabangan pa..

Langya, ang layo ng sagot sa tanong ko eh.. kaya madalas masabit nguso nito.. ang hilig humunta hehehe

Banjo: Teka ho't ako'y magtitimpla lang ng kape..

Kung maghihintay nga ng kape, maghahanda na rin ako ng San Mig light para sa mahabahabang huntahan..

Ka Isyong: kay tagal naman hehehe... biro lang utoy, wag na at malapit na din naman maghapunan.. ay sya ako'y paparine na..

Hehehehehe (sa isip isip ko lang)

Banjo: ay sige ho.. maglalabas pa naman sana ko ng pulutan at alak.. hahahaha...

Ka Isyong: Dyaskeng bata ire ah.. masakit ba..bangon jan... matapang iyan..

Napatingin ako sa sinabihan ng matanda.. Isang bata pala nadapa.. Naapakan ang isang kahoy na nalalglag sa traysikel na may dalang mga sinibak na kahoy panggatong. Tumayo lang ang bata, parang walang nangyari, tumingin sa kanyang pinaggalingan.. (yan ang batang nayon.. matapang) inayos muli ang kahoy sa daraan.. (langya, inayos pa eh, napaisip tuloy ako sa inasal ng bata)

Maya maya, may batang humahagibis ng takbo, naapakan ulit ang kahoy, nadapa din.. pero ganon din.. tiningnan lang ang paligid kung may nakakita.. palibhasa, medyo tago ako dahil sa pader na nakaharang sa gilid ng tindahan. nagpagpag lang ng damit.. hinayaan lang si kahoy..tumakbo na muli..
Sa isip isip ko, kalokong bata nung nauna, para lang may matisod ulit kaya pala inayos pa ang magkakaharang ng kahot sa daan.. tsk tsk..

Papasok na ko sa loob ng bahay ng may narinig na naman ako na parang nadapa..at meron nga. Naku, kilala ko ito.. anak ito ni Ka isyong. Naglaro pa siguro sa ibaba kaya ngayon lang umuwi... oo nga pala kasama sya kanina ni ka Isyong nung mapansin kong papunta pa lang sila sa pulo.. narinig kong nagsalita ang bata..

Bata: Aray ko.. tsk sino bang naglagay nito dito.. alam na nakakatalisod eh.. hmmmpp, jan ka nga sa tabi,  mamaya may matisod pa ulit sayo..

Kinuha si kahoy at inilagay sa may tabi ng daan.. Napangiti ako sa inasal ng anak ni Ka Isyong.. Sa loob loob ko.. Yan ang bata, matapang na, may kababaang loob pa, ayaw nyang may matisod pa ulit kaya itinabi nya ang kahoy na panggatong..

Hindi pa ko umaalis sa pwesto ko dahil malalim ang aking pagiisip sa ginawi ng anak ni Ka Isyong, maya maya bumalik ang bata sa kanya pinagkadapaan, kinuha si kahoy at binitbit pauwi.. 

 Aba, at mautak pa.. 




*** maraming pagkakataon na tayo ay nadapa at muling bumangon, siguro mas makabubuting alisin ang dahilan ng ating pagkakadapa upang wala hindi na maulit pa sa iba.







Huwebes, Enero 27, 2011

EDSA DOS


Enero 20, 2001

Matatapos na ang buwan ng enero ay ni hindi ko man lang narinig na ipinagdiwang o ginunita ang araw na ito. Sampung taon na din ang lumipas. Ang EDSA II ang araw na muling nagkaisa at nagsamasama ang pinoy para sa iisang layunin at adhikain. Para sa pagbabagong hinahangad ng bawat pinoy. Nandun na ang diwa, nandun na ang layunin, nandun na ang pangarap. Muling pinatunayan ang lakas at pwersa ng pagkakaisa.  At nagwagi ang sambayanang pilipino.

Pero sino nga ang tunay na nagwagi? Sino ang tunay na talunan?

Hindi akalain ni Juan Dela Cruz na ang pagkakaisang ito ng kanyang sambayan ang umpisa pala ng kanyang mas malalang kalbaryo. Na ang magiging bunga pala ng pagkakapit bisig ng bawat isa ay babaing pandak siyam na taong pagkakawatak watak naman ng sambayanang pilipino, pakikipaglaban para sa sariling buhay, pakikipaglaban sa mas lumalalang kahirapan, at ng harapang katiwalian.

Oo, walang perpekto, lahat naman nagkakamali. Hindi lang ang ang naging bunga ng rebolusyunaryong ito na naging syang dahilan ng mas lalong pagkakalugmok ni Juan, na ngayon ay pilit paring  kapittuko sa kongreso kumakapit sa pwesto ang syang winawalanghiya sinisisi ko. Kundi sinisisi ko ang sarili ko dahil sa akin din mismong paraan, naging bahagi ako ng  pagkakamali, napakalaking pagkakamaling pagkakaisang iyon. Kung sabagay walang nagsisisi sa mangyayari pa lamang.  Paumanhin naman, naghangad din lang ng pagbabago pasa sa akin din mismong kinabukasan.

Tamang hindi na gunitain pa kahit kelan ang anibersaryo nito, hindi na dapat pang ipagdiwang dahil wala akong nalalaman na taong nagselebra ng araw ng kanyang napakalaking pagkakamali at kahihiyan.













Miyerkules, Enero 26, 2011

TATLONG MUKHA NG KAMATAYAN

Nagpapasalamat po ang tambay sa inyong pagbati aking mga kaibigan sa blogosperyo,  wala po akong entry tungkol sa aking kaarawan, kasi pumila lang naman po ako ng pagkahabahaba sa LTO para sa pagrerenew ng aking (Driver's Liscense). kumusta naman un. .hahahaha... 



Eh bakit ganyan ang title ng aking entry? Kasi ganito po iyon, dahil nalalapit na ang araw ng mga emo puso.


Block ang FB at iba pang networking sites dito sa impyerno aming opisina.. mabuti na lang at ang blogsite ay hindi nadamay o baka nalimutan lang ng ulanghiyang magaling naming IT.

Natatandaan ko pa ang isang post ko sa isang Fun Page sa FB wayback 2010, siguro month of september pa yun. Adik din ako sa FB nung time na yun, kung hindi nga lang nablock, baka until now naman. At  kung sakaling hindi man block ang FB dito eh hindi ko na din mahahalukay ang post na yun, paniguradong sobrang natabunan na. o baka deleted na. Dahil malapit na ang araw ng mga puso kaya maki uso na din ang tambay. Iniisip kong mabuti kung ano ang nasabi ko sa post ko na yun.  Pero tanda ko pa din ang sinulat ko at ang ibang mga comment ng member..

at eto un (hindi eksakto pero ganyan ang sinulat ko noon at mga comment nila)

post:
Bibigyan ko kayo ng isang sitwasyon...
Kung ang taong mahal na mahal mo at matagal mo nang hinahanap ay nasa kabila ng kalsada lang pala at naghihintay sayo, sabik na sabik mo na syang yakapin at ikulong sa iyong bisig. Subalit bago ka makatawid sa kalsada ay kailangan mong dumaan sa isa sa tatlong pinto na nakaharang sa iyong daraanan.
Ang unang pinto ay punong puno ng baga at nagaapoy ang loob.
Ang ikalawang pinto ay puno ng masasamang tao at mga goons, adik, rapist at killer.
At ang ikatlong pinto ay puno ng leon at tigre na talong taon ng hindi kumakain.
Kung talagang mahal na mahal mo ang taong iyon na matagal mo ng hinahanap at kasiyahan para makapiling sya. Anong pinto ang iyong pipiliin.


ganito naman ang mga comment nila.

comment: adik ka, lakas ng trip mo.. jajajaja


comment: Ako, dun sa pangalawa, paparape na lang ako hihihi.


comment: ang hirap mo namang mahalin.


comment: ang hirap naman, pede bang tumalon na lang hahaha.


comment: sya na lang ang papupuntahin ko sa kin hehehe


comment ko: kung talagang nagmamahal ka, alam mo ang tamang pinto na iyong dadaanan.

comment: dun ako sa goons, hita ko lang katapat nila :)


comment: di bale na lang, ayaw ko pa mamatay jajajaja.


commentko: masasagot mo ng tama kung tunay ang iyong nararamdamang pagmamahal.


ang dami pang mga comment na kung ano ano ang sinabi at ang opinyon nila, ayaw pumili, ang hirap naman daw.. hanggang may nag comment na isa


comment: dun ako sa pangatlo, imposibleng mabuhay ang leon at tigre sa loob ng talong taon na hindi kumakain.. hahaha.. tama ko diba?


comment ko: may tumama din sa wakas.. tama, ang pangatlong pinto ang iyong dapat piliin, imposible naman talaga. hahaha


comment ko: ito lang po ang punto ko. See, ang pagmamahal hindi lang puso ang pinaiiral, kailangan din ng isip, hindi sa lahat ng pagkakataon, kailangan mo sundin palagi ang puso. hindi sugod ng sugod, na kahit ipahamak ang sarili para sa taong minamahal. Sa sitwasyong ibinigay ko, pinili ng iba ang pangalawa, pinili ng iba ang una, at may pumili naman ng pangatlo pero piling bahala na.. merong hindi na lang. 

Yan ba ang pagmamahal sa inyo? 

Kaya karamihan nagiging tanga sa larangan ng pag-ibig. Once na nagkamali, once na nasaktan, madalas ikatwiran ang salitang "nagmamahal lang". Hindi un ang katwiran, kundi naging tanga ka lang.  Jan din sa sitwasyon na yan, nais ko lang ipakita ang tunay na pagmamahal, ang pagbalanse ng puso at ng isip sa larangan ng pagmamahal.  cheerrzz sa inyo mga friends. :)



Dahil sa post ko na yan, may nagbansag sakin bilang "Tatlong mukha ng kamatayan"


Parang sa probinsya lang, kung magbigay ka ng isang aso o tuta sa kapitbahay o kakilala, asahan mong ang magiging pangalan ng aso ay ang pangalan mo. 






Martes, Enero 25, 2011

ENERO BENTESINGKO

Isang buwan matapos ang kapaskuhan
Martes ang araw at may pasok sa pagawaan
Ika 25 ng enero ng taong kasalukuyan
Nagpaalam muna na ako ay liliban

Gayun din naman dito sa aking munting tahanan
Ako ay aalis at sa inyo ay nagpapaalam
At dahil sa ito'y Scheduled post ko lamang
Babalik na lamang ako kinabukasan

????








Bakit ba? at ano ba ang meron?







wala lang.. ahahahah :)





cchheeerrzzzzz mga parekoy, marekoy, kuyakoy at atekoy...:)










Sabado, Enero 22, 2011

ANG GUSALI AT ANG SIYAM NA PALAPAG

Ilang taon na din ako nawalay sa aking mga magulang, nakipagsapalaran para sa aming ikabubuhay, at eto dumating na din ang araw na aking hinihintay, ang aking pagbabalik sa aking lupang pinagmulan. Sa aking pagtahak sa daan pauwi, tila yata ako ay naliligaw, subalit tanda ko pa, ito ang daan patungo sa amin. Wala naman akong mapagtanungan, sa patuloy kong paglalakbay, may nakita ako na isang gusali. Tumigil ako at umasang may makakausap man lang.

Pumasok ako sa loob ng gusali, sa unang palapag,  puno ng naggagandahang palamuti, kumpleto ang ang gamit at halos lahat ay bago. Ang hapag puno ng pagkain.. Magandang simula para sa isang pagbabago. Pero walang tao.. wala akong mapapagtanungan..

May nakita kong hagdan at aking inakyat, hmmm.. ikalawang palapag.. mangilan ngilan na lang ang gamit. TV na lang yata ang natitira, at ibang gamit sa kusina na hindi pa nahuhugasan. Nabuhayan ako ng loob dahil meron na kong mapapagtanungan. Subalit wala din tao. Sa aking pagmamasid, may nakita ulit ako na hagdan. Akin muli itong inakyat at narating ang ikatlong palapag.

Walang laman, walang gamit subalit halatang may tumira na dito. Sa loob ng silid na iyon, napansin ko ang isang kabinet, aking binuksan at sira sirang damit lang ang aking nakita. Hagdan ulit, ilang palapag ba meron ang gusaling ito?

Inakyat muli at sa ikaapat na palapag, hindi ko inaasahan.. mistulang pinagnakawan ang silid na ito. Puro sulat ang pader, sira sira at kupas ang pintura. Nagkalat ang dumi at bakas na iniwan ng salarin. Napakasamlang ng gumawa nito. walang patawad.

Ikalima... ikaanim... ikapito... ikaw walo... hanggang narating ko ang ika siyam na palapag. Sa mga nadaanan ko, ganon lahat ang itsura ng bawat silid, mistulang pinagnakawan, wala ni isang gamit, napakarumi at may masangsang na amoy. At dito sa pang siyam, bakas na bakas pa kawalanghiyaan ng tumira dito. Sirang sira ang loob ng silid. Halatang pinagsamantalahan at walang bait sa sarili ang tumira sito. Hindi ko na nakayanan ang amoy. Mabilis ako umakyat sa hagdan..

Haaaayy.. sariwang hangin.. ito na pakataas ng gusali, subalit may mga haliging nakatayo at may mga bakal na kinakalawang.. kita sa itsura na hindi na ito tinapos ng gumagawa. At sa wakas, hindi pala ko nag iisa, meron na din ako mapapagtanungan, may isang matandang nakaupo pasandal sa isang nakatayong haligi, malayo ang tanaw, hindi alintana ang aking presensya.

"Magandang araw ho lolo"

"Sino ka at ano ang kailangan mo sakin? Isa ka ba sa aking mga anak, nais mo din ba akong pagnakawan?"

Seryosong balik sakin ni lolo, nagtataka man at may nadaramang takot at pagkaawa kay lolo ay pilit pa din akong ngumiti, halata sa mukha ni lolo ang pagod at hirap na pinagdaanan.

"Lolo, napadaan lang po ako at naisipan kong pumasok sa gusaling ito dahil bukas po ang pinto, hindi po ako magnanakaw, akala ko po walang tao dito, naghahanap lang po ako ng aking mapapagtanungan."

"Iho, halika, lumapit ka sakin at gusto ko ng kausap"

Nagkwento si lolo tungkol sa kanyang buhay, at sa kanyang mga anak. Mayaman pala si lolo. Subalit ngayon ay naghihirap. May katandaan na si lolo kaya kailangan nya pumili ng isa sa kanyang mga anak upang mangalaga ng kanyang yaman. May termino sa bawat kanyang mapili, at kapag natapos na ay hahalinhan naman ng kanyang napupusuan. Subalit sinamantala lang ang kanyang yaman para sa pansariling interes ng ilan. Kawawa si lolo.. may luha sa mata habang nagkukwento sa akin.

"Iho apo ko, ang huling pinagkatiwalaan ko na syang mangangalaga ng aking yaman ang syang walang habas na nanamantala sakin. Ang gusaling ito iho.. sa bawat palapag na dinaanan mo ay sumisimbolo ng bawat taon na dinanas ko. At itong gusaling ito na may siyam na palapag ay ang siyam na taon ng aking buhay."

Puno ng hinagpis, puno ng sama ng loob, naghahangad ng tunay na pagbabago, ng tutulong para sa muli nyang pag-ahon. Nakamata lang ako kay lolo, pinagmamasdan ang matang umiiyak, ang bibig na nangangatal. ang puting buhok sumasama sa hampas ng hangin.

"Ang huling palapag na ito, wala pa sa kalahati at hindi tapos ang pagkakagawa diba? Ang akala ko may pagbabago, subalit dumating ang aking anak. Kinuha ang lahat ng gamit ko. Nakikita mo ba ang mistulang bahay na iyon sa may malapit dito? Iyan iho, jan ako muling magsisimula , nasa unang palapag pa lamang ako. Gusto kong matibay ang pundasyon para sa aking pagbabago."


Malalim ang aking pag-iisip sa mga binaggit ni lolo

"Eh lolo, magtatanong lang ho ako kung saan ang daan pauwi sa amin"

"Iho ang guasaling kinatatyuan mo, ito ang bahay mo, gugustuhin mo bang tumira dito?, Halika apo, sumama ka sakin at tulungan mo kong simulan ang ating pagbabago"

Lumabas kami ni lolo sa gusali, sa aming paglalakad palayo, tumigil saglit si lolo at lumingon sa gusali.

"Juan"

"Ano pong sinasabi nyo lolo?"

"Juan iho"

"JUAN DELA CRUZ"

"Iyan ang aking pangalan"




Huwebes, Enero 20, 2011

SARANGGOLA


"Matayog ang lipad ng saranggola ni Pepe, Mataas ang pangarap ng matandang binge"

Narinig kong inaawit ng isang bata na lumampas sa harap ng tindahan ni nanay, bitbit ang isang saranggola, winawagayway ng hangin na parang ibig ng lumipad. Nasa mukha ng batang iyon ang kasiyahan. Naalala ko tuloy noong bata pa ko, walang alam kundi kasiyahan. Matagal ko din inatupag ang pagsasaranggola.

Tanda ko pa noon sa malawak na parang sa may amin.. Malakas lagi ang ihip ng hangin,  sariwa at kaaya aya, di ko iniininda ang init ng araw  makapagpalipad lang ng saranggola. Maipagmamalaki ko sa sarili ko na ako ang gumawa ng sarili kong saranggola. Ilang sando bag din ang naubos ko (kinuha ko sa tindahan ni nanay), kandasugat ang aking kamay sa paghubog ng kawayan. Tulo ang pawis at sipon sabay pahid sa laylayan ng damit at hindi alintana ang pagod mabuo ko lang ang aking saranggola. Ng aking matapos, ayaw pang lumipad kaya laking dismaya. Hindi ko tinigilan ang aking saranggola at sa wakas napalipad ko din, hindi sumusuko sa hangin, matibay at mayabang sa ere, walang katumbas ang kasiyahang aking nadarama.


Sarap ng pakiramdam na dahil sa aking tiyaga, napalipad ko ang aking saranggola. Walang pagsidlan ang aking tuwa. Sa tuwing wala akong pasok sa eskwela, pagsasaranggola ang inaatupag ko. Usong uso kasi noon ang saranggola, pagandahan ng gawa, pahabaan ng tali (pisi), paingayan sa taas. Pero ang aking saranggola, kahit tagpi tagpi na sa kasasabit sa puno, hindi ko pinalitan. Ako kasi ang gumawa, at pinahahalagahan ko ang lahat ng ginawa ko kahit noong ako'y bata pa lang. Di gaya ng sa mga kalaro ko na ginawa ng tatay nila, kaya wala silang pakiaalam.. masira man, pagawa ulit ng bago.


Hindi ko inaasahan noon habang nasa ere ang aking saranggola, napatid ang kanyang tali. Nakatingin lang ako sa kanya habang tinatangay ng hangin. Sinundan ko kung san babagsak ang aking saranggola, tumatakbo, tumutulo ang luha. Hanggang sa sumabit siya sa isang puno, medyo may kataasan. Pinilit kong akyatin ang punong iyon,  kinaya ko naman. Nakuha ko din ang aking saranggola, sira sira na dahil sa kakasabit sa sanga. Pero ayos lang, ang mahalaga nabawi ko ang aking saranggola. Kaya ko pa naman tagpian,  magagawa ko naman ulit. Lilipad ito muli sa ere, makikipagsabayan sa hangin. May pagmamalaking titingalain ko syang muli. 


Ang aking saranggola, sumisimbolo sa aking mga pangarap na ayaw kong mawala sakin..






Martes, Enero 18, 2011

KAWALAN

May mga bagay talaga na kahit anong gawin mo, anong pag-unawa ang gawin mo ay hindi mo maintindihan. Hindi naman kasi lahat ng nakikita mo ay iyo ng paniniwalaan at hindi lahat ng pinaniniwalaan mo ay naiinitidihan mo.

Patuloy pa din akong tumatahak sa daan na hindi ko pa alam ang patutunguhan. Nangangapa sa liwanag subalit may kadiliman. Nawawala sa sarili, namumulot ng bawat piyesa na nadadaanan saking paglalakbay, paglalakbay kung saan hindi ko alam kung saan nasimulan at kung saan ang patutunguhan. Umaasang sa bawat piyesa na mapapagdikit, may mabuong palatandaan, malaman ang dahilan, marating ang dulo ng daan na tila ba walang hanggan.

Nakakapagod, sumasakit na ang ulo ko, pakiramdam ko ba walang laman ang isip ko, laging kawalan. Gumagaan lang ang damdamin sa aking pamamahinga, naiidlip, doon namamalayan ko na lang, tapos na ang aking paglalakbay. Ang daming kong kasama, mga imposibleng bagay, nangyayari, simpleng pangarap natutupad, nararating ko ang lugar kung saan ang bulag nakakakita, kung saan ang pilay nakakalakad, kung saan ang tao nagagawang lumipad, malaya, malayo sa problema, masaya ang bawat nilalang, puno ng pagasa.

Ayaw kong mapikit, ayaw kong gumising subalit liwananag ng sikat ng araw ang nagbalik saking kamalayan. Babalik na naman ako sa kantotohanan, mahabang paglalakbay, wala na namang katiyakan. Aasa na naman na makapulot ng bawat pyesa na syang bubuo sa palatandaan. Umaasang may masalubong upang mapagtanungan. Alam kong maraming balakid, madaming temptasyon, madaming unos pa sa aking hinaharap at sa aking dadaanan.

Ayaw kong dumating ako sa puntong hindi ko na kaya, nanghihina, walang kinahinatnan.

Alam kong walang makakaintindi sa akin, dahil mismong sarili ko hindi ko rin maintindihan.





***
Nagugutom din ang ating kaluluwa, at dasal/panalangin ang kanilang pagkain.
Sa mga pagkakataong halos parang tayo ay nasa kawalan, hindi alam ang silbi sa buhay, walang alam na pupuntahan. SIYA lang ang ating kailangan.

Sabado, Enero 15, 2011

MUCH BETTER

(cellphone ringing)
"Just gonna stand there and watch me burn
Well that’s alright because I like the way it hurts
Just gonna stand there and hear my cry
Well that’s alright because I love the way you lie
Love the way you lie"

Nagising ako sa tunog ng aking cellphone, 6 miskols, 25 msg, lahat ng message ay galing sayo. then mark all......... deleted mark?....... yes..

10 am na pala, tinanghali ako ng gising, nag-inuman kasi kami ng barkada ko, nagkayayaan lang at pabor naman sakin. Sabado naman ngayon at walang pasok sa opisina.
(cellphone ringing)
"Just gonna stand there and watch me burn
Well that’s alright because I like the way it hurts

Ikaw ulit ang tumatawag, tinitigan ko lang ang screen, ang picture mong nagbiblink pa.
"Just gonna stand there and hear my cry
Well that’s alright because I love the..............

"what?"

"Banjo, sorry"

"Ok lang"

"Banjo naman, alam ko galit ka sakin. Magalit ka at wag puro ok lang"
"Ok then, fuck you"

sabay press ko sa end.. ang diin diin pa para siguradong na end ko na nga.. bitter much. Bumalik ako sa higaan, tinatamad pa ko bumangon at medyo masakit ang ulo ko (sa taas).
(cellphone message tone)
-- may nagtext sayo adik..


<It feels better na marinig kong magalit ka sakin, sorry sa lahat ng kasinungalingan ko sayo, nasaktan kita ng sobra. alam kong hindi mo ko mapapatawad, hindi ko na matiis ang  lokohin ka kaya inamin ko na sayo ang lahat, im sorry ulit banjo.>
text message nya sakin.. ang then reply ako

<Ok lang naman talaga ang lahat at may aaminin din ako sayo, alam mo ba, alam ko ang kasinungalingan mo noon pa, natatawa ko sa pilit mong pagtatago, sinasakyan lang kita, ginamit mo ko? ikaw din naman nagamit ko. So siguro much better ngayon kung ikaw naman ang magalit sakin... ha ha ha>

<fuck you!!!!>

<wanna fuck? ha ha ha>

<go to hell...shit!!!>

<and also both of you>

­­­­-----------------------------

-----------------------------
(cellphone ringing)
"Just gonna stand there and watch me burn
Well that’s alright because I like the way it hurts
Just gonna stand there and hear my cry
Well that’s alright because I love the way you lie
Love the way you lie"

"bullshit, sobrang sakit ng ginawa mo.. sobrang sakit"

(cellphone ringing)
"Just gonna stand there and watch me burn
Well that’s alright because I like the.......

ang kulit mo pa, ayaw na kita makausap pa.  sabay press ng end.. bullshit na ringtone yan..

-------------------------

-------------------------



to many:

<Mga parekoy, punta kayo dito sa bahay mamaya, same time, inuman tayo.. sagot ko lahat>

Nakatitig sa kisame, malalim ang aking pagiisip.. alak lang muna ang katapat para mamanhid saglit ang aking pakiramdam at makalimot ng sakit pansamantala.

-------------------------

-------------------------
(cellphone ringing)
"I'm not afraid to take a stand
Everybody come take my hand
We'll walk this road together, through................


"Hello parekoy"

"Hello Pre, labas ka muna jan sa lungga mo, basketball tayo"

"Ok parekoy, kita kits na lang sa court"

(cellphone ringing)
I'm not afraid to take a stand
Everybody come take my hand
We'll walk this road together, through the storm
Whatever weather, cold or warm
Just let you know that, you're not alone
Holla if you feel that you've been down the same road

nakatingin lang ako sa aking cellphone.. napangiti..

"MUCH BETTER"















*** kulit lamang ng aking kukote

Biyernes, Enero 14, 2011

PANAKIP BUTAS

Mahal mo ko, yan ang sabi mo
Mahal din naman kita at yan ay totoo
Ngunit sa likod ng pader na nakaharang sayo
Nakatalikod ka at iba ang kausap mo

Marahil sa akin, may nakita ka lang
Iyong hinahanap sa iyong nakaraan
Hindi kaya at ikaw ay sadyang nasaktan?
Na pilit mo lang na tinatakasan

Hindi tamang magmahal ka ng iba
Kung nananatiling nakakulong ka pa
Sa iyong kahapon, na hindi ka pa makalaya
Harapin mo ang katotohanang mahal mo pa din sya

Ang mga nais mo'y hindi ko kayang pagbigyan
Dahil sa sarili mo ay kaw lang ang nakakaalam
Tunay mong hangad, ang tunay mong kaligayahan
Na tanging kahapon lang ang makakapaglaan




Hindi tamang takasan ang nakaraan kung meron itong mali, hahabol at hahabol ito sa iyong kasalukuyan at pati na din sa iyong kinabukasan. Ang isang pagkakamali ay hinding hindi maitatama ng isa pang pagkakamali. Harapin ang katotohan at wag takasan. Hindi tamang mag mahal ka ng iba kung ang dahilan ay upang limutin lang dati mong minahal, pagmamahal bang matatawag yun o karuwagan? Walang kasiyahan ang pakikipagrelasyon sa taong pinipilit mo lang mahalin dahil sa iyong tinatakasan, kung sakaling dumating ang panahong hindi mo sya matutunang mahalin, impyerno ang buhay na iyong sasapitin dahil sa huwad na kasiyahang pilit mo lang ipararamdam sa iyong kasiping. Ang huwad na kasiyahang kahit sayo ay hindi magparamdam. Ang makipagrelasyon sa isang taong na walang nararamdamang pagmamahal ay panloloko ng sarili.


Huwebes, Enero 13, 2011

PAG-ASA SA KANILA

Nakikita ng kabataan ang ano mang mali sa kanilang hinaharap, kamalian na maaring nakikita sa kanilang henerasyong sinusundan, karanasan na maitutuwid nila sa sandaling tumuntong sila bilang isang sibilisado at edukadong mamamayan. Isa yan marahil kung bakit nasabing "Ang Kabataan ang Pag-asa ng Bayan". Nasa kanila ang lakas, ang talino, ang pangarap.

Marahil noon, sumasalamin sa ating mga kabataan ang pagiging makabayan. Pagpapaunlad ng kaalaman ng batay sa kanilang karanasan, sa ugali at tradisyon na kinagisnan. Katulad ng mga laro noon (taguan, patintero, luksong baka, at iba pa) na ang gamit ay buong katawan, humahasa ng lakas, isip at ng talento. Marahil din noong panahong iyon, ang mag-aaral ay nagsasaliksik ng kanilang takdang aralin sa kanilang pamamaraan, nagtitiyagang maglipat sa kanilang kwaderno ng kaalamang sa aklat na sa silid-aklatan lang nila matatagpuan, gamit ang daliri at lapis o ballpen. Dahil sa ganitong karanasan, naging likas na mapamaraan ang mga kabataan. Noon din, karaniwang pangarap din ng isang bata ang maging titser, sundalo, doctor at arkitekto, simpleng pangarap din ang maging magaling na karpintero. Kapag tinanong ang isang bata noon kung bakit ganito nila gusto maging paglaki nila, ang karaniwang sagot ay "Para mapaunlad ang Bayan, o makatulong para sa pag-unlad ng bayan o para tumulong sa mga mamamayan"

Sa panahong ito ngayon, sa ating henerasyon, naging maginhawa ang buhay at dahil yan sa makabagong teknolohiya. Cellphone, digicam, ipod, lalong lalo ng ang internet. Hindi maikakailang malaking tulong sa atin ng internet, mabilis ang komunikasyon.  Ngunit kasabay din ng pagbabago o pagunlad na ito ay ang unti unting paglimot sa ating kinagisnang kultura at pag-uugali. Ang mga bata ngayon, mata lang at ang daliri ang gumagana. Internet lang kailangan, solve na. Hindi ko alam kung ano ang nalilinang sa kanila ng mga larong ito. Siguro nga for entertainment lang o kasiyahan. Ang takdang aralin ng mag-aaral ay isang click na lamang, si pareng google lang ang katapat at presto, may assignment na, ang siste pa karaniwang larawan lang at keywords ang binabasa. Ating tanungin ngayon kung ano ang gusto maging ng mga bata, siguro iyon pa din naman ang sagot nila, maging titser, doctor, etc.. kapag tinanong kung bakit, ang sagot nila "upang tumulong o makatulong sa mahihirap" at ano pa? "upang makatulong sa mahihirap" at ano pa? "Upang makatulong sa mahihirap". Ang iba naman gusto maging, ang magakapagtrabaho sa ibang bansa, at upang makaahon sa hirap. Malayo na ang agwat ng pagkakaiba.


Malaki ang tulong ng ating tekonolohiya sa pag-unlad ng bayan at pag ginhawa ng buhay ng bawat isa. Kaya lamang ang pag-unlad na ito ay sumesentro lamang sa kabuhayan ng bansa. Hindi lahat nadadala ng teknolohiyang ito sa pag-unlad, at minsan pa nga nakakaapekto pa sa kabuhayan ng iba? Pansinin ang ating mga kababayang katutubo at ibang taga probinsya, sa aminin natin at sa hindi, apektado sila ng teknolohiya. Bumababa mula sa kabundukan upang makipagsapalaran. Paano kasi, nasisira na ang kanilang kabuhayan.

Ang riyalidad na nag lipana ang batang lansangan ang patunay na may umuunlad at merong hindi. Ang iba naman, palaboy at sumisinghot ng rugby para pamalit sa gutom, napipiltang gumawa ng masama para lang may makain.

Hindi ko alam kung nakikita ng ating kabataan ngayon ang mali sa hinaharap o ang mismong kamalian ngayon. Kaya pa ba nila ituwid ito para sa lugar na kanilang kinagisnan o para sa sarili na lamang? Nasa kanila pa rin ang lakas, ang talino at ang pangarap. At sa tamang pagsubaybay sa kanilang paglaki at pagdisiplina ng magulang, sila pa din ang Pag-asa ng Bayan.




Miyerkules, Enero 12, 2011

MAY REKLAMO KA?

Halos araw araw, dumarami ang nagrereklamo, reklamo sa buhay na meron sila, sa ilalim ng init ng araw sa pagod sa pagtatrabaho, sa sistemang kanilang kinabibilangan, reklamo sa kanilang paligid, sa basura, sa trapiko. Walang katapusang reklamo.

Mainit ang araw, hindi makapagbukas ng bintana dahil sa masangsang na amoy ng hangin, lalo na sa lugar na malapit sa anyong tubig, dahil sa basurang kung saan saan lang itinatapon, naiipon at nabubulok na syang sanhi ng mabahong amoy sa kapaligiran.

Dumating ang ulan, at sa ilang oras na pag ulan, hanggang bewang na ang baha. Maraming motorista at tumitirik sa daan, marami ang nagkakasakit dulot nito,  ang sanhi ng pagbaha, ang basura din na kung saan saan lang din itinatapon, na kapag naiipon, bumabara sa estero't kanal na syang dapat daanan ng tubig ulan patungo sa ilog o dagat.

Nahuli ka ng dating sa yong trabaho dahil sa sikip ng daloy ng trapiko, umalis ka ng maaga para makaiwas sa trapik subalit ganon din pala ang iba, ang siste nagkasabay sabay kayo. Letseng trapik yan..   Araw araw ganyan, mula umaga hanggang gabi.. Sobrang trapik, sa dami na ng sasakyan, sa kabila ng trapik signs, sa lawak na ng kalsada pero grabing trapik pa din. Dahil sa trapik na yan, mas lumalakas ang konsumo natin sa gasolina. Hindi praktikal, dahil sa trapik nagagastusan tayong mga motorista at at mga pumapasada para sa wala.

Reklamo tayo sa kinauukulan, gawan ng paraan ang problemang ito. Kung minsan, humaharang pa tayo sa daan para lang maiparating natin sa kanila ang ganitong preblema. Hindi tayo tumitigil sa karereklamo hangga't wala tayong nakikitang pagbabago o solusyon ng gobyerno sa problemang ito. Pero sa aminin natin at sa hindi, walang magagawa ang nakapwesto sa ganitong usapin. Kung may magawa man, ito ay panandalian lamang. 

Naranasan mo na din bang ireklamo ang sarili mo?  Hindi naman bobo ang pinoy, kahit walang pinag-aralan, sa isang tingin pa lang, alam naman nya ang masama at maling bagay. Kung gagawin ba ito o hindi.

Ang tunay na solusyon sa ating mga hinaing at reklamo sa ating sistema ay nasa atin ding mga sarili.  Disiplina ang kailangan.   Kung may disiplina lang ang bawat isa, wala sana ang ganitong problema, sunod sunod na yan, maiiwasan din ang ibang problemang kaakibat ng basura at sikip ng daloy ng trapiko. Hindi na natin kailangan ang istriktong implementasyon ng batas  para magkaron tayo ng disiplina, sa ating sarili dapat yan nag-uumpisa. 

May raklamo ka ba?




Lunes, Enero 10, 2011

May nangyari na ba sayo? part 2

Habang wala pang ginagawa dito sa opisina ngayong umaga (tamad at lunes kasi, pinaka nakakatamad na araw dito sa opisina), tambay lang ako at nagiwan ng bakas sa bahay ng aking mga kaibigan (blogsphere). Naghalungkat na din ako ng old files ko, at sa kakahalungkat ko, nakita ko itong sulat na ginawa ko dati para sa (walang kwenta) isang head ng department dito sa amin. Sinulat ko lang ito, at naburo lang dito sa D ko. Hindi ko pa naman kasi natutuklasan ang mundo ng Blogging dati. 

Eto ang unang post ko dati, May nangyari na ba sa iyo?

at sa ilang buwang lumipas at dahil sa walang pagbabago sa sistema, ayun nga at naisipan kong sundan ang unang nasulat ko para sa (walang kwenta) head na iyan. 

may nangyari na ba sa'yo? part 2

ikaw..oo ikaw nga..ikaw ang kausap ko,
basahin mo ako..ano na ang nangyari sayo?
lumipas na ang matagal na panahon sayo..
dyan ka na tumanda at nagkaisip sa kinatatayaun mo
pero ano ka ngayon diba?
ang hirap kasi sayo, ang galing mong magsalita
sayang, kapanipaniwala pa naman at dahil
nandyan ka sa itaas, maniniwala talaga ang
nakakarinig sayo.
pero akong matagal mo ng nakasama, asa ka
pa ba na maniniwala pa ko sayo?
ang daming pangyayaring dapat mong pagtuunan ng pansin..
hindi lang basta pangyayari eh, nakakaapekto
na ito sa mga kasamahan mo. ikaw lang
naman ang makakagawa ng aksyon sa mga
ganong pangyayari.. hindi ako o kami...ikaw lang
kaya nga sayo ang daing namin, ikaw ang dapat
na gumawa ng paraan upang tumaas naman
ang aming moralidad at upang
maibalik sa yo ang aming tiwala...oo, unti unti
ng nawawala ang aming tiwala sayo
dahil puro ka salita lamang...hanggang pakinig
ka na rin lang... wala kaming nakikitang ginagawa
mo sa aming hinaing...
hinaing na alam mo ding hinaing mo din..
harapan na kasi ang pag labag sa polisiya mo...
lantaran na rin ang panloloko sa nasasakupan mo
pero anong nangyayari, pikit ka na lang,
mag bingi bingihan ka na lang.
wala ka bang gagawin?
kung sabagay, may ginawa ka na nga pala.
at may pinansin ka na din pala.
mga bagay na hindi naman dapat iyon ang pinagtutuunan
mo ng pansin...mga bagay na hiling
lang namin na mga kasama mo..
na para din naman sa ikadadali at ikabibilis ng aming trabaho..
na bago mo aprubahan, katakot takot
na tanong ang narinig namin sayo..
pero ngayon, eto na..ayan na..sa harap mo na..
iba't ibang klaseng pandaraya na harapang ginagawa sayo...
wala nangyari diba...iniisip ko nga, may kinikilingan ka ba,
may kinatatakutan ka ba?
kung may kinikilingan ka, aba mali iyon..
hindi yun patas at alam mo un...
at kung may kinatatakutan ka, aba mali din
yun..nandyan ka na sa pwesto mo, nasayo ang
karapatan para magtanong ka at gumawa ng hakbang..
wag kang matakot dahil
wala naman silang laban sayo...
ang siste, nataasan ka lang ng boses...
tahimik ka na... at nakikita namin ang pagtahimik mo
nakakaawa ka naman, may kapangyarihan ka
pero hindi mo nagagamit sa tamang paraan
ngayon isipin mo na lang kung paano mo
pa maibabalik ang tiwala namin sayo..
kung paano pa maibabalik ang paggalang namin sayo
kung paano pa kami maniniwala sa'yo
at isipin mo din kung may maganda pang
mangyayari sayo...
ikaw na bumasa nito, timaan ka ba?
at kung timaan ka, ikaw nga ang kausap ko...



Sana hindi ko na maisipan pang sundan ng Part 3 itong walang kwentang post na ito..

Cheeerrrrzzz mga parekoy at marekoy....







Biyernes, Enero 07, 2011

KONTING HIGPIT PA...

Kanina lang, dumaan ako ng Gas Station at nag pa Full tank ng sasakyan, habang nagrerefill si kuyang gasoline boy, narinig kong nagrereklamo ang isang driver ng dyip na kasabay ko din nag papakarga ng gatong.

"Masaya nga ang pagsalubong sa bagong taon, hindi naman maganda ang pasok sa atin. Tanginang buhay yan, pano ka ba naman kikita sa ganitong sistema, walang tigil ang pagtaas na langis, at........ blah blah blah"

May punto si Manong, Naging masaya nga ang pagdiriwang ng ating sambayanan nitong bagong taon, kabila kabila ang huni ng torotot, ang naglalakasang paputok, puno ang hain ng bawat mesa, umaasang maging masagana ang buhay sa pagpasok nitong 2011. Bagong taon at syempre bagong pag asa. Subalit hindi natin maitatanggi, sa aminin man natin at hindi, hindi maganda ang pagpasok sa atin ng 2011. Kaliwa't kanan ang pagtataas ng presyo sa merkado ang sumalubong sa atin, Presyo ng produktong petrolyo (na talaga naman isang beses mag rollback ay sampung ulit o higit pa kung mag taas ng presyo), toll fee hanggang sa pamasahe (sa jeep, sa taxi, maging sa MRT at LRT), presyo ng asukal, bigas, ng tubig at napakarami pang iba.

Sa sabay sabay na pagtaaas na bilihin nating iyan, sa mga ganitong pagkakataon. Anong ang hakbang na magagawa nating mga pinoy? Rally, strike, kabikabilang protesta. Tama, karapatan natin ang umalma, ilabas sa ano mang paraang mabuti ang ating mga saloobin, kalampagin ang Gobyerno sa paglobo ng suliraning ito. Pero hind lamang ito ang solusyon, hinding hindi agad mapapababa ng mga protestang ito ang suliranin sa taas ng ating bilihin. Tanging mga bagay na nasa ating kontrol lang, tamang diskarte ang tanging makakatulong sa ating mga sarili sa ganitong pagkakataon.

Ibayong pagtitipid ang sa aking pananaw ay pinakamabisang solusyon. Hindi ako naniniwalang sagad na sagad na tayo sa pagtitipid, dito tayo sanay na mga pinoy. Ang mga bagay na gusto (wants) ng karamihan, nakakaya pa. Subukan naman nating bawasan ang wants na yan at pagtuunan ang totoong pangangailangan (needs) natin at ng iba? Marami eh, sa  text na lamang,  internet load, magagarang gadget,  magagandang damit. Madami naman, hindi naman ikamamatay ng isang indibidwal kung mawala o limitahan man sa kanila ang mga ito. Pero kung needs ng bawat isa ang mawala, paano na tayo?

Hindi naman mahirap gawin, pero kung talagang wala ng ibang alternatibo at hindi na mapigil ang pagtaas ng presyo ng pangunahin nating pangangailangan, maoobliga din tayong magtipid sa kahit na anong paraan, panigurado yan.







Miyerkules, Enero 05, 2011

YANA

Nangyari ito last year after ng Christmas Party namin (di ko na nai post dahil busy ako sa lintik na auditor na yan, year end reporting kasi). Itong kumparekoy, palibhasa isang way lang ang aming dadaanan, nag ayang tumambay sa bahay aliwan. At ang walang magawa, sumama naman, eh libre eh. sayang naman.

Dito ko nakilala si Yana (syempre hindi tunay na pangalan), isang GRO na napili ko hmmm hindi ko sasabihing napili ko i-table kundi napili ko para makausap. Oo, ang istambay, kahit na SM (simpleng manyak) lang, may paggalang sa kababaihan (maliban lang dun sa pandak). VIP yan so ibig sabihin, kami lang dalawa sa loob ng room (wag masyado maglilikot ang isip ha). Since libre ito ni parekoy, 1000 pesoses gad 6 ladys drinks at isa para sakin kaya oks lang. Ang ganda ni Yana, palong palo ang katawan, ang ikli ng kasuotan, mapang-akit at dahil panahon ng taglamig, makikita mong nagtatayuan ang kanyang balahibo sa ginaw, dito napukaw ang aking pusong mamon. Hinubad ko jacket ko at binigay ko sa kanya. Kwentuhan muna kami ni Yana. Palibahasa alam kong sanay sa bolahan sila, nakibola lang din ako.. pero dumating sa puntong nagseryoso kami ng usapan ni Yana.

May anak si Yana, 8 months na sanggol, isang buwan pa lang sya sa ganong klase ng trabaho. Walang choice na matrabaho kundi ung ganong klase, dahil na din sa kahirapan, sa taas ng bilihin, sa laki ng gastusin, nagiisang magulang na magtataguyod sa kanyang anak, walang pinag aralan at may malaking responsibilidad, sa kagustuhang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanyang anak sa patas na laban, walang lamangan at walang inaapakan,  dahil na din sa kanyang kapaligiran, at higit sa lahat ng dahil na din sa malawakang kurakutang ginagawa ng mga nakaupo sa pwesto. Oo, iyan ang may malaking bahagi ng kadahilanan bakit ang daming dukha na hindi na makaahon sa kahirapan, pilit nagsusumikap at nakikipaglaban sa hamon ng buhay na nilalamon ng bulok na sistema na ating kinabibilangan.  Napagkwentuhan namin ang buong buhay nya, ramdam ko ang katotohanan sa kanyang sinabi, nawala ang kalibugang bumalot sakin pagpasok pa lang ng kwarto, naawa ako sa kanya.. oo seksi, makalaglag brief ang kagandahan, kung tumitig at makatingin at talagang  tatagos sa kahindigan ng bawat lalaki, pero ako hindi tinablan, sa likod ng kanyang mga titig na iyon, nakikita ko ang paghihirap na kanyang nararamdaman. Sino ba naman sa atin ang may gustong sa konting halaga lang ay ibibilad na ang katawan, babastusin na kung sino. Wala akong nalalaman, nagagawa lang nila ang ganito dahil sa sobrang pangangailangan.  Ang nangyari ng oras na iyon, ako na ang uminom ng drinks nya. Pinaorder ko pa sya at ako pa din ang uminom. Dahil si parekoy ay nageenjoy ng todo at iniintay ko na lang sila matapos. Pinatulog ko na lang si Yana. Napansin ko tumutulo ang kanyang luha. Nang dahil na din saking mga sinabi sa kanya, hindi tamang wala tayong pagpipilian, nasa diskarte lang yan sa pagharap sa pagsubok at problema sa ating buhay.

Natapos din si parekoy, kinuha ko ang cheat namin ni Yana, humingi ako ng pera kay kumparekoy, nilabisan ko pa. Lahat ng sukli, binigay ko kay Yana, and since libre lang ito ni parekoy, dumukot din ako sa aking bulsa. Laking pasasalamat ni Yana sakin. Sabi ko na lang, ako na lang sana ang huling lalaki na makausap nya sa lugar na iyon.






Kanina kausap ko lamang si Yana, tumawag dito sa opisina, nasa directory kasi ang Number ng company namin, hindi na nga sya bumalik sa bahay na iyon, at ako na nga ang huling lalaking nakausap nya. Nandun nga sya sa SM, for interview na sa posisyon na kanyan inaaplayan. (Dahil na din sa tulong ko syempre, hindi na patas ang laban eh.)

Hindi tamang humusga tayo batay sa kilos at pananamit ng isang tao, sa klase ng trabaho, sa paraan ng pananalita. Unang una, hindi tayo JUDGE para humusga. Hindi rin tamang sabihin na "sabihin mo kung sino ang mga kaibigan mo at sasabihin ko kung sino ka". Para sakin, Ogag ang nakaimbento ng wikain na ito. Wala tayong karapatang humusga sa ating kapwa.

Lunes, Enero 03, 2011

WAG KA NANG MAGPARAMDAM PA...

Wala akong nagawa dito sa aking bahay nitong nakaraang Pasko at nitong before mag new year kaya naman eto ako, huli man at huli pa rin.. happy newyear pa din sa inyo lahat..

Isang taos pusong pasasalamat sa lahat ng naging aking kaibigan dito sa mundo ng blog, mga nag follow at lahat ng pinalo (follow) ko, sa lahat din ng napadaan sa aking munting tahanan (tahanan ha at hindi tirahan) at sa lahat ng nasa mundo ng blogging, maraming salamat po sa inyo lahat..

Unang ratsada ko ngayong 2011

Gudbay 2010, ang dami mong iniwang sakit sa isip at damdamin ng pinoy, magkakatulad kayo ni 2001 hanggang 2009, ang nasayang na taon para sa karamihang pinoy. Sa loob ng mga taong iyon sa bawat newyear na dumating, umaasa tayo at patuloy na umaasa na mahango tayo sa kahirapan na kahit na alam nating walang pag-asa kaya hanggang asa na lang tayo. Kung hindi tayo umaasa noon kahit na suntok sa buwan at halos wala naman talaga, parang na din tayong sumuko at umamin na wala na talaga tayong kinabukasan. Sa kalahatian ng iyong pamamayagpag 2010, nagkaron ng (tunay) pagbabago, at naramdaman ng karamihan ang tunay na pag-asa.  Subalit bago ka magpaalam na bwisit ka (2010), nagpahabol ka pa ng kabulukang pangyayari na dinanas ng ng lahat mula sa naunang siyam na taon bago ka, na parang talagang tinatanggalan mo talaga ang lahat ng pinoy ng isang Pag-asa. Pero mapagtiis ang tayong mga pinoy at tanggap ang kahirapan kaya nanjan pa din ang pag asa.



Hello 2011, ayan ang pani bagong Pag-asa. at ayon sa survey halos 93% na mga Pilipino ay naniniwalang magbabago ang kanilang buhay ngayong taon na ito, hindi lang malinaw sakin kung anong klaseng pagbabago ba pero sana for good naman, isang pruweba na patuloy pa din ng umaasa ang bawat pilipino.  Pero wag naman tayo puro asa na lang mga parekoy, tulungan din natin ang ating inaasahan. At sana lang wag ng magpaparamdam ang multo ng syam na taon nating karanasan. 

Makita na sana ang daan sa tuwid na landas.