Marami pong salamat sa mga nagbasa, kumoment, natuwa, naiyak, natae nasuka at kung ano ano pang arts sa mga sulating nalimbag po dito. Matagal po itong hindi naupdate, katuyanan ang langaw na nakadapo sa monitor at ang agiw sa keyboard na aking ginagamit :)
Dito po ngayon ako namamalagi.
Mananatili pa din po itong bukas, baka sakaling may manlalakbay na mapasyal at ng mapakapagpahinga naman. :)
I S A N G T A M B A Y
Biyernes, Disyembre 14, 2012
Biyernes, Oktubre 12, 2012
NAG-IISA LAMANG AKO, WALANG KASAMA...
Himbing akong natutulog tuwing umiidlip din ang langit. Nakikipaglaro sa mga batang idinuduyan ng mga awitin. Humahagikhik sa kasuluksulukan ng kwaderno kung saan ako ay nakasulat. Itinatago sa mga kalarong humahabol upang hindi makita at mataya sa taguang pung. Hihanahabi ng may akda ang mga ngiting hindi maipinta ng isang pintor. Lumilipad sa ulap, napapalipat lipat sa mga bituin. Ang sanggol na pinadede ng Ina, larawan ng walang kamuwangan sa mundo. Kumukunot ang noo ng nagsusulat. Nakakadama ako ng lungkot, binabalot ng lamig ang kalaliman ng gabi. Bumabagal ang tipa ng mga daliring nangangatal. Nagigising na may luhang umaapaw at natutuyo na sa unan.
Isang larawan lamang tuwing umaga ang aking kinagisnan. Ang mga titig ni Ina habang papalayo si Ama ng hindi nagpapaalam. Ang mga katagang "Ako'y aalis na" at ang tugong "Ingat ka" marahil sa akin ay sasapat na upang hindi mailang ang nararamdaman. Pag gayon kasi ang pagmumulan ng buong maghapon, ang mga ngiti ni Ina ay parang patak ng ulan sa tag-araw. Hindi ako inuutusan ni Ina. Kailangang kusa ang aking paggalaw sa bawat titig na hindi ko kayang salubungin. Bibihira ang pagkakataong magalit sya sa akin, at kung magkagayon, iisa lang ang salita na aking kinatatakutan. "Tumigil ka". Hangga't maari, iiwasan kong makita ang pagkulubot ng kanyang noo, ang panginginig ng kanyang mga labi at ang pagkuyom ng mga kamao. Ang salitang yaon ay batas na kailangang sundin.
Madalas na si Ina ang aking kapiling sa mahabang araw. Ilang gabi na ding siya ang aking kayakap sa higaan. Dinig ang pintig ng puso at malalalim na paghinga. Hindi ko man namamasdan ang mga matang mapanglaw na nakatitig sa kung saan, batid kong ganon ang itsura niyon, patunay lamang ang mga pigil na hikbing sumisingit sa katahimikan. Malalim na sa gabi kadalasan ang pagdating ni Ama sa bahay, magkaminsan naman ay sa oras ng bukang liwayway. May sariling susi upang walang makamalay. Hindi ko nariringgan ang bawat isa ng palitan ng salitang may taas at may sumbat na dahilan ng paglalabasan ng ugat sa leeg o marahil ay sadyang hindi lang sakin ipinamamalay. Magkaganon man, naririndi ako sa katahimikan.
Nag-iisa ako dito sa bahay, umaatungal ang damdamin sa mapanglaw na kawalan. Naghahanap ng makakasama. Ngumingiti mag isa sa mga pumapasok sa isipan. Ang mga kwento in Ama habang ako'y nakasandal sa kanyang mga bisig. Mga kwentong katatakutan tungkol sa mga unang araw. Kwentong may masayang pamilya habang si Ina'y nag buburda ng mga punda ng aming unan o di kaya ay nagsusulsi ng unipormeng syang isusuot ni Ama. Nakangiti sa amin habang kami ay pinagmamasdan. Pero sa halip, ang pag bulungkos ng papel ang aking natutunghayan. Si ama habang tumitipa sa makinilya, magkaminsa'y itinataas ang kamay at pinapatong sa may ulunan, nakatitig sa kisame, babaling sa kung saan saan. Si Ina nama'y nasa silid. Inuubos ang natitirang oras ng maghapon at magdamag sa pagbabasa ng librong hindi ko alam kung may kawawaan. Ako, hawak ang lapis na ako mismo ang nagtasa. Gumuguhit ng larawang ako mismo ay ayaw kong makita.
Isang beses ko lang nasilayan, bumulaga sa aking paggising ang mugtong mata ni ina, ang mga luhang tila mga bubog na bumabakod sa kanyang mga mata, kadenang walang patid na patuloy sa pagdaloy. "Ina" ang akin lang na nasambit. Sumulyap lang sa akin ang nanlalalabong titig. Dagling sumsubsod sa unang saksi sa bawat paghikbi. "Ama" aking utal na tinig, nakaabot sa pandinig ni Ama na tila isang sigaw sa kanyang Tenga. "HINDI KITA ANAK. WALA AKONG KAKAYAHAN MAGKAROON NG ANAK KAYA HINDI KITA ANAK" iyon lamang at tulad ng dati, lumisan si Ama ng walang paalam. Sarado ang pintuan ng bahay kaya naman nakakulong ang mga katagang binitawan ni Ama. Marahil ay sadyang nilakasan ang sigaw upang sa akin ay ipukaw ni Ina ang katotohanan. Dinig iyon ni Ina kahit na nakasubsob sa unan, kung sakaling bulong lamang, tiyak ko ririndi pa din kay Ina sapagkat ganon din sa akin.
Disgrasyada - Iyan si Ina ayon sa kanya. Hindi pa natatali si Ama't si Ina noon. Biktima si Ina ng lipunang siyang humalay sa kanya. Dahil sa trabaho ni Ama bilang manunulat, hindi maiwasan ang mayroong masagasaan. Pulitikong siyang nagpadukot kay Ama at kay Ina upang ipaalam umano kung sino ang binangga. Isang mapait na pangyayari. Isang impyernong buhay na tulad marahil ng aking kinalalagyan ngayon. At pagkatapos ng bangungot, pinatunayan na may magandang panaginip sa hinaharap. Gumuho din ang lipunan. Nagsusumiksik at kahalubilo ang mga taong kanyang kauri sa likod ng malalamig na bakal. Humarap si Ama't si Ina sa dambana at nagpalitan ng mga katagang ninanais ng bawat magsing-irog. Hangad ang pagsasamang pinagtibay ng tali, kandila at ng habong. At pagkatapos kong isilang, ninais ni Ama na ako ay magkaroon ng kapatid. Ilang taon din ang lumipas at hindi iyon nasunod, ang aking kapatid na kanilang inaasam ay hindi nangyari hanggang sa kumonsulta sa espeyalista at nagpatingin na kung sino ang may karamdaman. Nang lumabas ang resulta, bumubuhos na ang ulan na tila bagyong humahagupit sa aking katawan.
"HINDI KITA ANAK. WALA AKONG KAKAYAHAN NA MAGKAROON NG ANAK KAYA HINDI KITA ANAK"
Gusto kong sumulat, ayaw kong gumuhit at tulad ng mga akda ni Ama, gusto kong maging isang kwento. Nakikipaglaro sa mga batang idinuduyan ng mga awitin. Humahagikhik sa kasuluksulukan ng kwaderno kung saan ako ay nakasulat. Itinatago sa mga kalarong humahabol upang hindi makita at mataya sa taguang pung. Hihanahabi ng may akda ang mga ngiting hindi maipinta ng isang pintor. Lumilipad sa ulap, napapalipat lipat sa mga bituin. Ang sanggol na pinadede ng Ina, larawan ng walang kamuwangan sa mundo.
Nag-iisa lamang ako dito sa bahay. Hawak ang lapis na ako mismo ang nagtasa. Gumuguhit ng larawang ako mismo ay ayaw kong makita. Wala akong kasama. Wala si Ina. Wala si Ama. Wala kundi nakaririnding kawalan. Wala akong kasalanan. Wala... wala... wala... Marahil.. siguro nga.. hindi dahil sa ako ang bunga ng kasalanan bagkus ako mismo ang kasalanan.
Martes, Oktubre 02, 2012
KAPILAS NG AKING SARILI
Paloko ka, tuwing magtatagpo ang ating landas, hindi nawawala ang mga
tanong mong umuukilkil sa aking tenga. Ang kulit. Bakit mo ba ako natawag na
pulubi? Dahil ba sa aking itsura? Dahil ba wala akong pera? Dahil ba sa pagala
gala lang ako sa lansangan? Dahil ba sa kinakausap ko ang aking sarili habang
nakalahad ang kamay sa harap ng nagkakaripasang mga tao? Ha, mali, kinakati
tuloy akong isambulat ang iba't ibang ako. Ilalakbay ko ang diwang bulag o di
kaya ay may piring ng sinumang tumatanghod dito sa mga lugar na hindi pa nila
nararating.
Punta tayo sa kalunsuran, nandoon ako sa tabi ng isang tindahan ng
mamahaling pagkain, umaamot sa kusing na maaring bahagi lamang ng sukli ng
sinumang bumili. Sindikato ang turing sa akin ng iba? Walastik, iisipin ko pa
ba ang sindikatong iyan? Sindikatong kumakalam ang tiyan at umaasa sa baryang
ihuhulog sa lata ng sardinas na aking daladala. Iyon nga siguro ako. Pumupustura
din ako at umaangulo sa isang makipot na upuan na nalalambungan ng kumukutikutitap
na ilaw. Halos ipakita ko na ang aking kaluluwa maakit lamang ang espiritu mo. Titigan
mo ako at masisilayan mo ang ngiting magpapataas ng iyong temparatura. Wala
akong pakialam kung sumabog man ang mura kong ugat sa laki ng kagaguhang
gagawin mo sa akin kung ang kapalit naman nito ay ang pagkaing dadaan sa bibig
ng mga sa akin ay umaasa. Kapit sa patalim ika nga. Itunghay mo ang iyong paningin, nandoon din
kaya ako sa pinakamataas na gusaling iyon, nagtatrabaho. Nakakurbata at bitbit
ang maleta habang nakabuntot at hindi magkanda ugaga sa pagsunod sa bawat
kumpas ng kamay mula sa maputing mataas na lalakeng siyang aking amo. Ang iba
nga ay mestiso o kaya singkit pa. Meron ding sakang. Pero mababait ang mga
iyan, ang nagpapasahod sa talino at hirap na inilalaan ko para sa mas matatag
na pag-aari nila. Astig diba? Pero sana naisip ko na mas astig kung ako ang
pinaglilingkuran nila sa sariling akin.
Doon na nga lang sa probinsya, maayos ang pamumuhay ko doon. Sa tabi
ng ilog at naglalaguang gubat. Simpleng simple lamang. Sipag lamang ang aking
puhunan at meron na akong ihahain sa mesa. Negosyante din ako at likas sa akin
ang kabaitan, kita mo naman dinala ko dito sa probinsya ang aking negosyo. Tinulungan
ko ang ibang kagaya ko na magkaroon ng trabaho. Pabrika, Paultry, Piggery,
Laboratoryo at iba pa. At ang latak ng aking produkto ay sa ilog ang lagakan.
Ayos, sinong magrereklamo kundi iilan lamang. Subukan nilang banggain ako at tiyak
na may kalalagyan sila sa akin. Puputulin ko ang mga puno, yaman ko ito eh kaya
dapat kong pakinabangan. Anong patago o may pailalim na kasunduan? Hindi ah.
Alam ito ng kinauukulan dahil ako din mismo ang kunauukulan.
Nakapaglibot na din ako sa buong mundo. Iba't ibang kadahilanan ang
aking naging paglalakbay sa iba't ibang lupalop ng daigdig. Sikat ako eh.
Walang hindi nakakakilala sa akin. Ipinagmamalaki kong ako'y isang may
kayumangging lahi. Kilala ako sa larangan ng palakasan. Sa dami ng lahing aking
pinaluhod at pinabagsak ng aking kamao. Dangal ako ng aking lahi. Marami
pang dahilan kung bakit kilala ako sa
iba't ibang larangan, mas nangingibabaw ang aking katalinuhan na gusto ko
sanang magamit sa sarili kong bayan pero matindi din ang aking pangangailangan
na hindi naman kayang tugunan ng dapat sana sa akin ay nakikinabang. Mahirap
malayo sa piling ng mga kaanak subalit kailangan kong labanan ang kalungkutang
ito para lamang may maibigay na rangyang hindi ko makita sa sariling akin. Naghuhugas
ako ng puwet ng may puwet. Ipinaghahanda ko ng pagkain ang pamilyang hindi ko
naman kakilala pero sa akin ay kumukupkop. Nakabilad ang aking katawan sa
ilalim ng napakainit na araw, tumatagktak ang pawis at nakikihalubilo sa mga
taong hindi naliligo o naglilinis man lang ng katawan. Minsan pa nga hindi na
ako bumalik sa aking pinagmulan, pinilit kong yakapin ang kulturang hindi naman
taal sa akin. At dumating ang puntong ako'y mistulang dayuhan sa sarili kong
bayan. Marami pang ibang kadahilanan ang aking ginawang paglisan. Sa kabila ng
lahat ng ito, nasilayan mo ba sa akin ang kalungkutan? Likas akong masayahin at
diyan mas kilala ang aking lahi.
Pasyalan mo ako sa palasyo at mararamdaman mong hindi ako pulubi. Walang
amoy ng bulok na basura pero marami kang makikita na plastik. Pasyalan
mo ako sa aking upuan at masisilayan mo ang rangyang aking ipinagkait sa iba.
Iniluklok ako dito ng ating mga sarili kapalit ng mga pangakong aking
binitawan. O kung hindi man ay binago ko ang mga numero ng resulta gamit ang
eskwalang bakal na nakasubo sa bibig ng nagtatangkang sa akin ay pumigil na
makapaglingkod sa aking bayan. Ayaw mong maniwala? Sige na nga, na makapangurakot
sa kaban ng aking bayan. Madali naman akong lapitan kung ikaw ay aking
kamag-anak o di kaya ay aking kaibigan o di kaya kung ako ay mapapakinabangan
mula sa iyo. Pumasok ka sa aking opisina at mag-usap tayo.
Hindi na ako lalayo pa, samahan mo akong galugarin ang aking sarili.
Iyong sarili ko mismo. Oo, mahirap lamang ako na umaasa sa grasya ng aking mga
karatig. Hindi naman dapat ito nangyayari kung may sistema lamang na nasusunod
sa aking kinabibilangan. Mayaman naman talaga ako. Wala lamang ito sa tamang
paggamit ng aking yaman. Ito ay nasa kapakinabangan lamang ng may matatamis na
pananalita na s'yang ating pinagkatiwalaan. Oo, Pulubi ako sa tingin ng iba.
Pero sa kabila niito, meron akong cellphone, meron akong iphone, meron akong Tablet,
meron akong Laptop. Magpapahuli ba ako? Pulubi ba ako? Sa kahit na anong paraan
ay pinilit kong makaroon ako nito, sinong makapagsasabing ako ay isang dukha?
Kung tutuusin, mabubuhay ako ng wala ang mga ganitong aparato sa buhay ko. Pero
Unti unti nitong ginagawang maging parte na ng aking pagkatao na kapag nawala
parang katapusan na ng mundo. Ewan ko ba. Asitg kasi eh. Ayaw kong
magpahuli. Kumalam na ang sikmura pero nakakasabay naman ako sa uso. Baluktot na
katwiran.
Ang aking mga nasambit sa iyo ay kapilas lamang ng aking sarili. Tulad
mo at ng mga nagawa mong tama at mali, sadya man o hindi, ikaw din ay aking
bahagi. Bakit hindi mo subukang lumabas ng bahay habang lumuluha ang langit,
hindi naman bawal ang maligo sa ulan. Buksan mo ang nakapinid mong isipan,
paliparin ang diwang nakakubli sa karangyaan o kahirapan ng iyong buhay. Baka sakaling iyong marating ang aking mga
napuntahan. Hindi ang lugar kundi
ang katotohanan ng mga pangyayari. At doon iyong matagpuan ang kasagutan sa mga
hindi mo naman itinatanong subalit kumakatok sa iyong agam agam. Walang
katapusan ang ating paglalakbay. Hindi
natin natatanaw ang dulo ng daan. Marami pa tayong maaring patunguhan.
__________________________________________________________________________________
***Likhang lahok para sa kategoryang "Maikling Kwento"
SARANGGOLA BLOG AWARDS |
sa pakikipagtulungan ng:
Huwebes, Setyembre 13, 2012
LANGIT
Nakabibingi, nanunuot sa aking katinuan ang pigil na mga hikbi ni Ina sa
kabilang silid. Hindi ako dalawin ng kapayapaan ng isip sa ganitong
pagkakataon. Matagal na din nananahan sa akin ang ganitong damdamin. Walang
pagbabago, tulad ng isang mundong nakapailalim sa kalawakan ng gabi, ang lamig, ang katahimikan, ang dilim
ang bumubuo sa aking kamalayan.
Unti unting sumasabog ang liwanag sa silangan, may bago na namang umaga.
Subalit ang tanawin sa bahay ay walang pagbabago. Aking kapatid na patpatin,
babangong may tuyo pang laway. Sa kusina si Nanay na palaging may matalim na
titig sa akin. Kasunod nito ang masasakit na salitang almusal ko tuwing umaga.
Patungkol sa walanghiya ko daw na Ama.
Walang malinaw sa aking isipan. Nangangapa ng mga salitang magbibigay ng
liwanag sa akin. Ang damdamin kong ito'y
tila isang tigang lupa na pinagkaitan ng ulan.
Ang sikat ng araw ay nais sumambulat sa paligid, tila pinipigilan naman ng
makapal na ulap, hinaharangan. May nais lamang na ipahiwatig, alam ko. Ibig
makiramay sa kalungkutan ng daigdig, kalungkutang dulot ng mga hikbing iyon.
Lilisan kami ni bunso patungong kakahuyan. Maghahanap ng maaring maitulong sa
aming kabuhayan. Minsan nama’y sa may aplaya. Naghahakot ng mga isdang bibilhin
ng hindi na makabuhat. Isinasabay na sa pagtampisaw sa dagat ang
paglalaro. Maalat subalit pait ang aking
nalalasahan.
Ano nga ba ang ginawa ni Ama dahilan upang ako'y pagkaitan ng ngiting
magmumula sa aking Ina? Sa halip, pananakit ng katawan at matatalim na
pananalita ang pumupunit sa aking kalamnan. Habang ang luha ay kadenang walang patid na
dumadaloy sa aking mga mata, gayun din naman ang luha ni Ina. Si bunso'y
matamang nakatitig sa mga pangyayaring hindi pa dapat niya makita.
Tanda ko pa noon, hindi mawala ang ngiti ni Ina sa akin. Gumigising ako
tuwing umaga na sya ang kapiling. Palaging binabanggit na kahawig ko si Ama.
Masaya si Ina na aking namamasdan. Subalit magmula noong lumisan si Ama sa
hindi ko mawaring dahilan, nagbago ang lahat. Sumasalubong na ang ihip ng hangin.
Palagian kong naririnig kay Ina, katulad ako ng walanghiya kong Ama. Suwail,
iresponsable, walang kaluluwa.
Mapait ang katotohanan sa aking pakiwari. Taglay ni Ina ang galit sa
daigdig. Ang pagkamuhi sa aking Ama na siyang nakadikit sa akin. Ito ang
damdaming umaalipin sa kanya. Unti unti
nabibigyan ng kasagutan ang lahat... sana. Sa bawat araw na lumipas, walang pagbabago.
May tuyong laway si bunso sa pagbangon. Larawan ng isang walang dunong at
walang muwang sa mga pangyayari, subalit ganon pa man, alam kong nakatatak sa
kanyang isipan ang lahat. Nakapangangamba.
Katatapos lamang ng unos na iyon na sumabay sa dalamhating aking
nararamdaman. Kasama ko si bunso na lumisan sa bahay upang gawin ang sa amin ay
nakalaan na tungkulin. Tumingin si bunso sa kaitasan. Pilit umaalpas ang sikat
ng araw sa likod ng mga ulap. Binibigyang kulay ang asul na kalawakan.
"Sana sumikat ang araw upang makita ko ang langit."
Munting tinig
na namutawi sa bibig ni bunso habang nakatitig sa kalawakan. Natanong ko sa
aking sarili. May taong nakarating na kaya sa langit? Alam ko na ang kasagutan.
Ang tinatanaw ni bunso ay hindi langit. Ang kanyang nakikita ay hangganan lang
ng kanyang pananaw. Parang tinig ni bunso, ang langit ay nasa tao , hindi
nakikita, hindi nahahawakan.
Martes, Agosto 21, 2012
SA AKING PANAGINIP
Umiihip ang hangin, humahampas sa makinis mong katawan. Isinasayaw ang mga punong luntian. Inililipad ang mga tuyong dahon patungo sa kung saan. Kay inam pagmasdan, ang babaeng iyon na nakatayo sa gitna ng kaparangan. Ang babaeng aking iniibig. Ang babaeng pumukaw ng aking kamalayan.
Matagal ng panahon ang nakalipas subalit sariwa pa sa aking alaala ang lahat. Ang iyong mga ngiting nagpapaligaya ng aking buong maghapon. Ang maamo mong mukha na hindi nawawaglit sa aking paningin. Paano nga ba tayo nagkakilala? Ahhh.. oo nga pala. Napukaw ang ating interes sa isang kwentong pareho nating sinubaybayan, nagsakasalubong tayo sa lugar ng siyang may akda niyon. Doon tayo nagsimula, hindi inaasahang sisibol ang damdaming alam nating mali subalit hindi natin nagawang pigilan. Marahil noon lamang natin naramdaman ang kakaibang damdaming nagbigay ng kulay sa mundong ating tinatahak. Alam nating walang patutunguhan kundi sakit. Matinding sakit na katumbas ng ating nararamdamang kasiyahan.
Milya ang sa atin ay nakapagitan subalit hindi naging sagabal upang ating pagsaluhan ang tamis ng pag-ibig. Magkasama nating inakyat ang hagdanan patungo sa kaitaasan, sa dulo hawak kamay nating nilipad ang kalawakan, nakapailalim sa atin ang daigdig. Pinagmamasdan ang pag inog nito. Sabay din tayong babalik upang magpaalam sa isa't isa at magbibitiw ng pangakong magkikita muli kinabukasan. Ulila sa magdamag at dinig ang bawat pitik ng orasan. Hindi maiwasan ang pangamba, samu't saring panghihinayang ang sumasagi sa aking isip subalit nanaig ang pananabik na muli kang masilayan.
Paulit ulit, hindi na mabilang ang dahong nalagas ng panahon. At dumating pangyayaring alam naman nating s'yang ating patutunguhan subalit hindi natin inaasahan sa kadahilanang atin na lamang na hinayaan. Masakit. Napakasakit.
Hindi natin magagawang takasan ang riyalidad sa pamamagitan lamang ng ating panaginip. Babalik at babalik tayo sa katotohanang hindi tayo para sa isa't isa. Aking tinanggap ang aking kamalian. Alam nating ito talaga ang nararapat subalit ganon pa man, hindi ko pinagsisihan ang mga pangyayari.
Maraming salamat sa masasayang alaala.
Aakyat muli ako sa hagdanan at pagdating sa dulo lilipad ako sa kalawakan at papailalim muli sa akin ang daigdig. Doon lamang kita masisilayan at makakapiling na muli. Doon lamang... sa aking panaginip.
Sabado, Hunyo 16, 2012
HALIGI
May paparating na
bagyo ayon sa balita na narinig ko sa transistor radio na nakapatong mesa.
Malakas di umano at binabalaan ang lahat na maghanda para sa pananalanta nito.
Paparating ang bagyo dalawang araw mula ngayon. Agad tinapos ni Tatay ang
pag-inom ng kape at lumabas ng aming kubo. Pinagmasdan ko ang ginagawa ni
Tatay. Sinusuri nya ang bawat bahagi ng aming bahay kubo na iyon mula sahig,
haligi, dinging na kawayan, hanggang sa bubong na pawid na pinatungan lang ng
segunda manong yero. Si inay naman ay nagwawalis ng paligid.
Pinagmasdan ko ang
paligid at muli, nakita ko na naman ang naglalakihan at naggagandahang bahay sa
di kalayuan sa amin. Nakatirik kasi ang aming kubo malapit sa isang sabdibisyon
sa aming probinsya. Sa aking sarili, naisip ko na napakaswerte ng mga nakatira
sa ganong bahay. Hindi nangangamba sa unos na dumarating.
"Oh anak, anong
tinutunganga mo diyan? Si tatay pala na hindi ko namalayan na lumapit sa akin.
"Tay, may bagyo
na naman kasi, naisip ko lang na swerte ang mga nakatira sa bahay na yon kasi
hindi na sila mangangamba sa paparating na bagyo."
"Bakit anak?
kinakabahan ka ba na baka magiba ang bahay natin?" may ngiti na tanong ni
Tatay sa akin.
"Tay, malakas
ang bagyo ayon sa balita, kinakabahan po ako"
"Anak, wag kang kabahan
ilang unos na din ang ating pinagdaanan at kelan man hindi bumigay ang ating
bahay, magtiwala ka sa Tatay mo anak" Si Nanay pala na nasa likod na
namin. .
Isang gabi ng biglang
bumuhos ang malakas na ulan na may kasamang malakas na hangin. Ito na ang
bagyong ibinalita sa radyo. Pinagmasdan ko ang kandila sa gitna ng aming mesa
na isinasayaw ng hangin. Sa mumunting liwanag, nakita ko ang aking mga magulang
na nakatingin din sa akin, nakangiti na tila sinasabing wag akong mangamba sa
mangyayari. Ni hindi ko nabanaagan sa kanila ang pagkabahala. Subalit ramdam
kong malapit ng magiba ang aming bahay.
Maaliwalas na ang
panahon ng ako ay magising kinabukasan. Agad akong lumabas ng bahay pinagmasdan
ang paligid. Halos manlumo ako sa aking nakita, malaki ang pinsalang dulot ng
bagyong nagdaan. Maraming bahay ang mga nasira. Maraming puno ang nabuwal.
Maraming pananim ang nasalanta. Si tatay, abala sa pagkukumpuni ng bahagi ng
aming bahay na nasira.
"Pagmasdan mong
mabuti ang iyong Tatay anak. Tulad ng bahay natin, gaano man kalakas ang unos
na dumating, hindi sumusuko, hindi natitinag at bagamat nasisira sa lakas ng
hangin nanatili pa rin itong nakatayo para sa kaligtasan natin. Yan ang tatay
mo anak" Si nanay na hindi ko na naman namalayan na nasa aking tabi na
pala.
Tumingin muli ako sa
aking paligid at natanaw ko na naman ang mga kabahayan sa sabdibisyon na iyon
at napa isip ako ng malalim. Tumingin ako kay nanay na nakamasid sa akin. At si
tatay, papalapit sa amin, pawisan man subalit hindi mababakas sa mukha ang
pagod, nakangiti s’ya na sa amin ay nakatingin.
Miyerkules, Hunyo 06, 2012
KM3: Tinig (Pagniniig, Ningas at Pagsilang)
“Ohhhh mahal ko,sabik
na sabik na ako.”
“Damhin mo ang init ng aking pagmamahal mahal ko.”
“Ohhhh...”
“Ihatid mo ako sa rurok ng kaligayahan”
“ahhhhh…”
Mga pigil na tinig at
matatamis na ungol at daing ang nagpagising sa aking natutulog na isipan noong
gabing yaon. Ang pagniniig na iyon noong gabi, pagkatapos ay katahimikan. Hindi
libog ang aking naramdaman, subalit sabik akong nakinig sa kanilang pagtatalik.
Nararamdaman kong may namumuong mainit na damdamin sa aking katauhan. Ito na
ang simula.
Matagal ding namahay sa akin ang kadiliman ng gabi, sa
pagsapit naman ng araw ay ang pag-ulan. At tulad ng pagbubukang-liwayway, ang
dilim, ang lamig at ang katahimikan ang bumubuo sa aking kamalayan. Nais kong
may makinig sa akin, iyong ako ay mauunawaan. Subalit walang tinig na lumalabas
sa aking bibig. Tanging palahaw lamang at hikbi ang naririnig sa akin sapagkat makapangyarihan ang tinig na syang
nangingibabaw. Tinig na huwad at namumutawi sa bibig ng iisa lamang. Ito ang
tinig na gumagapos ng aking mga kamay at pilit ikinikintal sa aking isipan.
Nabuo ang sanggol sa sinapupunan ng ina. Hindi ko pa masasabing naging tagumpay ang libog ng
pagniniig na iyon. Mahabang panahon pa ng pagbubuntis ang kailangang tiisin at
pangalagaan. Alam ko, magiging piping saksi ako hirap ng pagdadalantao. May mga
panganib na maaring humadlang sa pagsilang ng sanggol na matagal ko ng
hinihintay. Gusto kong masaksihan ang katapusan at kamatayan ng delubyong aking
kalagayan at ang panibagong simula upang ako ay makapagsalita at maunawaan.
Ilang dahon pa ang nalagas sa matandang punong iyon, dahon ng pighati at kasakiman na iinihahampas ng hangin sa aking katauhan.
At sumapit ang araw
ng pagsilang. Marubdob ang damdaming nag-aalab sa simula pa lamang ng
pagniniig. Matinding unos man ang
humadlang at nagtangkang kitilin ang apoy subalit patuloy lamang ito sa
pagningas. Umapaw ang luha ng mga
nakasaksi sa pagluluwal ng pagbabago. Luha ng masidhing kaligayahan ang aking
namalas.
Demokrasya, ito ang aking tinig. Mula sa maalab na pagniniig,
nagningas hanggang sa masalimuot na pagsilang. Tinig na nagbubuklod para sa malayang kamalayan ng bawat isa. Tinig
ng bayan na nasa ating kapakinabangan.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)