Nakabibingi, nanunuot sa aking katinuan ang pigil na mga hikbi ni Ina sa
kabilang silid. Hindi ako dalawin ng kapayapaan ng isip sa ganitong
pagkakataon. Matagal na din nananahan sa akin ang ganitong damdamin. Walang
pagbabago, tulad ng isang mundong nakapailalim sa kalawakan ng gabi, ang lamig, ang katahimikan, ang dilim
ang bumubuo sa aking kamalayan.
Unti unting sumasabog ang liwanag sa silangan, may bago na namang umaga.
Subalit ang tanawin sa bahay ay walang pagbabago. Aking kapatid na patpatin,
babangong may tuyo pang laway. Sa kusina si Nanay na palaging may matalim na
titig sa akin. Kasunod nito ang masasakit na salitang almusal ko tuwing umaga.
Patungkol sa walanghiya ko daw na Ama.
Walang malinaw sa aking isipan. Nangangapa ng mga salitang magbibigay ng
liwanag sa akin. Ang damdamin kong ito'y
tila isang tigang lupa na pinagkaitan ng ulan.
Ang sikat ng araw ay nais sumambulat sa paligid, tila pinipigilan naman ng
makapal na ulap, hinaharangan. May nais lamang na ipahiwatig, alam ko. Ibig
makiramay sa kalungkutan ng daigdig, kalungkutang dulot ng mga hikbing iyon.
Lilisan kami ni bunso patungong kakahuyan. Maghahanap ng maaring maitulong sa
aming kabuhayan. Minsan nama’y sa may aplaya. Naghahakot ng mga isdang bibilhin
ng hindi na makabuhat. Isinasabay na sa pagtampisaw sa dagat ang
paglalaro. Maalat subalit pait ang aking
nalalasahan.
Ano nga ba ang ginawa ni Ama dahilan upang ako'y pagkaitan ng ngiting
magmumula sa aking Ina? Sa halip, pananakit ng katawan at matatalim na
pananalita ang pumupunit sa aking kalamnan. Habang ang luha ay kadenang walang patid na
dumadaloy sa aking mga mata, gayun din naman ang luha ni Ina. Si bunso'y
matamang nakatitig sa mga pangyayaring hindi pa dapat niya makita.
Tanda ko pa noon, hindi mawala ang ngiti ni Ina sa akin. Gumigising ako
tuwing umaga na sya ang kapiling. Palaging binabanggit na kahawig ko si Ama.
Masaya si Ina na aking namamasdan. Subalit magmula noong lumisan si Ama sa
hindi ko mawaring dahilan, nagbago ang lahat. Sumasalubong na ang ihip ng hangin.
Palagian kong naririnig kay Ina, katulad ako ng walanghiya kong Ama. Suwail,
iresponsable, walang kaluluwa.
Mapait ang katotohanan sa aking pakiwari. Taglay ni Ina ang galit sa
daigdig. Ang pagkamuhi sa aking Ama na siyang nakadikit sa akin. Ito ang
damdaming umaalipin sa kanya. Unti unti
nabibigyan ng kasagutan ang lahat... sana. Sa bawat araw na lumipas, walang pagbabago.
May tuyong laway si bunso sa pagbangon. Larawan ng isang walang dunong at
walang muwang sa mga pangyayari, subalit ganon pa man, alam kong nakatatak sa
kanyang isipan ang lahat. Nakapangangamba.
Katatapos lamang ng unos na iyon na sumabay sa dalamhating aking
nararamdaman. Kasama ko si bunso na lumisan sa bahay upang gawin ang sa amin ay
nakalaan na tungkulin. Tumingin si bunso sa kaitasan. Pilit umaalpas ang sikat
ng araw sa likod ng mga ulap. Binibigyang kulay ang asul na kalawakan.
"Sana sumikat ang araw upang makita ko ang langit."
Munting tinig
na namutawi sa bibig ni bunso habang nakatitig sa kalawakan. Natanong ko sa
aking sarili. May taong nakarating na kaya sa langit? Alam ko na ang kasagutan.
Ang tinatanaw ni bunso ay hindi langit. Ang kanyang nakikita ay hangganan lang
ng kanyang pananaw. Parang tinig ni bunso, ang langit ay nasa tao , hindi
nakikita, hindi nahahawakan.