Lunes, Marso 28, 2011

TALUMPATI NG ISANG BOBO




Tunay na napakaganda ng sinabi ng pinakamatalino. Base sa palakpakan ng ibang tao, hiyawan at papuri. Nakakasiguro na ng magandang kinabukasan. Maraming parangal na nakasabit sa leeg. Magaling, ikinalulugod sya ng kanyang mga magulang.

Ako habang prenteng nakaupo, nakatingin lang sa entabladong iyon, iniisip kong ako ang naroon at nagtatalumpati.

 

Pag akyat ko pa lamang ng entablado. Malakas ang tawanan ng nakararami. Ang hagikhikan ng aking mga kasama. Bakit? Kasi ako ang pinakamahina sa klase. Walang kakabakabang nagsalita ako sa harap nila.

"Anim dagdagan mo ng apat at dagdagan pa ng apat. Labing apat lahat, tama.. labing apat na taon akong namuhay sa mundong ito. Row 4 noong elementarya. Sa tuwing may darating na bisita, nasa kasuluksulukan ng silid.  Ang mga matatalino ang nasa unahan. Anong ibig sabihin? Bukod sa bobo, ano pa bang maaari kong isipin? Ikinahihiya?  Bahala na kayo mag isip nyan.  Lagi kong inaalala noon, palakol na nakasulat ng kulay pula, takot akong umuwi ng bahay dahil sigurado pingot na naman ang aabutin sa magulang.

Mataas na paaralan. Nasa kahulihang section.  Bakit? Alam nyo na siguro.  Kami ang mahihina ang utak.  Ang latak. Alam ba ng matatalino ang pakiramdam ng binabalewala ng eskwelahan, ng ibang guro, at ng ibang organisasyon? Sa iba kong mga kasama, siguro balewala, pero sa akin at sa iba?  Wala sa amin ang tsansa noon. Kayo na ang star section.

At ngayon ngang kolehiyo, ilang units din ang ibinagsak ko. Pasang awa ang tinanggap ng aking pagsisikap na hindi nakaabot sa standard ng propesor.  Oo, sermon ang inabot ko sa nagpaaral sa akin, muntikan ng makick out sa unebersidad na ito. Alam ba ng ninyo ang pakiramdam ng isang tulad ko, kung paano sasabihin sa magulang? Ang kaba at ang takot? Hindi diba?... Oo, aminado naman akong kasalanan ko naman. Inaamin ko din na mahina akong umintindi sa mga pinagsasabi ng guro. Pero sa isip ko, kasalanan ba ang kumuha ng pagususulit ng patas? Mas kasalanan siguro ang mandaya sa pagsusulit.. ang nakakuha ng mataas na marka sa paghihiraman ng papel. Sa totoo lamang, hindi naman ako bobo, siguro lang kung ipapaliwanag lang sa akin sa paraang naiintindihan ko ang bawat pagtuturo, baka ilampaso ko ang mukha ng pinakamatalino dito. Hindi ko sinisisi ang aking maga guro.  Pero tingnan nyo din sana ang aspetong ito. Iwasan sana ang magkumapra. Kadalasan naka focus kayo sa husay ng estudyanteng pinakamatalino.

Ako ang bobo sa klase, nagsasalita sa inyong harapan. Wala akong pakialam kung tawanan nyo ako.. Para sa mga katulad kong magtatapos ngayon, ano pa mang ang rason kung bakit puro palakol ang ating grado, kapabayaan man sa pag aaral o hindi, pakinggan nyong lahat ang sasabihin ko. Hindi nila nakikita sa ating mga mahihina sa klase na sa kabila ng mga mabababang marka ng ating classcard, ng kahihiyan idinulot, ng pagtawa ng ating mga kaklase, ng sermon ng ating mga magulang, nanatili pa rin tayo sa unibersidad na ito, bakit? Dahil nananatili sa atin ang pag asa, hindi natin hinayaang mawala ang pangarap na matapos ang karerang inumpisahan. Mas mahirap na pagsubok ang sa atin ay dumaan kumpara sa mga may dunong. Ito ang iniintay natin. Wala man tayong karangalan, pero hawak na din naman natin ang ating inaasam.  Hindi ko na iniisip kung anong kinabukasan meron ang pinakamatalino.. Sigurado na iyan.. Pero sa atin, ano nga bang meron pagkatapos nito.? Tulad ng nangyari ngayon, makakamit din natin ang tagumpay, wag nating aalisin sa ating mga sarili ang pagsisikap, ang  pag-asa.. Subok na tayo sa pagharap sa problema."



"Huy ang lalim ng iniisip mo ah,  ikaw na, tinawag na ang pangalan mo"


"Ha ako na ba?"






Biyernes, Marso 25, 2011

ANG ATING SANDATA





Malapit ng dumating ang araw ng paghuhukom. Ang araw ng aking paglisan sa mundong naging malupit sa akin. Sa mundong hindi naging patas ang laban. Nakalulungkot na lilisan ako at iiwan ang aking mga mahal sa buhay. Sa ganito pang pamamaraan. Ano ba ang aking kasalanan? Ako naman ay biktima din lang ng kahirapan ng buhay.
 
Nangarap ako ng isang magandang buhay para sa aking pamilya. Ang pangarap na ito ang nagbunsod sa akin upang lisanin ang aking pinagmulan, upang doon ay aking masumpungan ang  hindi ko makita sa lugar na aking kinalakhan. Ngunit sadyang malupit ang tadhana sa akin. Ang mga taong tumulong sa akin ang syang magdadala sa akin sa kapahamakan. Hindi ko akalaing ganito ang kalalabasan. Bunsod na din ng kahirapan, pikit matang sinuong ang panganib, ang posibleng kahihinatnan sa aking gagawin.

Paglapat ng aking paa sa lupang syang tutupad sa aking mga pangarap, simula pala iyon ng pagguho ng kastilyong aking binuo sa aking puso at isipan. Ang aking dalang tapang ay hindi umubra sa batas ng lupang aking pinuntahan.   Hindi ko inaasahan ang ganitong pangyayari. Hindi ito ang aking nais. O bakit ganito ang aking sinapit?

Malapit ng dumating ang araw ng paghuhukom. Ang araw ng aking paglisan sa mundong naging malupit sa akin. Ang aking paglaya sa  paghimas ng rehas ng kahirapan at rehas na bakal na syang nakapalibot sa akin. Unti unti, hindi pa man dumarating ang araw ay parang kandilang nauupos ang aking damdamin. Pilit pa ring hinahawakan ang katinuan,  hindi pa rin nawawala ang pag asang makasama at makitang muli ang pundasyon ng aking pangarap. Pangarap na inagaw sa akin ng kapalaran.

Tunay nga bang ang ating kahandaan ay masusukat lamang kapag nagyari na ang unos? Magsisimula pa lamang ba tayo kung may natapos na? Ang magaganap sa akin, nawa'y magbukas ng pintuang matagal ng nakapinid, magbigay ng malinaw na paningin sa mga matang nabubulagbulagan. Humulma ng kamay ng bakal na syang pipigil sa paglaganap ng lumalalang kamalian.



 

-----------
Pananalig at pananampalataya sa Poong MayKapal, yan ang tanging sandatang mahuhugot natin. Isang kahilingan lamang po aking mga kaibigan. Para sa  ating  kababayan sa bansang China na nahaharap sa parusang kamatayan, isama po natin sila sa ating mga panalangin.

Ang batas ng tao ay para sa lupa lamang.
Ang batas ng Diyos pa rin ang syang huhusga sa atin.



Huwebes, Marso 24, 2011

PANIS NA LECHON MANOK

Para sa iyo ang kwentong ito.

----

Dumating ka sa bahay, alam kong problemado ka na naman. Dating gawi, dadaanin natin sa inuman. Pero sa pagkakataong ito, dalawang mesa ang aking ihahanda. Bumili ako ng alak, ng dalawang letsong manok at dalawang platitong mani. Sa bawat mesa ko inihain ang alak at pulutan.

"Pare, bakit dalawang mesa yan, may bisita ka pa ba?"

"Hindi, ang isang mesa para yan sa inuman natin bukas."


"Aba adik ka ba, pinaghahandaan mo na gad inuman bukas ah.. pero ok yan hehehe"

"Yaan mo na pare, bukas malalaman natin kung sinong adik."


Tulad ng dati, sa gitna ng usapan natin ibinuhos mo ang iyong problema, pero dahil sa alam ko na din naman lahat ito at sa palagi ko na din pagpapayo, hinayaan na lang kita. Nasa kalaghati na tayo ng ating inuman, may tama na din naman ako. Sa bawat alak na dumadaan sa iyong lalamunan. Isang kurot ng manok ang kasunon. Ang platitong mani halos hindi nababawasan.

Kinabukasan bumalik ka ng bahay at tulad ng usapan inuman ulit tayo, alam ko hinding hindi maalis ng inuman ang iyong problema kaya pinaghandaan ko na ito.

"Pare kanina pa kita hinihintay, nakahanda na ang mesa."

"Pare, ito ung hain mo kagabi pa ah”

“Pinaghandaan ko talaga ito para sayo, o game na”

Nasa kalaghati na tayo ng ating inuman at katulad kahapon, sa bawat alak na dumaan sa iyong lalamunan kasunod ay kurot ng manok. Ako naman pinili ko na lang na wag mamulutan

Kinabukasan, nabalitaan kong dinala ka sa ospital, dumadaing ka ng sakit ng tyan at nagsusuka. Ang sabi ng duktor na tumingin sayo, may nakain ka na panis at yun ang dahilan. 

----

Sana nakuha mo ang mga pangyayari, ang ating inuman ay ang iyong kwento, ang alak ang iyong pag ibig at ang lechon manok ang taong iniibig mo, ang platito ng mani, ito ang ibang mga bagay na maaring hindi mo na din nabibigyan ng pansin. 
















Nais ko lang po maiupdate ang aking Bhaus, pasensya na po kung madalang ako ngayon makapasyal sa inyong bahay. Ito po ay sa kadahilanang masyadong abala ang Tambay sa kanyang gawain para mabuhay. :)... pero pipilitin ko pong sa mga susunod na araw ay magkaron ako ng oras upang magbasa at mamasyal sa inyong mga tahanan.

Maraming salamat po

Miyerkules, Marso 16, 2011

TALING GUMAGAPOS SA KAMAY NG MGA KALAMIDAD


Nakatingin lamang ako, nagmamasid sa mga pangyayari. Minsa'y nakakaramdam ng kasiyahan sa aking kaibuturan at minsan ding umiiyak ng tahimik sa mga kaganapan. Nabubuhay ako para sa inyo at at kayo din naman ang syang bumubuhay sa akin. Ang pagkakaroon ng pagkakaisa at magandang samahan, sa akin ay sapat na. Buhay na buhay akong nakangti, tumatawa.

Hindi ko man gustuhin, mangyayari  sa inyo ang hindi inaasahan. Ang mga sakuna sa bawat paligid, bagyo, lindol, pagbaha, pagsabog ng bulkan ay aking katangian. Katangiang walang sinisino, walang pinipiling lugar, walang pinipiling oras. Masakit man sa akin ang makita ko kayong nahihirapan, ako'y walang magawa. Dahil ang mga katangiang ito ang sya ding humubog sa akin na ngayon ay nasa inyong kapakinabangan.

Humingi ako ng isang kahilingan sa aking tagapaglikha. Hiniling kong alisin sa akin ang mga katangiang ito na sa inyo ay nagpapahirap. Subalit ito pala ay hindi maari, dahil higit pa sa kalamidad ang maaring mangyari. Magkakaron ng hindi pagkakaunawan at pagaalitan sa pagitan ng mga tao. Ayaw kong dumating ang panahong ang gawa ninyong mga tao ang siyang gugunaw sa akin, wala tayong karapatan.  At lalo akong walang magagawa kapag ito ay naganap. Subalit hindi ako nawalan ng pag-asa, para inyo, lahat ay aking gagawin.

Katatapos lamang ng sakunang iyon sa isang bahagi ng aking katawan, muli nakita ko ang dusa at paghihirap. Subalit sa kabila noon, hindi ko din naman mabaanagan sa inyo ang pagsuko, nakangiti kayong humarap sa problema, dumating ang mga kapatid upang umalalay sa pagbangon ng isa. May iba't iba mang paniniwala, sama samang nagdasal sa dakilang lumikha. 

Heto na ang aking pagkakataon, humibla ako ng tali mula sa inyong pagkakaisa, mga  panalangin at pananampalataya. Sa pamamagitan ng taling ito, hinuli ko ang aking mga katangian at iginapos ko kasama ng aking sarili. Ito lang ang natatanging paraan para kayo ay maligtas sa talim ng kanilang mga pangil.

Sinabi sa akin ng tagapalikha "Tunay nga hindi kayang tiisin ng isang magulang ang kanyang mga anak. Sana sa kabila nito ay palitan ng kabutihan ang sakripisyong ginagawa ng mga magulang. Humibla ka ng taling syang gumapos sa iyong sarili para sa kanila, kasama mong iginapos ng taling iyan ang mga kamay ng bawat kalamidad,  taling hinibla mula sa kanilang mga panalangin. Akin lang maipapangako sa iyo, mananatiling matibay ang taling iyan kung mananatiling  lubos ang paniniwala nila sa akin"














Sabado, Marso 12, 2011

HANDA TAYO, SANA...




Nakapanlulumo ang kahit na anong balita ng kalamidad. Nakakatakot, nakakalungkot lalo na kung iyong makikita ang actual na kaganapan sa video. Kahapon lamang niyanig ng Mega Earthquake ang bansang Japan na nagdulot ng tsunami na syang sanhi ng malaking pinsala sa baybaying bahagi ng bansa. Kitang kita sa bawat palabas at balita kung paano sinakop ng dambuhalang alon ang mga kabahayan at ibang establisimyento, tinangay ang iba't ibang saksakyan na parang mga laruan lamang.

 
Tunay ngang malaking tulong ang makabagong teknolihiya sa ganitong pagkakataon. Sa pamamagitan ng internet, mabilis naipararating ang balita sa iba't ibang banig ng mundo. Mabilis na kakapagkumustahan ang magkakamaganak kahit nasaang panig pa man ng mundo.  Minuto lang ang lumilipas, nabibigyan ng babala ang iba't ibang bansa sa maaring idulot ng kalamidad sa bansang pinangyarihan. Sa ganitong impormasyon nakakapaghanda ang maaring maapektuhan.

 
Subalit paano ba nating masasabi na handa tayo sa ganitong uri ng kalamidad lalo ng kung sa atin ito mangyayari? Hindi kayang i predict ng kahit anong gadget kung kelan darating ang lindol, may mga kasangkapan lamang upang sukatin ang lakas nito, kung saan nagmula at kung gaano ang lawak. Hindi kagaya ng bagyo o pagputok ng bulkan, nagbibigay ng babala, nadedetect agad ng aparato para dito kung kelan mangyayari. 

 
Anong gagawin kung nakatira tayo sa baybaying dagat, kung nagtatrabaho tayo sa nagtataasang building, o kung sa araw araw ay sumasakay tayo ng tren. Ano mang oras, maaring mangyari ang lindol na kapapangyari pa lamang sa ibang bansa.. Sa ganitong pagkakataon, hindi iisang buhay lamang ang mawawala kundi libo pa. Kahit na gaano tayo kahanda, wala tayong magagawa dito para iligtas ang ating sarili. Hindi agad ito nagtatapos sa pagkatapos ng kalamidad. Kaakibat pa nito ang iba't ibang porblema.  Hindi ito katulad ng iba't ibang kriminalidad na kung ikaw ay isang biktima, may pagkakataon ka pang humingi at humanap ng hustisya.

 
Kahapon din, iba't ibang mensahe ang ating natanggap sa cellphone at sa email. Mensahe tungkol sa nangyari sa bansang Japan, mga babala at higit sa lahat mga panalangin. Kapansinpansin  din ang iba't ibang post sa networking sites, mga panalangin para sa kaligtasan hindi lang ng ating mga kababayan kundi ng buong mundo. Nakatutuwang isipin na solido pa din at nagkakaisa ang ating mga kababayan sa pananalangin. Nangingibabaw ang puso at damdamin nating mga Pinoy.

 
Pero nakakalulungkot din naman na sa tuwing may ganitong pangyayari lamang tayo nakakaalalang magdasal, kung kelan nagyari na ang kinatatakutan, doon lang tayo nakakaalala.  Higit sa ano pa mang paghahanda sa kahit ano pa mang problema ang dumating sa ating buhay, kalamidad man na sanhi din ng tao o bangis ng kalikasan,  pinakamabisa na ang magkaron tayo sa ating mga sarili ng solidong paniniwala at pananampalataya sa Dakilang Lumikha.







Huwebes, Marso 10, 2011

ANG BATA, ANG BINATA AT ANG MATANDANG MAY KAPANSANAN



"Marami akong kita ngayon, makakabili na din ako ng masarap na pagkain, pero hindi pa rin pala.. tsk tsk.. mamaya darating na naman si Kuya, kukuhanin na naman ang pinaghirapan ko, konti lang ang matitira sakin. Hayyy, ganyan talaga ang buhay." sabi ng bata sa sarili.

 
Malungkot lang na nakatingin ang bata sa perang kanyang nalikom, bakas sa mukha ang pagod at hirap na dinaranas sa araw araw na paglaboy para lang magkaron ng makakain. Ang isang nagpapahirap pa sa kanya, palagi nyang kasama ang isang matandang pulubi, hindi nakakapagsalita,  hindi nakakakita at hindi din nakakarinig.

 
"Bata, bakit puro ka reklamo? Bakit ka nagtitiis ng hirap? Alam mo naman sa sarili mo kung anong problema, bakit hindi mo gawan ito ng solusyon" Isang tinig ang kanyang narinig, hindi nya malaman kung san nanggaling. Palinga linga muna ang bata, naghahanap ng nagsasalita.

 
"Sino ka? Nasaan ka? bakit hindi kita makita?" Tanong ng batang palinga linga.

 
"Manong, narinig nyo yon? Nakita nyo ba? Oh baka kayo ang nagasalita? hmm.. pero imposible, bulag ka na, pipi at bingi pa.. San kaya nanggaling ang tinig na yon?" Kausap ng bata sa katabing matanda sabay kamot sa ulo.

 
"Hay bata, hindi sasagot sayo ang matandang yan. Nakita mo na ang kanyang kalagayan." Ang tinig na muling narinig

 
"Sino ka? Magpakita ka sakin.. anong kailangan mo? Bakit ayaw mong magpakita"

 
"Tanga ka bata, nakikita mo na ko pero di mo lang ako pinapansin, pero hindi na importante iyon. Sa totoo lamang eh malaki ang kailangan ko sayo, pero hindi ko maaring sabihin, gusto kong sayo na din ito manggaling. Yung kusa mong ibibigay sakin." Sabi ng tinig

 
"Teka muna, may padating.. mamaya na tayo magusap.. nandiyan na si Kuya. Panigurado, kukuhanin na naman nya ang nakalap ko." Tugon ng bata habang nakatingin sa padating na binata. Mababakas ang takot at galit sa mukha ng bata.

 
"Bata, musta, nasaan ang pera mong nalikom ngayon? Akina.. kailangan ko ang mga yan. Nagugutom na ang mga alaga ko, ilabas mo na madali" Ang pasinghal ng sabi ng binata, sabay akbay sa matandang pulubi na walang kaimikimik na nasa pagitan nila ng bata.

 
"Eto na kuya, sayo lahat ito." sabay abot ng pera sa binata.

 
"Bwahahaha.. magaling. Ikaw Manong, dito ka lang palagi sa tabi ng batang ito ha?.. hahahah. Mahusay ang ginawa mong pagbabantay.. bwahahahaha.. bwahahahaha... hanggang sa muli bata, bibiyahe muna ko sa kapitbahay.. bwahahahaha.... bwahahahaha... " Dinig pa din ang tawa ng binata habang papalayo, binibilang ang hawak na pera at pagkatapos ay isinilid sa bulsa.

 
"Hoy mahiwagang tinig, wala na si Kuya. Ano ulit ang sinasabi mo?" sigaw ng bata

 
"Nakikita ko ang nangyayari sa inyong tatlo, ikaw bata, bakit mo hinayaan lang ang ganito? Kuntento ka ba sa ganitong kalagayan ninyo? Hanggang kelan ka ba magtitiis ng hirap ha? Hindi ikaw ang batang kilala ko noon"

 
"Wala akong magawa tinig. Ng dahil sa matandang pulubing ito. Dahil sa kapansanan nya kaya ako nagkakaganito, naghihirap, namumuhunan ng pawis at dugo sa araw araw. Pero sanay na ko sa ganito tinig. Sanay na ko sa hirap at pagtitiis."

 
"Kung ganon, parang inamin mo na din na kuntento ka na sa ganyang buhay. Parang inamin mo na din na wala kang kinabukasan. Maatim mo ba ang ganito na sasapitin din ng susunod mo pang henerasyon?" Sumbat ng tinig.

 
"Ang problema ko nga ay ang matandang ito. Hindi mo ba nakikita? Nilikha ito ni Kuya para sa akin.  Kung hindi lang sa matandang ito, kung nakakakita at nakakapagsalita lamang, at kung nakakarinig na din. Kahit paano, may matatanaw akong magandang bukas. Pero hindi eh, bulag pipi at bingi ito.  Pero sa kabila ng kanyang kapansanan, lumalaban pa din ako ng patas. Gumagawa ng paraan para mabuhay. Lahat ng klaseng hirap kaya kong harapin." Nakamangalumbabang sagot ng bata.

 
"Alam mo naman pala ang problema, nakikita mo naman pala. Pero bakit hindi ka gumawa ng solusyon dyan. Hindi yung puro ka reklamo. At mali ang sinabi mong ang Kuya mo ang lumikha sa matandang iyan. Sa totoo lamang, ikaw ang lumikha sa yong Kuya at pagkatapos non,  pareho kayong lumikha sa pulubing iyan. Wala 'yang kapansanan noon. Mabuti ang pagsasama nyo ng inyong kuya. Ng dahil lang sa ganid at pansariling interes ng iyong tinatawag na Kuya, tinanggalan nya ng paningin, ng tinig at pandinig ang matandang iyan. At iyon din ay alam mo. Ang nakikita ko sa inyong dalawa ngayon, nabubuhay lang kayo para sa sarili nyo at hindi para sa akin." Mahabang litanya ng tinig.

 
"Alam mo pala ang nangyayari, bakit hindi ikaw ang gumawa ng paraan kung gusto mong mabuhay kami para sayo?" tanong ng bata pagkatapos ay tumuwid ng upo.

 
"Kung maari nga lang sana, matagal ko ng ginawa. pero hindi maari dahil ang aking buhay ay nakadepende sa inyo." Malungkot na sabi ng tinig.

 
"Sino ka bang talaga, bakit mo sinasabi sakin ang lahat ng ito. Ano ba ang talagang kailangan mo sa akin?"
 
"Importante pa bang malaman mo kung sino ako? hindi mo ba nararamdaman o talagang manhid ka na lang kagaya ng Kuya mo? At alam mo na din ang kilangan ko sa iyo. Isipin mo lang mabuti. Pero sige, babangitin ko sayo ang mga pangalan nyo at saka mo sabihin sa aking kung sino ako.. Ikaw bata ka, ang pangalan mo ay Masa, at ang tinatawag mong kuya, siya si Gobyerno diba? At ang matandang iyan, ang bulag, pipi at binging matandang iyan. Siya ang inyong sistema."

 
"Oo kilala na kita. Ikaw si......." 




 

Martes, Marso 08, 2011

KAPE

"Congratulations."

Ang huling kataga na narinig namin sa aming Professor. Sa wakas, makakagraduate na din kami. Nakapasa ang thesis namin na ilang buwan din naming pinaghirapan. Sa sobrang galak, nagkayayaan kaming 4 na magkakaibigan upang iselebra ang bunga ng aming pinaghirapan.

Bumili kami ng isang kahong beer at nagpaluto ng pulutan sa tindahan ni Aling Merced bago tumuloy sa bording haus na aming tinutuluyan. Naging maingay ang aming inuman. Masaya ang bawat isa at game na nagbibiruan. Kung ano anong bagay ang napapagusapan.

Malapit ng maubos ang isang kahon ng madako ang usapan namin sa aming thesis, nagkaron ng payabangan at tuusan sa kontribusyon ng bawat isa. Sa madaling salita, nagkaron kami ng pagtatalo kung sino ang tunay na nahirapan, kung sino ang petiks at kung sino ang halos ngawa lang ng ngawa. Sa puntong iyon naging mainit ang bawat isa. Nagkakapikunan. Sa aming apat ako lang ang tagapamagitan, taga sangayon sa bawat sabihin ng isa, palibhasa may mga tama na, walang nagpapatalo.

Natapos ang inuman naming iyon na may tensyon. Pero dahil sa hindi naman warfreak kaming magkakaibigan. Paniguradong bukas eh maayos din naman ito.

Kinabukasan ako ang unang nagising sa amin.. medyo masakit pa ang ulo ko. Nagpunta ako sa kusina upang magtimpla ng kape, nakakalaghati pa lang ako nag sunod sunod na nagising ang tatlo ko pang kasama. Ramdam ko pa din ang tensyon sa kanila.

Sa aking pagiisip, alam ko magiinuman din ang mga ito ng kape, habang hindi pa sila lumalabas ng kwarto at ang isa ay sa CR. Naisip ko agad itago ang thelmos, ang kape, ang creamer at ang asukal. Halos sabay sabay na nagupuan sa bilog naming mesa ang tatlo kong kaibigan. Kinumusta ko sila muna bago ko iniabot sa bawat isa ang kape, ang creamer, at ang asukal.

"Oh pare, sa iyo ang garapon ng kape,  sayo naman ang garapon ng asukal at sayo naman ang garapon ng creamer"

Aking sabi sabay abot sa kanila tigiisang garapon at tasa. At syempre nasakin ang thelmos

"Pare, anong kalokohan ito? Umayos ka." ang sabi ng isa sa akin habang ang dalawa ay nakahawak lang sa garapon.

"Mga pare, subukan nyong pagtimpla ng kape na ang gamit ay ang hawak nyo lamang"

"Loko loko ka ba? paano makakapgtimpla ng kape kung asukal lang ang meron?"
"Oo nga, itong creamer anong gagawin ko dito kung wala ang kape?"

"Sama yata ng gising mo ah"

Ang reaksyon ng tatlo sa akin. Inilabas ko ang thelmos..

"Hindi tayo makakainom ng masarap na kape kung walang asukal"


Kinuha ko ang asukal

"Kung walang kape"

Kinuha ko ang kape"

Kung walang Creamer"

Kinuha ko ang creamer"

"at kung walang tubig"

sabay buhos ko ng tubig sa tasa.

"Ganyan din mga pare sa thesis natin.. lahat tayo may ginawa, lahat tayo mga pre naghirap at hinding hindi mabubuo yun kung wala sa atin ang isa. "

Tahimik lang ang tatlo, sapul sa mga sinabi ko.

"Mga nakainom lang, ang seryoso mo parekoy hahahah."

ang sabay sabay na halakhakan na parang mga adik lang.. :)







Biyernes, Marso 04, 2011

MALANSANG ISDA

Isang propesora ang dumalaw sa kanyang kaibigan na nakatira sa isang subdibisyon. Sa gate pa lang nang bahay, natanaw nyang naglalaro ang isang bata. Lumapit sya at nagtanong..

"Hi little angel, what is you name?"

"My name is Angelica"

"And how old are you?"

"Im 4 years old"

"Where's you daddy & mommy?"

"Inside the house"

"Oh thank you"

"Your welcome"

Dumating ang mommy ng bata

"Napakatalino ng anak mo mare"



Kinabukasan, sa pamamasyal sa mall nasalubong nya ang dating kababata sa probinsya

"Ohh. kumusta ka na? anak mo?"

"Oo, mabuti naman"

"What is your name"

Nakatingin lang sa kanya ang bata...

" ahhh anong pangalan mo iha?"

"Angelica po"

"Ilang taon ka na?"

"Apat po."

Ang cute ng anak mo.. sige ha musta na lang sa atin.. sabay alis ng propesora.


Ano ba ang meron sa dalawang eksena kong nabanggit? Mahirap tanggaping ang katalinuhan ng isang tao dito sa atin ay ibinabatay sa lenggwaheng kanyang binbigkas. Ang tingin ng nakakarami lalo na ang  salat sa pinagaralan, porket magaling magsalita ng ingles ay matalino na. Kadalasan ay nagiging dungo na ang isang hindi nakapagtapos ng pag-aaral, takot humarap sa edukadong tao. Sa makatuwid, hindi man natin aminin, ang tingin ng iba sa kanilang sarili ay bobo. Ganon ang lumalabas.

Madalas kong mapansin ang talaktakan ng mga bituin sa palabas sa TV. Nasisiyahan na lang ang ibang humahanga na masaya ang kanilang idolo habang nagsasalita gayong hindi nila maintindihan ang kanilang sinasabi. Ang mga mambabatas, ang debate sa kongreso, ang speech ng pangulo, ang advisory. Sa salitang ingles ipinararating. Sa salitang ingles naguusap. Ang tatalino. Hindi makasabay ang maralitang manonood, nakikinig, nagbabasa sa katalinuhan nila. Nangyayari tuloy, pataasan ng lang ng ego ang mga pulitiko, ang kanilang sarili ang pinaglillingkuran. Nasaan ba tayo? Sino ba ang kausap mo? Kung tanungin ka ng ingles, natatakot ka bang sumagot ng tagalog at baka ikaw ay masabihan ng bobo?

Kung ang pagsasalita ng ingles ang magdadala ng ating bansa sa rurok ng katatagan. Matagal na sana nangyari ito sa atin. Kamakailan lamang, umani ng pagpupugay ang isang opisyal ng DFA  na sya mismong nanguna sa pagsundo ng ilang kababayan natin na naiipit sa kaguluhan sa gitnang silangan. Humahanga ako. Pero noong kapanayamin. Sa tanong na tagalog, ingles ang sagot. Kamot na lang ako sa ulo ko. Noon ding basahin ang sentensya ng isang mababatas na nahulihan ng bawal na gamot sa bansang Hongkong. Gumamit pa ng interpreter para lang maintindihan ng pilipino ang sinasabi nila. Nakatutok ang karatig bansa sa pangyayari. Binasa ang resulta sa sariling wika nila. Mahusay. Sa dami ng dayalekto dito sa ating bansa, at tayo ay naririto  sa atin, bakit ang ingles ang tinatangkilik ng marami, eh hindi naman ito atin.

Kung tutuusin, ang sinasabing kabobohan yata ng isang bansa ang magpapatatag ng ekonomiya nito. Bakit ko nasabi, ang mga bansang hapon, ang tsina, ang mexico, ang iba pang matatag na bansa, kahit saan pang larangan, sariling wika nila ang ginagamit. Mas madali itong naiintidihan  ng nakararami sa kanilang bansa. Nagkakaintidihan. Madaling maunawaan ang nais ng gobyerno nila.  Hindi kaya sila ay bobo din? O sila ang matalino dahil sa paggamit nila ng sariling wika?

Kung magkakaron ng pagkakataong amuyin ang katawan ng bawat lahi.. sa tingin mo, sino kaya ang pinakamabaho?







Miyerkules, Marso 02, 2011

TAG ARAW



"Aray, ang kati.. hayup ka, nakaupo lang ako dito tapos kakagatin mo ako" Sabay tiris ko sa isang langgam na kumagat sa aking paa.

kakaahon ko lang sa mula sa ilog bitbit ang isang galon ng tubig na aming maiinom para sa maghapon. Mataas na ang sikat ng araw nung umagang yun. Sa lilim ng isang punong aking kinuupuan, manaka nakay tumatama saking mga mata ang sikat ng araw dulot ng pagwagayway ng dahon. Unang araw ng bakasyon ko sa eskwela.. oo nga pala, tag-araw na.

Naalala ko ang aming kapitbahay noong nakaraang taon. Ganito ring panahon. Dahil kadarating lang ng tatay na seaman. Hindi nagpapalit ang linggo na hindi umaalis ng bahay. May dalang salbabida at may arkiladong sasakyan. Nakatingin lang ako sa aking kababata habang masayang tumatalon papunta sa jeep na iyon. Summer, sigurado pupunta na naman sila sa Beach. Halos linggo linggo nakakaramdam ko ng inggit.

"Nay, kelan kaya tayo makakapag outing nina tatay, buti pa sila malimit mag outing?" ang aking tanong noon sa aking ina habang nakatingin ako sa palayong jeep na sinasakyan ng aming kapitbahay.

"Anak, alisin mo sa katawan mo ang inggit, walang maidudulot na kabutihan yan sa iyo, mabuti pa, sumama ka sa amin ng itay mo. Pupunta tayo sa ilog. Doon ako maglalaba ng mga tanggap kong labada.  Magdala ka ng bihisan  doon ka maligo at doon din tayo manananghalian"

"Yehey, sige po" Sa isip isip ko, ok na din ang ganito. Makakapaglangoy din naman ako.

Halos buong tag-araw na iyon noon, madalas kami sa ilog ni inay. Siya naglalaba, habang ako naman ay naglalaro. Ang itay naman ay namumutol ng kawayan na ginagawang buslo upang ibenta sa bayan.  Ganoon din ang aming kapitbahay sa kanilang outing. Walang pagsidlan ang tuwa ng aking kababata pag nagkwento tungkol sa outing nila. Ipinagyayabang pa sa akin ang mga produktong nabili nila doon. Dahil sa sinabi ng aking Inay, wala akong inggit na naramdaman.

Dumating noon ang pasukan sa klase, at kasabay noon ay ang tag-ulan. Nagulat ako sa unang araw ng aking pagpasok dahil sa bago kong uniprome, pati na ang iba kong gamit. Tinanong ko pa si inay kung bakit bumili pa ng bagong damit gayong meron pa naman ako magagamit.

"Anak, yan ang bunga ng mahabang tag-araw" Hindi ko pa naintindihan ang sagot ni inay.. Ngumit na lang sya sabay kuha ng payong upang iaabot sa akin. 

Kasabay ko pumasok ang aking kababata, napansin nya ang bago kong mga gamit at uniporme.

"Ay, mabuti ka pa, bago lahat ng damit at gamit mo, samantalang ako nagpapabili kay itay eh ayaw ako bilhan. Wala na daw kami pera kasi hindi pa tinatawagan si itay sa kanilang barko"
Ang inggit na sabi ng aking kababata.

"Ahh iyan din siguro ang bunga ng mahabang tag-araw"
inosente kong sambit sa kanya sabay pasok sa loob ng room.



"Aray, naman sige na aalis na." kagat ng langgam ang nagbalik sa aking malayong pagiisip, hindi ko sinasadyang natapakan ko ang kanilang daraanan.  Pinagmasdan ko ang mga langgam na may bitbit na kung ano ano at sunod sunod na naglalakad. Nakikita ko ang aking mga magulang sa kanila.

"Anak, tayo na jan.. balikan mo mamaya ang nanay mo doon sa baba" Ang aking itay habang may pasan naman na Kawayan. Sa likod nya ay aking kababata na hingal na hingal at lawit ang dila dahil sa bitbit nyang galon ng tubig.


Napangiti ako. Panahon na naman ng tag-araw.





Martes, Marso 01, 2011

BAWAL UMIHI DITO

 (nalaman kong ang tambay ay nagiging busy din pala kaya nagposte ng mabilisan lang muna.)


BAWAL UMIHI DITO

Ang nakasulat sa pader na inihian ni Pedro.. nakatingala pa at nakatitig sa pulang pula na letra. Sa di kalayuan ng pader ay ang bahay ni Ka Ode. Sa loob ng bakuran makikita ang iba't ibang hayop na alaga ni Ka Ode.

Nasa kalagitnaan ng pagtilandoy si Pedro ng may makitang butiki sa itaas ng pader..

"tsk tsk tsk tsk" ang sabi ng butiki

Narinig ng kambing ang taltak ng butiki, ang sabi pa...

"May umeehehehehehehe" ang sigaw ng kambing sabay baling sa baka

"Oo ngaaaaaaa" sang ayon naman ng baka..

Nagulat si Pedro.. pero binalewala lang ang ingay ng hayop. Ng sa di kalayuan, nagingay na din ang pabo na alaga ni Ka Ode..

"Kalake lake lake lake lake lake lake lake" ang sabi ng pabo na nagkakandahaba ang leeg..

"katakutakut.. katakutakut.." ang putak naman ng nagulat na manok.

Dali daling nagtaas ng zipper si Pedro.. ng matapos, natanawan nya si Ka Ode sa may bukana ng tarangkahan.. Agad syang lumapit at bumati.

"Magandang araw po manong, ayos ang mga alaga nyong hayop ah.." ngiting ngiti pa na sabi ni Pedro.

"Teka utoy, ikaw ba ay isa sa mga alaga ko?"

"Aba bakit ho?"

"Mangyari ang alaga ko eh kung saan saan lang umiihi"



***Kung may isip lang ang hayop, baka tao na ang gawing alaga nila.