Biyernes, Oktubre 12, 2012
NAG-IISA LAMANG AKO, WALANG KASAMA...
Himbing akong natutulog tuwing umiidlip din ang langit. Nakikipaglaro sa mga batang idinuduyan ng mga awitin. Humahagikhik sa kasuluksulukan ng kwaderno kung saan ako ay nakasulat. Itinatago sa mga kalarong humahabol upang hindi makita at mataya sa taguang pung. Hihanahabi ng may akda ang mga ngiting hindi maipinta ng isang pintor. Lumilipad sa ulap, napapalipat lipat sa mga bituin. Ang sanggol na pinadede ng Ina, larawan ng walang kamuwangan sa mundo. Kumukunot ang noo ng nagsusulat. Nakakadama ako ng lungkot, binabalot ng lamig ang kalaliman ng gabi. Bumabagal ang tipa ng mga daliring nangangatal. Nagigising na may luhang umaapaw at natutuyo na sa unan.
Isang larawan lamang tuwing umaga ang aking kinagisnan. Ang mga titig ni Ina habang papalayo si Ama ng hindi nagpapaalam. Ang mga katagang "Ako'y aalis na" at ang tugong "Ingat ka" marahil sa akin ay sasapat na upang hindi mailang ang nararamdaman. Pag gayon kasi ang pagmumulan ng buong maghapon, ang mga ngiti ni Ina ay parang patak ng ulan sa tag-araw. Hindi ako inuutusan ni Ina. Kailangang kusa ang aking paggalaw sa bawat titig na hindi ko kayang salubungin. Bibihira ang pagkakataong magalit sya sa akin, at kung magkagayon, iisa lang ang salita na aking kinatatakutan. "Tumigil ka". Hangga't maari, iiwasan kong makita ang pagkulubot ng kanyang noo, ang panginginig ng kanyang mga labi at ang pagkuyom ng mga kamao. Ang salitang yaon ay batas na kailangang sundin.
Madalas na si Ina ang aking kapiling sa mahabang araw. Ilang gabi na ding siya ang aking kayakap sa higaan. Dinig ang pintig ng puso at malalalim na paghinga. Hindi ko man namamasdan ang mga matang mapanglaw na nakatitig sa kung saan, batid kong ganon ang itsura niyon, patunay lamang ang mga pigil na hikbing sumisingit sa katahimikan. Malalim na sa gabi kadalasan ang pagdating ni Ama sa bahay, magkaminsan naman ay sa oras ng bukang liwayway. May sariling susi upang walang makamalay. Hindi ko nariringgan ang bawat isa ng palitan ng salitang may taas at may sumbat na dahilan ng paglalabasan ng ugat sa leeg o marahil ay sadyang hindi lang sakin ipinamamalay. Magkaganon man, naririndi ako sa katahimikan.
Nag-iisa ako dito sa bahay, umaatungal ang damdamin sa mapanglaw na kawalan. Naghahanap ng makakasama. Ngumingiti mag isa sa mga pumapasok sa isipan. Ang mga kwento in Ama habang ako'y nakasandal sa kanyang mga bisig. Mga kwentong katatakutan tungkol sa mga unang araw. Kwentong may masayang pamilya habang si Ina'y nag buburda ng mga punda ng aming unan o di kaya ay nagsusulsi ng unipormeng syang isusuot ni Ama. Nakangiti sa amin habang kami ay pinagmamasdan. Pero sa halip, ang pag bulungkos ng papel ang aking natutunghayan. Si ama habang tumitipa sa makinilya, magkaminsa'y itinataas ang kamay at pinapatong sa may ulunan, nakatitig sa kisame, babaling sa kung saan saan. Si Ina nama'y nasa silid. Inuubos ang natitirang oras ng maghapon at magdamag sa pagbabasa ng librong hindi ko alam kung may kawawaan. Ako, hawak ang lapis na ako mismo ang nagtasa. Gumuguhit ng larawang ako mismo ay ayaw kong makita.
Isang beses ko lang nasilayan, bumulaga sa aking paggising ang mugtong mata ni ina, ang mga luhang tila mga bubog na bumabakod sa kanyang mga mata, kadenang walang patid na patuloy sa pagdaloy. "Ina" ang akin lang na nasambit. Sumulyap lang sa akin ang nanlalalabong titig. Dagling sumsubsod sa unang saksi sa bawat paghikbi. "Ama" aking utal na tinig, nakaabot sa pandinig ni Ama na tila isang sigaw sa kanyang Tenga. "HINDI KITA ANAK. WALA AKONG KAKAYAHAN MAGKAROON NG ANAK KAYA HINDI KITA ANAK" iyon lamang at tulad ng dati, lumisan si Ama ng walang paalam. Sarado ang pintuan ng bahay kaya naman nakakulong ang mga katagang binitawan ni Ama. Marahil ay sadyang nilakasan ang sigaw upang sa akin ay ipukaw ni Ina ang katotohanan. Dinig iyon ni Ina kahit na nakasubsob sa unan, kung sakaling bulong lamang, tiyak ko ririndi pa din kay Ina sapagkat ganon din sa akin.
Disgrasyada - Iyan si Ina ayon sa kanya. Hindi pa natatali si Ama't si Ina noon. Biktima si Ina ng lipunang siyang humalay sa kanya. Dahil sa trabaho ni Ama bilang manunulat, hindi maiwasan ang mayroong masagasaan. Pulitikong siyang nagpadukot kay Ama at kay Ina upang ipaalam umano kung sino ang binangga. Isang mapait na pangyayari. Isang impyernong buhay na tulad marahil ng aking kinalalagyan ngayon. At pagkatapos ng bangungot, pinatunayan na may magandang panaginip sa hinaharap. Gumuho din ang lipunan. Nagsusumiksik at kahalubilo ang mga taong kanyang kauri sa likod ng malalamig na bakal. Humarap si Ama't si Ina sa dambana at nagpalitan ng mga katagang ninanais ng bawat magsing-irog. Hangad ang pagsasamang pinagtibay ng tali, kandila at ng habong. At pagkatapos kong isilang, ninais ni Ama na ako ay magkaroon ng kapatid. Ilang taon din ang lumipas at hindi iyon nasunod, ang aking kapatid na kanilang inaasam ay hindi nangyari hanggang sa kumonsulta sa espeyalista at nagpatingin na kung sino ang may karamdaman. Nang lumabas ang resulta, bumubuhos na ang ulan na tila bagyong humahagupit sa aking katawan.
"HINDI KITA ANAK. WALA AKONG KAKAYAHAN NA MAGKAROON NG ANAK KAYA HINDI KITA ANAK"
Gusto kong sumulat, ayaw kong gumuhit at tulad ng mga akda ni Ama, gusto kong maging isang kwento. Nakikipaglaro sa mga batang idinuduyan ng mga awitin. Humahagikhik sa kasuluksulukan ng kwaderno kung saan ako ay nakasulat. Itinatago sa mga kalarong humahabol upang hindi makita at mataya sa taguang pung. Hihanahabi ng may akda ang mga ngiting hindi maipinta ng isang pintor. Lumilipad sa ulap, napapalipat lipat sa mga bituin. Ang sanggol na pinadede ng Ina, larawan ng walang kamuwangan sa mundo.
Nag-iisa lamang ako dito sa bahay. Hawak ang lapis na ako mismo ang nagtasa. Gumuguhit ng larawang ako mismo ay ayaw kong makita. Wala akong kasama. Wala si Ina. Wala si Ama. Wala kundi nakaririnding kawalan. Wala akong kasalanan. Wala... wala... wala... Marahil.. siguro nga.. hindi dahil sa ako ang bunga ng kasalanan bagkus ako mismo ang kasalanan.
Martes, Oktubre 02, 2012
KAPILAS NG AKING SARILI
Paloko ka, tuwing magtatagpo ang ating landas, hindi nawawala ang mga
tanong mong umuukilkil sa aking tenga. Ang kulit. Bakit mo ba ako natawag na
pulubi? Dahil ba sa aking itsura? Dahil ba wala akong pera? Dahil ba sa pagala
gala lang ako sa lansangan? Dahil ba sa kinakausap ko ang aking sarili habang
nakalahad ang kamay sa harap ng nagkakaripasang mga tao? Ha, mali, kinakati
tuloy akong isambulat ang iba't ibang ako. Ilalakbay ko ang diwang bulag o di
kaya ay may piring ng sinumang tumatanghod dito sa mga lugar na hindi pa nila
nararating.
Punta tayo sa kalunsuran, nandoon ako sa tabi ng isang tindahan ng
mamahaling pagkain, umaamot sa kusing na maaring bahagi lamang ng sukli ng
sinumang bumili. Sindikato ang turing sa akin ng iba? Walastik, iisipin ko pa
ba ang sindikatong iyan? Sindikatong kumakalam ang tiyan at umaasa sa baryang
ihuhulog sa lata ng sardinas na aking daladala. Iyon nga siguro ako. Pumupustura
din ako at umaangulo sa isang makipot na upuan na nalalambungan ng kumukutikutitap
na ilaw. Halos ipakita ko na ang aking kaluluwa maakit lamang ang espiritu mo. Titigan
mo ako at masisilayan mo ang ngiting magpapataas ng iyong temparatura. Wala
akong pakialam kung sumabog man ang mura kong ugat sa laki ng kagaguhang
gagawin mo sa akin kung ang kapalit naman nito ay ang pagkaing dadaan sa bibig
ng mga sa akin ay umaasa. Kapit sa patalim ika nga. Itunghay mo ang iyong paningin, nandoon din
kaya ako sa pinakamataas na gusaling iyon, nagtatrabaho. Nakakurbata at bitbit
ang maleta habang nakabuntot at hindi magkanda ugaga sa pagsunod sa bawat
kumpas ng kamay mula sa maputing mataas na lalakeng siyang aking amo. Ang iba
nga ay mestiso o kaya singkit pa. Meron ding sakang. Pero mababait ang mga
iyan, ang nagpapasahod sa talino at hirap na inilalaan ko para sa mas matatag
na pag-aari nila. Astig diba? Pero sana naisip ko na mas astig kung ako ang
pinaglilingkuran nila sa sariling akin.
Doon na nga lang sa probinsya, maayos ang pamumuhay ko doon. Sa tabi
ng ilog at naglalaguang gubat. Simpleng simple lamang. Sipag lamang ang aking
puhunan at meron na akong ihahain sa mesa. Negosyante din ako at likas sa akin
ang kabaitan, kita mo naman dinala ko dito sa probinsya ang aking negosyo. Tinulungan
ko ang ibang kagaya ko na magkaroon ng trabaho. Pabrika, Paultry, Piggery,
Laboratoryo at iba pa. At ang latak ng aking produkto ay sa ilog ang lagakan.
Ayos, sinong magrereklamo kundi iilan lamang. Subukan nilang banggain ako at tiyak
na may kalalagyan sila sa akin. Puputulin ko ang mga puno, yaman ko ito eh kaya
dapat kong pakinabangan. Anong patago o may pailalim na kasunduan? Hindi ah.
Alam ito ng kinauukulan dahil ako din mismo ang kunauukulan.
Nakapaglibot na din ako sa buong mundo. Iba't ibang kadahilanan ang
aking naging paglalakbay sa iba't ibang lupalop ng daigdig. Sikat ako eh.
Walang hindi nakakakilala sa akin. Ipinagmamalaki kong ako'y isang may
kayumangging lahi. Kilala ako sa larangan ng palakasan. Sa dami ng lahing aking
pinaluhod at pinabagsak ng aking kamao. Dangal ako ng aking lahi. Marami
pang dahilan kung bakit kilala ako sa
iba't ibang larangan, mas nangingibabaw ang aking katalinuhan na gusto ko
sanang magamit sa sarili kong bayan pero matindi din ang aking pangangailangan
na hindi naman kayang tugunan ng dapat sana sa akin ay nakikinabang. Mahirap
malayo sa piling ng mga kaanak subalit kailangan kong labanan ang kalungkutang
ito para lamang may maibigay na rangyang hindi ko makita sa sariling akin. Naghuhugas
ako ng puwet ng may puwet. Ipinaghahanda ko ng pagkain ang pamilyang hindi ko
naman kakilala pero sa akin ay kumukupkop. Nakabilad ang aking katawan sa
ilalim ng napakainit na araw, tumatagktak ang pawis at nakikihalubilo sa mga
taong hindi naliligo o naglilinis man lang ng katawan. Minsan pa nga hindi na
ako bumalik sa aking pinagmulan, pinilit kong yakapin ang kulturang hindi naman
taal sa akin. At dumating ang puntong ako'y mistulang dayuhan sa sarili kong
bayan. Marami pang ibang kadahilanan ang aking ginawang paglisan. Sa kabila ng
lahat ng ito, nasilayan mo ba sa akin ang kalungkutan? Likas akong masayahin at
diyan mas kilala ang aking lahi.
Pasyalan mo ako sa palasyo at mararamdaman mong hindi ako pulubi. Walang
amoy ng bulok na basura pero marami kang makikita na plastik. Pasyalan
mo ako sa aking upuan at masisilayan mo ang rangyang aking ipinagkait sa iba.
Iniluklok ako dito ng ating mga sarili kapalit ng mga pangakong aking
binitawan. O kung hindi man ay binago ko ang mga numero ng resulta gamit ang
eskwalang bakal na nakasubo sa bibig ng nagtatangkang sa akin ay pumigil na
makapaglingkod sa aking bayan. Ayaw mong maniwala? Sige na nga, na makapangurakot
sa kaban ng aking bayan. Madali naman akong lapitan kung ikaw ay aking
kamag-anak o di kaya ay aking kaibigan o di kaya kung ako ay mapapakinabangan
mula sa iyo. Pumasok ka sa aking opisina at mag-usap tayo.
Hindi na ako lalayo pa, samahan mo akong galugarin ang aking sarili.
Iyong sarili ko mismo. Oo, mahirap lamang ako na umaasa sa grasya ng aking mga
karatig. Hindi naman dapat ito nangyayari kung may sistema lamang na nasusunod
sa aking kinabibilangan. Mayaman naman talaga ako. Wala lamang ito sa tamang
paggamit ng aking yaman. Ito ay nasa kapakinabangan lamang ng may matatamis na
pananalita na s'yang ating pinagkatiwalaan. Oo, Pulubi ako sa tingin ng iba.
Pero sa kabila niito, meron akong cellphone, meron akong iphone, meron akong Tablet,
meron akong Laptop. Magpapahuli ba ako? Pulubi ba ako? Sa kahit na anong paraan
ay pinilit kong makaroon ako nito, sinong makapagsasabing ako ay isang dukha?
Kung tutuusin, mabubuhay ako ng wala ang mga ganitong aparato sa buhay ko. Pero
Unti unti nitong ginagawang maging parte na ng aking pagkatao na kapag nawala
parang katapusan na ng mundo. Ewan ko ba. Asitg kasi eh. Ayaw kong
magpahuli. Kumalam na ang sikmura pero nakakasabay naman ako sa uso. Baluktot na
katwiran.
Ang aking mga nasambit sa iyo ay kapilas lamang ng aking sarili. Tulad
mo at ng mga nagawa mong tama at mali, sadya man o hindi, ikaw din ay aking
bahagi. Bakit hindi mo subukang lumabas ng bahay habang lumuluha ang langit,
hindi naman bawal ang maligo sa ulan. Buksan mo ang nakapinid mong isipan,
paliparin ang diwang nakakubli sa karangyaan o kahirapan ng iyong buhay. Baka sakaling iyong marating ang aking mga
napuntahan. Hindi ang lugar kundi
ang katotohanan ng mga pangyayari. At doon iyong matagpuan ang kasagutan sa mga
hindi mo naman itinatanong subalit kumakatok sa iyong agam agam. Walang
katapusan ang ating paglalakbay. Hindi
natin natatanaw ang dulo ng daan. Marami pa tayong maaring patunguhan.
__________________________________________________________________________________
***Likhang lahok para sa kategoryang "Maikling Kwento"
![]() | ||||
SARANGGOLA BLOG AWARDS |
sa pakikipagtulungan ng:
![]() |
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)