Biyernes, Abril 20, 2012

SINUNGALING

May sikat pa ang araw ng hapong iyon ng mapansin kong muli sa Ka Isyong na naglalakad galing sa pulo. May nakasabit na itak sa kanyang baywang at may pasang sako na hindi ko alam ang laman. Pawisan sa suot na mantsahing kamiseta at buli na salakot.  Nakatambay lang ako sa harap ng tindahan ni Nanay, ugali ko na ito tuwing sasapit ang dapit hapon. Nagmamasid sa mga taong nagdadaan at pinagmamasdan ang mga batang naglalaro sa may kalsada sa amin. Pagtapat ni Ka Isyong sa akin ay agad ko siyang binati. 


Banjo: Ka Isyong, dumaan muna kayo at ng makapagkape.

Ka Isyong: Aba, sadyang ako ay dadaan muna at ng makapagpahinga pero utoy wag ka nang magtimpla ng kape. Tubig na laang ay ayos na.


Agad akong kumuha ng tubig na galing sa tapayan na maiinom ni Ka Isyong . Aking iniabot sabay tungga niya na akala mo iyon na kahulihang tubig sa mundo.


Banjo: Baka malulon nyo ang baso Ka Isyong, tatlo na lamang iyan natitira dito sa amin. (Pabiro kong sinabi sa kanya, sanay na siya sa aking kalokohan tuwing ganitong kami ay nagkakahunta)

Ka Isyong: Ay kaluko mo talaga utoy hahaha. Salamat dito sa tubig.

Banjo: Eh Ka Isyong, anaki'y marami na naman kayong napalaban na langgam na itim sa pulo. Pagod na pagod kayo eh. Tinanggalan nyo na naman ng sungay ang mga langgam ano ho?

Ka Isyong: Utoy, isang pares lamang ang pinaglaban ko hahaha. Kaluko mo talaga ano hahaha.


Sa loob ng tindahan ni Nanay nakabukas ang TV. Nakatutok sa balita tungkol sa "impeachment" ng punong mahistrado. Dahil na din sa aming huntahan at lakas ng tawa naming dalawa ni Ka Isyong kaya naman nilakasan ng kaunti  ni Nanay ang "volume" ng TV. Dinig namin hanggang sa harap ng tindahan. Ang naging palusot ng depensa sa akusasyong ibinabato sa akusado. Napansin kong nakatingin si Ka Isyong. Sa aking isip, alam kong maraming karanasan at alam sa buhay itong si Ka Isyong. Nag isip ako ng maaring itanong sa kanya na kanyang mabibigyang liwanag sa akin.


Banjo: Eh Ka Isyong, matanong ko lang ho. Bakit ho ba may taong sinungaling? Bakit ho ba ang tao ay nagagawang magsinungaling?

Ka Isyong: Aba eh utoy, hindi ko alam hehehe. Biro lamang, eh sige sasagutin kita. May iba't ibang dahilan kung bakit nagsisinungaling ang ibang tao. Hmmm pero ito ang aking nakikikta. Takot ang taong sinungaling, duwag sila utoy. Takot silang harapin ang maaring kahantungan ng kanilang ginawa. Gumawa sila ng pagkakamali pero ayaw nilang tanggapin ang responsibilidad para sa bagay na sila naman ang gumawa. Tinatakasan nila ang responsibilidad na iyon. Para makatakas eh nagsisinungaling sila. Oh diba karuwagan iyon ano utoy, walang itlog ang taong sinungaling. Kung meron man eh bugok naman hahaha.

Banjo: Ay oho nga, may punto kayo dyan.

Ka Isyong: Meron din naman sinungaling para lamang magpahamak ng iba. Ginagawan ng ikasisira ng isang tao ang isa pang tao kaya gumagawa ng kasinungalingan. Siguro utoy eh may galit sila sa taong iyon. O maari naman may inggit. Ibig sabihin lamang eh gusto nilang makapanlamang kaya sila nagsisinungaling. Sakit na nila iyan. Parang taliptip na sa balat na kahit na kasinglaki pa ng batya ang panghilod eh hindi na talaga maalis. hahaha.

Banjo: Hahaha,  yan ang gusto ko sa inyo Ka Isyong eh. Ang lawak ng pangunawa ninyo.  Kaya "idol" ko kayo eh. hahaha.

Ka Isyong: Kasinugaling nire hahaha. Pero Utoy, kung sakaling ikaw ay napapagbintangan sa bagay na hindi mo naman ginawa o di kaya eh biktima na kasinungalingan, dapat mong ipaglaban ang katotohan. Ipagsigawan mo sa harap ng mga nakakarinig na hindi ikaw ang gumawa niyon, kahit pa sa paanong tamang paraan eh ipamukha mo sa kanila na mali ang kanilang hinala sayo. Hindi dapat uminit ang ulo mo para makapag-isip ka ng iyong gagawin. At utoy, wag na wag mo ding gagawin ang kasungalingang iyan tulad ng kanilang ginawa sayo. At kung ikaw naman ay mangangako at hindi mo kayang tuparin, para mo na ding inamin na isa ka ngang sinungaling.

Banjo: Bakit naman ho? Syempre agrabyado ako kaya dapat akong gumanti. Suntukin ko na lang kaya o sipain sa mukha. Di po ba, yan ang dapat mapala ng taong sinungaling.

Ka Isyong: Utoy, ang taong sinungaling ay taong walang bait sa sarili. Kung tutusin eh sila naman ang unang biktima ng kanilang kasinungalingan. Kailangan muna nilang kumbinsihin ang sarili nila na tama ang kanilang ganiwa kahit pa maliwanag pa sa sikat ng araw na katarantaduhan  naman ito. Pilitin nilang paniwalaan ang kanilang mga sarili. Eh di bat kabaliwan iyon hahaha. Kung sisipain mo sa mukha utoy, para mo na ring inamin na  wala kang kwenta sapagkat ang taong sinungaling ay nakakaawa at talagang walang kwenta.

Banjo: Tama kayo Ka Isyong. Meron na naman akong natutuhan sa inyo eh. Kagaling ah.


Tumingin si Ka Isyong sa TV.Tapos na ang magandang balilta ng kasinungalingan.  Nilipat na ni Nanay sa ibang istasyon kung saan nagsasabunutan ang dalawang babae at nagpapalitan ng matatamis na salita sa isa't isa habang inaawat na mga maskuladong lalake. Ang host ng programa ay nasa gitna at napapasigaw sa silyang lumilipad sa harapan.  Napailing na lang si Ka Isyong tagpong iyon ng programa.


Ka Isyong: Hala Utoy, tapos na pala ang balita. Baka hanapin na naman ako ng Ka Sayong mo. Pihadong ako'y mabubungangaan na naman noon kapag dinidilim ako sa pulo.


Banjo: Sa huntahan ho kayo inabot ng dilim Ka Isyong hehehe. Sumabit na naman ang inyong nguso eh.

Ka Isyong: Kailangan pa bang malaman nya iyon. E di lalong nagarmalayt ang bibig non. Paminsan minsan utoy, kailangan nating maging bulaan hehehe.


Nakatingin ako kay Ka Isyong habang siya ay palayo. Mariing iniisip ang kanyang mga sinabi. Kung sakaling ako nga ay biktima ng isang kasinungalingan, hindi na ako mag hihintay ng “due time”. Hindi ako magiging duwag upang humarap sa katotohan. Tulad ng sabi ni Ka Isyong, patutunayan kong ang itlog ko ay tunay at hindi bugok lamang.




Sabado, Abril 14, 2012

ALAB NG DAMDAMIN



Unti unting dumidilim ang paligid. Ang mga huni ng ibon na kanina lamang ay parang malumanay na himig na iyong naririnig, di naglalaon ay humihina at napapalitan ng huni ng kuliglig. Nanunuot ang kilabot na nararamdaman sa tuwing sasapit ang gabi sa kadahilanang hindi maiwasan ang paglalabasan ng mga MALIGNO na lumalapastangan sa iyong angking kagandahan. 


Mapait na karanasang nag-iwan ng pilat na muli’t muling nasasanggi at nanariwa sa iyong kamalayan.


Pumapaimbulog  ang kapangyarihan ng bawat titik sa mga salita na nakalimbag sa mayaman mong PANITIKAN.  Ito lamang ang pamamaraan upang maipabatid at maihatid sa bawat HINUHA ng mga mangmang ang asal na dapat na siyang nangingibabaw, ang dugong siyang dapat na manalaytay sa ugat ay tunay at hindi mapanlinlang.


Nais mo lamang na wasakin ang LARAWAN na palagiang nagpapasakit sa balintataw mong umaapaw ang luha. Larawang nagdudulot ng pighati at kumikintal sa pagal mong pag-iisip. Nag-aalab ang damdamin sa bawat pagsilay ng liwanag sa dakong silangan. Haharap sa GALUNGGONG na nakahain sa hapag na siyang ibinabagay sa iyo samantalang hindi naman nararapat. Umaasang sa pagsilip ng dapit hapon magakakaron ng pagbabagong magaganap.


Humuhuni ang mga KULISAP sa dako pa roon, nagpapahiwatig lamang na malapit na naman ang sandaling iyong kinakatakutan. Subalit manhid na ang iyong kalooban sa palagiang paglapastangan. Sumisidhi ang iyong pagnanais na katapusan. Katapusan ng pananakop ng mga halimaw ang asal. At ang pagbangon ng katawan mong matagal ng nakahilig at nakayuko sa tuyong damuhan na iyong tinatapakan. 


Umaapaw ang kaalaman. Nakarating sa mangmang na pag-iisip ang kapangyarihang nakalimbag. Kaalaman na siyang bumubuhay sa dugong nananalatay sa bawat ugat ng nakamalas. Ang kaalaman na hinding hindi matatagpuan saan mang sulok ng SILID-AKLATAN. Simula na ng pagpapalaya sa damdaming uhaw sa kasarinlan.


Matagal na paghihirap ang pumipigil sa bawat sandali. Maraming dugo ang nadilig sa lupang ipinaglaban. Hindi naglumaon at nanaig ang damdaming nag-aalab. May ngiti sa labing sumasalubong sa bukang liwayway at ganun din sa kanyang pamamaalam. Bumukas ang pinto ng KAGAWARAN na matagal nang nakapinid sa mga itinuturing na mangmang. Ang bawat pananim upang may maihain sa hapag, umaani ng karangalan at ng paggalang. Kaysarap damhin.


At tumitingala na ang mga karatig sa iyo. Isang kahangahangang SARANGGOLA na malayang lumilipad sa kalawakan. Kasama ang mga BAYANI na iyong kinalulugdan.  Sumasalubong sa malakas na hangin o bagyo pa man. Hindi tumitiklop, may kisig at yabang habang pinagmamasdan. At payapang muling lalapag sa luntiang DAMUHAN.











*suporta sa "bagsik ng panitik" ng DAMUHAN

Sabado, Disyembre 17, 2011

IKAW





Matagal na panahon na din ng ikaw ay isilang. Nabuhay sa isipan ng bawat isa ang iyong kagandahan. Mapang-akit, sariwa, kagandahang hindi nasasaling ng sino man. Noon, nabubuhay kang simple, masagana ang lupa.. maraming ani. Matagal ding panahon ganito ang uri ng iyong pamumuhay, simple at tahimik. Hanggang sa may naligaw at sayo ay gumambala. Likas sa iyo ang pagiging magalang at masayahin, kasiyahan para sa iyo ang may bisitang dumating. Malugod mo siyang tinanggap sa iyong bakuran.

Tinanong nya ang iyong pangalan ngunit wala kang maisagot. Inosente ang iyong dating. Kaya naman sya ang nagbigay ng iyong pangalan. At dito ka muling isinilang. Kasabay ng bago mong pagsilang ay ang pagtanggap sa kultura at sistema ng iyong naging panauhin, at ang pagsilang din sa isipan ng nakararami ng iyong pananampalataya.

Nagkaron ka ng pagbabago, nagkaron ng pagunlad sa iyong nasasakupan. Pero hindi lahat ng iyong nasasakupan ay nadala nito. Hindi tanggap ng iba ang sistemang sayo ay dumating. Nanatili sa sariling paniniwala at simpleng buhay.

Dumating ang panahong nagmamamalabis ang iyong naging panauhin. Ang kanyang naging pagbisita ay naging pagsakop. At ito ay iyong nakikita. Gumawa ka ng paraan upang mapalayas ang naging bisita. Dumanak ang dugo sa iyong nasasakupan. Sa bandang huli, nagtagumpay ka at nagkaron ng kalayaan. Subalit sa matagal na ding panahon pananatili ng dayuhan. Nahirapan kang tanggalin ang kanyang sistema dahil na din sa ito'y iyong nakasanayan.

Mahabang panahon pa ang sa iyo'y lumipas. Maunlad ang iyong kabuhayan, nasasaiyo ang kagandahang kinaiingitan ng iyong mga karatig. Malaya ang ibong lumilipad sa himpapawid. Umaawit.. sumisipol ang hangin. Bagama't may bakas pa ng mga dayuhan sa iyong lupain, mas pinili mo na lang na ito ay payabungin, pagyamanin at diniligan na parang punong ang nais mo ay mamulaklak at humitk ang bunga. Naging matagumpay ang pagsisikap at muli, kuminang na naman ang iyong kagandahan. Nangaakit ng mga matang hindi umaalis ang titig sa angkin mong kagandahan. Hanggang may muling bumisita sa iyong bakuran.

Nakakabigla ang pangyayari sa kadahilanang walang pagiimbot na kalapastanganan. Ang naging panauhin pala ay mga palalo at nagnanais an angkinin ang iyong yaman. Unti unti, nasasakop ang iyong mga lupain ng mga palalong dayuhan. Hindi mo ito pinabayaan, muling dumanak ang dugo sa iyong nasasakupan. Marami na ang nabuwis ng buhay, marami na ang pasakit na iyong pinagdaanan sa pagtatangol sa iyong nasasakupan. Hirap, pagod, luha, dugo ang nadilig sa bawat lupaing pinagaabutan. Nananaig ang mananakop subalit ganunpaman nanantili kang nakatayo upang iyong ipaglaban ang karapatan. Hangang sa dumating ang tulong mula sa ibang bayan. Matagal ang naging laban, umabot sa puso ng sinomang nakasaksi. At sa huli, nanaig ang kabutihan.

Nagsimula kang muling bumangon. Sa tulong na din ng iyong tagapagtanggol, muli mong binuo ang nasirang pangarap ng iyong lupain. Nabuhay ang isang ugnayan sa pagitan ng nagtanggol sa iyo. Ninais nilang sa lupain mo sila ay manatili at iyo itong sinangayunan. 

Matagal  ng panahon na sila ay nasa iyong poder at nakikita ng marami ang impluwensya ng kanyang sistema. Naging ugat ng hidwaan ng isa't isa. Ang kanilang pananatili ay nagkakaron ng ibang layunin, na tulad din ng naunang dalawa na iyong naging panauhin. Dahil sa iyong naging mapait na karanasan kaya naman ang pagsiklab muli ng panibagong karahasan ay iyong napigilan. Nagkaron ng kasunduan at hindi nagtagal ikaw ay kanilang nilisan.

Kalayaan.. ang matagal ng inaasam. Iyong nakamit sa loob ng mahabang panahon. Marami ang nagbunyi, marami ang nagdiwang. Sa pamamagitan ng pagkakaisa, iyo muli itong nakamtan.


Matagal ng panahon na ang nakalipas at lahat ng pangyayaring ito sa iyo ay iyong napagtagumpayang lampasan. Madami ang nagbago, iniukit ang lahat ng mga kasaysayan. Kasaysayan na sana ay dapat mong binabalikan. Takot ka bang masanggi muli ang pilat na dulot ng sugat ng nakaraan? Takot ka bang muli itong magdugo at magdulot ng panibagong sakit? Mali kung sakaling oo ang sagot mo, nararapat lang na itoy balikan at kunin ang aral subalit hindi ang pait na dulot nito sayo.

Tila nag iba ang ihip ng hangin sa iyong bakuran. Nawala ang sipol nito. Ang lipad ng mga ibon ay nasa iisang direksyon na lamang. Nagmamadali na tila may tinatakasan. Bakit ganon ang nangyari? Pagkatapos ng lahat ng iyong pakikipaglaban para sa iyong nasasakupan, sa karapatan ng mga itong mabuhay na malaya na matagumpay mong nakamit. Bakit mistula kang nakakulong sa kaguluhan. Nagkaron na hindi pagkakaunawaan sa iyong bakuran. Hindi pantay pantay na trato sa isa't isa ang iyong nasusumpungan. Eto ngayon at lumuluha ka para sa kanila, luha ng kalungkutan, luha ng pasakit, luha ng dalawang matang walang kapagurang nakatanaw sa kanilang kaligtasan.

Marami ang umaalis at silang nagiging dayuhan sa ibang lugar. Namumuhunan ng dugo at pawis para sa iyong kapakinabangan. Dahil hindi na nila makita ang sa'yo ay dapat na masumpungan. Kinakalangan pa bang sa kanilang pagbabalik ay dalhin sa iyo ang pagbabago? Bakit hindi naman subukan mong baguhin ang sarili mo para naman sa kanila.

Nakabibighani pa din ang iyong kagandahan. Hindi nawawaglit sa isipan ng mga dayuhan ang iyong kinang. Subalit ito ay sa kadiliman na lang..

Ikaw pa din ang hinahangaan ko. Hindi magbabago sapagkat ito ang nais ko. Ikaw ang dahilan kaya nandito ako. Sumusulat ako para sayo...






Huwebes, Oktubre 27, 2011

LUHA




Isang kaharian ang nakatayo sa malayong lupalop ng mundo. Malawak ang lupaing nasasakupan, masagana ang ani ng bawat mamamayan dito. Malakas ang pwersa ng Hari at dahil na din sa kagitingan nito kaya naman marami na din silang nasakop na iba pang kaharian.

Hindi inaasahan, nagkaroon ng karamdaman ang hari. Mahiwaga ang karamdaman ng Hari. Ilang manggamot na din ang sumuri sa kanya subalit ni isa man ay walang makasagot kung ano ba talaga ang sakit ng Hari at ang gamot para dito. Hanggang sa isang albularyo ang dumating at naghatol na ang makakapagpagaling lang sa sakit ng hari ay ang awit ng ibong adarna. Hinuli ang ang albularyo at napagkamalang espiya sa kadahilanang ang awit ng ibong adarna ay ginamit na ng kanilang katunggaling kaharian.

Naratay ang Hari at hindi na makabangon. Isang matandang ermitanyo ang inimbitahan sa kaharian upang sumuri sa kalagayan ng Hari. Isang sumpa ang tinamo ng hari at ang tanging mkakalunas lang dito ay ang Luha mula sa Reyna ng kalaban nilang kaharian. Agad na bumuo ng hukbo ang anak ng hari upang lumusob sa kanilang katunggali at hulihin ang Reyna nito. Dahil sa malakas ang kanilang pwersa, hindi rin nagtagal at nasakop nila ang kaharian ng Reyna. Nagbunyi ang kaharian sapagkat alam nilang malapit na ang paggaling ng Hari.

Ang panganay na anak ng Hari ang unang humarap sa Reyna. Isang patak ng luha lang mula sa mga mata ng Reyna ay sapat na upang muling manumbalik ang kakisigan ng Hari subalit matigas ang Reyna, hindi umiiyak kahit anong gawin sa kanya. Iginapos ang reyna, sinaktan, sinampal para lamang mapaluha ito subalit talagang walang lumalabas na luha mula sa mga mata.

Hindi nagawa ng panganay na prinsipe na mapaluha ang Reyna kaya naman ang pangalawang anak ng Hari naman ang humarap dito. Umisip ng paraan kung paanong gagawin, naiisip nyang malambot ang puso ng Reyna kaya naman sinabi nya ditong papatayin lahat ng kanyang mamamayan at susunugin ang mga kabahayan ng kanyang nasasakupan. At dahil dito tumulo ang luha ng Reyna.

Dali daling ipinainom ang Luha sa hari. Dumilat ang kanyang mga mata, tumayo mula sa higaan at naglakad. Agad na nagbunyi ang kaharian, nagsaya ang mga kawal at ang nasasakupan sa muling paggaling ng Hari. Subalit isang araw lang ang lumipas, muling naratay ang Hari dahil sa pagbalik ng kanyang karamdaman. Dahil sa pangyayari, hinuli ng mga kawal ang ermitanyong sumuri dito at pinatay. Muling nanangis ang Reyna ng kalabang kaharian sa kanyan nalaman. Tunay ngang walang puso ang mga kawal dito.

Malungkot ang buong kaharian dahil sa muling pagkakaratay ng kanilang Hari. Wala na silang magagawa kaya iminungkahi ng lang ng bunsong anak ng Hari na palayaain na lang ang Reyna. Kasabay ng pagpapalaya dito ay ang muling pagbabalik ng lupain na kanilang sinakop. Humingi ng pamumanhin ang bunso sa Reyna na kanilang binihag at kaharian na kanilang sinakop. Nagawa lamang nila iyon dahil sa pagmamahal sa kanilang ama. Pero bago pa palayain ang Reyna, gumawa na ng unang hakbang ang bunsong anak ng hari upang muling manumbalik ang kaayusan at kabuhayan ng kaharian ng Reyna.

Sa loob ng maikling panahon na pagkakabihag ng Reyna, wala na siyang balita sa kanyang kaharian kaya ganon na lang ang kaniyang pag-aalala. Kaya sa araw ng kanyang paglaya, sinamahan siya ng tatlong prinsipe na anak ng hari sa kanyang pagbabalik sa kanyang kaharian. Ganon na lamang ang gulat ng Reyna sapagkat maayos at mistulang walang digmaang naganap sa kanyang kaharian. Bagkus mas lalo pang naging maayos ang mga lupain nito. Tuwang tuwa ang mga tao sa kanyang pagbabalik. Nagbunyi ang lahat ng mamamayan nito. Mainit ang pagtanggap ng mga tao sa pagbabalik ng kanilang Reyna.

Sabik na sabik na niyakap ng Reyna ang mga mamamayan ng kanyang kaharian. Umaapaw ang pagmamahal ng mga tao sa kanilang Reyna at nasaksihan ito ng tatlong prinsipe. Ganon pa man, walang bahid ng galit ang makikita mga mata ng tao para sa mga ito. Ipinangako ng tatlong prinsipe na tutulong ang kanilang kaharian para sa kaayusan at seguridad ng kahariang ito. Sa malayo, nakikita nila na masayang masaya ang Reyna. At nakita din nilang tumutulo ang luha nito. Gustuhin man nilang kunin ang luha subalit hindi na nila ginawa. Umalis na ang tatlong prinsipe upang umuwi na sa kanilang ama.

Malayo pa lamang, naririnig na nila ang ingay sa kanilang palasyo kaya ganon na lang ang kanilang pagmamadaling umuwi. Sa bungad pa lamang nakita nila ang pagsasaya ng mga tao at sa itaas ng palasyo nakita nila ang kanilang ama na nakangiti at kumakaway sa mga ito. Matikas ang Hari at parang hindi dinapuan ng mahiwagang karamdaman. Nagyakap ang magkakapatid at dun nila napatunayan na tama ang hatol ng ermitanyo.

Luha ng Reyna ang makakapagpagaling sa kanilang ama. Hindi luha ng kulungkutan at pighati kundi luha ng pagmamahal at kasiyahan.







Miyerkules, Oktubre 12, 2011

PULUBI: MULING PAGTATAGPO

nauna: PULUBI

Inabot na ako ng dilim sa biyahe galing ng Maynila. Pagod at init ang inabot ko maghapon sa paghaharap ng trabaho. Sakay ng bus na hindi aircon, hindi ko na din namalayan na napaidlip na din ako. Dahil na din sa inip sa nadaanan naming trapik. Tapik sa balikat ang nagpabalik ng aking kamalayan. Malapit na pala akong bumaba at isang kanto na lamang pala ang layo.

Pagbaba ko pa lamang, nagtataka ako kung bakit maraming tao sa may labasan sa amin. Oo nga pala, umpisa na nga pala ng kampanya ng eleksyon para sa magiging mayor ng ng aming bayan.  Tumambay muna ko sa may labasan sa amin at nakikain ng isaw sa may tabi ng tindahan ng tinapay. Nakipagbolahan muna sa dalagang nagtitinda na panay ang pa cute sa bawat guwapong nadaan. Nakiusyoso sa mga papeleta ng mga kandidatong konsehal, bise mayor at mayor. Maya maya pa, bumaba din ng isang bus na humimpil sa kantong ito ang tatlong babaeng aking nakita kaninang umaga lang. Ganon pa din, parang hindi magkakasama sa eskwela. Walang puknat ang malalanding usapan tungkol sa kanilang pag ibig.

"Uy friend, may isaw o.. gusto n'yo hihihi" ang sambit ng isa, sabay sabay na napatingin sa akin habang kagat kagat ko ang isaw na nasa sitck pa.

"Iwwwww... excuse me friend, kayo na lang no.. hindi ko carry yan iwww" ang singkaran ng arteng sagot ng isa.

"Look at that guy, he is so cute pa naman hihihi" sabi pa ng isa sabay tilos ng nguso paturo sa akin. Nagtatawanan pa sila habang palayo.

Sa isip isip ko, ang laki talaga ng impluwensya ng ibang lahi sa atin.. maari naman mag-usap sa sariling salita, ano bang meron sa wikang iyon?.. bigla ko naalala ang pulubi kanina na kausap ko. Sinulyapan ko ang waiting shed sa kabilang kalsada. Hindi ako nagkamali, nandoon ang pulubing kanina pa umaga gala ng gala. Tumawid ako ng kalsada papunta sa kanya. Nanlilisik pa din ang tingin sa akin ng pulubi. Kumuha ako ng yosi sabay sindi. Hitit buga  sa loob ng shed na malapit sa pulubi.

"Bakit ka nandito?" tanong sa'kin ng pulubi

"Gusto lang kitang kamustahin, ikaw bakit nandito ka pa?"

"Ang sabi mo kanina bago ka umalis, na sana mabubuti na ang pamumuhay ko sa muli nating pagtatagpo, sa tingin mo ba mabuti na ang kalagayan ko?"

"Oo, iyon ang sabi ko, pero di ko matiis na hindi kita kamustahin kahit na ano pa ang kalagayan mo. Gusto kong baguhin ang sinusulat ko ngayon. Habang naguusap tayo, gusto kong magkaron ng pagbabago ng tungkol sa iyo kahit sa panulat lamang."

"Yan ang sabi mo kanina diba? Nandito tayo sa blog mo at ikaw ang gumagawa ng kuwento ko, ngayon magagawa mo bang baguhin ang kwento ko sa ganito kong kalagayan? Nakita mo naman siguro ang grupo ng mga tao sa kabilang kalsada. Naghahanda sila sa eleksyon. Panigurado, matatamis na pangako na naman ang maririnig ko. At kayo naman ang magpapaloko sa kanila. Yan ang hirap, kayo ang gumagawa ng kamalian at ako naman ang nagdurusa"

Natahimik ako sa sinabi ng pulubi, sapul sa aking kalooban ang sinabi. Ramdam ko ang paghihirap ng kanyan kalooban sa nangyayari sa kanya.

"Ang mabuti pa umalis ka na, ayaw kong nandito ka sa tabi ko habang ganito ang aking kalagayan. Paniguradong pulos negatibo ang makikita ng magbabasa ng ginagawa mong kwento ko. Bumalik ka na lamang kapag alam mo na ayos ang pamumuhay ko."

"Mabuti pa nga, pero teka bakit may nakataling tanikala sa iyong paa, sino ang may gawa n'yan sa iyo"?

"Tanga ka ba? akala ko ba kilala mo ako, kung kilala mo ako, alam mo dapat ang nangyayari sa kin diba? alam mo kung sino ang gumapos sa akin ng tanikalang ito at alam mo din kung ano ang tanikalang ito?"
 
"Ay s'ya, alam ko na. Sige, ingatan mo ang sarili mo"

"Mali ka, ingatan n'yo dapat ako para sa sarili n'yo at sana sa susunod na muling tayo ay magkausap, hindi na sana ako isang pulubi sa paningin mo."

"Teka, hindi ka naman pulubi sa paningin ko, bakit ko naman makikita iyon sa iyo? Nagmimistula ka lang pulubi dahil sa kalagayan mo. Nanlilimos ka ng tulong sa iyong mga kapit bahay gayong kayang kaya mo naman iahon ang sarili mo sa kalagayang iyan"

"Oo kaya ko nga pero hindi ko hawak ang aking sarili. Sige na, umalis ka na at hayaan mo na lang ako dito. Baka sakali na sa muli nating pagkikita eh may pagbabago na kahit papaano... sana"










Miyerkules, Setyembre 28, 2011

SI IKOY AT ANG KANYANG MGA LARUAN







Si Ikoy ay isang masunuring bata. Nag-iisang anak ng kanyang mga magulang kaya ganon na lang ang hilig nya sa mga laruan. Pero dahil sa mahirap lang ang kanilang pamilya, kuntento na siya sa mga laruang pinaglumaan ng kanyang mga kaklase. Minsan naman sa daan paguwi nya galing eskwela, kapag may nakikita syang sira sirang laruan sa lansangan, kanya itong pinupulot, nililinis at inaayos muli. O kaya naman kapag may itatapon ng laruan ang kanyang mga kaklase, kanya na lang itong hinihingi. Sa ganong paraan sya nakaipon ng maraming laruan.

Isang araw na walang pasok sa eskwela habang naglalaro si Ikoy sa loob ng kanilang bakuran, isang bata ang napansin nyang nanonood sa kanya. Medyo dusdusin ang bata at may hawak na sampaguita. Nakasilip ang bata sa bakod na tila nananaghili sa kanya kaya kanya itong nilapitan.

"Hi Bata, gusto mo bang maglaro? Halika, dito tayo sa loob. Pasok ka para makapaglaro tayo"

"Sige, kanina pa nga kita pinapanood. Natutuwa kasi akong pagmasdan ka, kinakausap mo ang iyong mga laruan na parang bata din"

"Ano nga pala ang pangalan mo?"

"Ako si Lino"

"Ako naman si Ikoy. Tara na dito sa loob"

Masayang naglalaro ang dalawang bata. Kitang kita sa kanilang mga mata ang kasiyahan. Minsan lang magkaron si Ikoy ng makakalaro kaya ganon na lang ang kanyang tuwa. Ipinagmalaki nya ang kanyang mga laruan kay Lino.

"Sya nga pala Lino, ito si Andy at yun naman ang kanyang kabayo. Kilala mo ba sila?"

"Ah may pangalan pala ang iyong mga laruan"

"Oo, binibigyan ko ng pangalan sila. At yang hawak mo, sya si Peter."

Isinama pa ni Ikoy sa loob ng kanyang kwarto, doon nakita ni Lino ang maraming laruan, halata ang kalumaan ng mga ito at halatang inayos lang. Pero nakita din ni Lino kung gaano kasinop si Ikoy at kung gaano nya kamahal ang mga ito.

"May isa pa kong laruan na hindi ko pa naipapakilala sayo, siya si Optimus Prime. Yung sa tranformer. Pinag-iipunan ko pa kasi, kita mo ba yun tibuyo ko na iyon? malapit na iyong mapuno at mabibili ko na din siya. Kung sakali, siya pa lang ang unang laruan na mabibili ko." excited na sabi ni Ikoy.

"Ikoy, uuwi na ako. Baka hinahanap na ko sa amin. At ilalako ko pa nga pala itong sampaguita"

"Ganon ba, sige kelan ka ulit balik dito?"

"Hindi ko alam Ikoy pero may ibibigay ako sayo"

Mula sa likuran ni Lino, Isang kahon ang lumabas sa kanyang mga kamay. Iniaabot nya ito kay Ikoy.

"Uy marunong kang mag magic, ano ito?"

"Dahil sa iyong kabaitan, ibibigay ko ang kahon na ito. May magic ang kahon na iyan. Ang bawat laruan na ilagay mo diyan ay magkakaron ng buhay. Sa ganon magkakaron ka na ng kalaro dito. Wag kang mag-alala, ang bawat laruan na mabubuhay ay susunod sa utos mo. At bago mag alas sais ng gabi. Babalik ulit sila sa dati. Mabubuhay ulit sila kapag inilagay mo sila sa kahon na ito. Ikaw lang ikoy ang makakakita sa kanila habang sila ay may buhay, sa mata ng iba, ordinaryo lang silang laruan."

"Ha, totoo ba iyon? Salamat dito Lino. Iingatan kong mabuti ito"

Isang ngiti lamang ang naging tugon ni Lino at umalis na ito. Tiningnan ni Ikoy ang loob ng kahon at sa kanyang pag taas ng kanyang mga mata, hindi na niya makita si Lino. Hinanap niya ito pero hindi na niya makita. Kumamot na lang si Ikoy sabay pasok sa kanyang kwarto.  Sinubukan niyang maglagay ng isang laruan sa loob ng kahon. Ganon na lang ang kanyang pagkagulat dahil totoo ang lahat ng sinabi ni Lino.

"Anak, labas ka na dyan at kakain na tayo ng tanghalian."

"Opo inay, sususunod na po." kinakabahang sagot ni IKoy.

 "Oy, ikaw wag kang lalabas dito ha. Dito ka lang sa loob ng kwarto ha"

Tumango lang ang laruan tanda ng pagsangayon. Tuwang tuwa si Ikoy. Inilihim nya ito sa kanyang mga magulang.

Mula noon, sa loob ng kwarto naglalaro si Ikoy kasama ng kanyang mga laruan. Tuwang tuwa sya habang pinagmamasdan ang mga ito. Sinusunod naman ng mga ito ang bawat sabihin ni Ikoy. Tuwing hapon paglabas niya sa eskwela at pagkatapos niyang gumawa ng aralin, binubuhay niya ang mga laruan upang makipaglaro sa kanya. Ganun palagi ang eksena.

Isang araw na walang pasok sa eskwela, naisipan ni Ikoy na gumawa ng isang maliit na hardin sa likod ng kanilang bahay. Nagtanim sya ng maliit na halaman, gumawa na din siya ng maliliit na bahay. Halos maghapon na din niyang ginawa iyon. Mistulang maliit na pamayanan ng matapos. Para ito sa kanyang mga laruan, inisip nyang mas magiging masaya ang mga ito kung parang tao din sila na nabubuhay. Isa isa niyang inilagay sa loob ng mahiwagang kahon ang mga laruan.

 Tuwang tuwa si Ikoy habang pinagmamasdan ang mga laruan sa hardin na iyon. Yung isang pilay na laruan, tinutulungan ng iba. Yung iba naman gumagawa ng sarili nilang bahay. May naghahabulan, may naglalaro. May tumatambling, yung hayop na laruan, inaalagaan naman ng iba. Sobra ang saya ni Ikoy, maging ang kanyang mga laruan ay mayroong pagkakaisa.'’

Tuwing umaga bago pumasok sa eskwela, binubuhay niya ang mga laruan at iniiwan sa hardin. Binibilinan pa lagi niya na laging magtutulungan sa kanilang gawain. Hanggang isang araw ng ginabi siya ng pag-uwi dahil pinuntahan sya ng kanyang Ina sa eskwela para isama sa pamamasyal, nadatnan niyang sira sira ang kanyang maliit na hardin. At dahil lampas na ng alas sais ng gabi, nagkalat  din ang kanyang mga laruan. Ang iba, sira sira... may tanggal ang paa, may nakasabit sa halaman. May madumi, may nakabaon sa lupa. Nagtataka si Ikoy sa nangyari, wala namang hayop sa kanilang paligid kaya imposibleng may pumasok na  hayop doon at guluhin ang kaniyang hardin. Napakamot na lang si Ikoy at isa isa na niyang pinulot ang mga laruan.

Ginawa nya ulit ang Hardin para sa kanyang maga laruan kinabukasan Binuhay niya muli ang mga ito para maglaro sa hardin. Pagkalagay niya ng mga ito, nagulat sya sa kanyang nakikita. Nag-aaway away ang mga laruan. May nagsusuntukan, may nagsisipaan. Kanya kanya ng takbuhan. May sumisira ng bahay, may nagbubunot ng halaman.

“Anong nangyayari sa inyo? Bakit kayo nag-aaway away. Bakit kayo hindi nagkakasundo"

Umiiyak si Ikoy habang pinagmamasdan ang mga laruan. Subalit hindi naman nakikinig ang mga ito. Hindi alam ni Ikoy ang kanyang gagawin. Lalo pa syang nasaktan ng makita niya ang mga itong halos magpatayan. Hindi nakayanan ni Ikoy ang nasasaksihan kaya pumasok siya sa loob ng bahay at dumiretso sa kwarto. Doon sya umiyak ng umiyak. Mahal nya ang kanyang mga laruan, kaya naman kanya itong binuhay upang malaya silang makapaglaro. Nang sumapit ang gabi,kanyang pinulot isa isa ang mga nagkalat na laruan sa kanyang hardin. Nilinis niya ang mga ito at dinala muli sa kwarto Napatingin si Ikoy sa kanyang tibuyo, agad nya itong kinuha at binasag. Isa lang ang nasa isip ni Ikoy.

May bagong laruan si Ikoy, si Optimus Prime. Binili nya ito para sa iba pa nyang mga laruan. Upang siyang magbantay sa mga ito sa loob ng hardin. Isang araw bago pumasok sa eskwela, iniwan niya sa hardin ang mga laruan. Binuhay niya ang mga ito at binilinan.

"Mga mahal kong laruan, ibalik nyo sa dati ang hardin natin ha. Ayusin nyo ito, para din naman sa inyo yan eh. At ito nga pala si Optimus Prime. Sya ang magbabantay sa inyo. Dapat wag na muli kayo mag away away ha. At ikaw Optimus Prime, ikaw na ang bahala sa kanila ha pero wag mo silang sasaktan"

Sabay sabay na nagtanguan ang mga laruan at sumaludo pa si Optimus Prime.

Pag-uwi ni Ikoy, ganon na lamang  ang kanyang lungkot ng kanyang masaksihan ang ginagawa ng mga laruan sa loob ng hardin. Nagaaway away muli. Mas lalong nasaktan si Ikoy ng makita nya si Optimus Prime na nakabitin sa isang halaman at pinamamato ng ibang laruan. Tumako si Ikoy sa loob ng bahay at kinuha ang mahiwagang kahon.

"Binigyan ko kayo ng isang pagkakataon, ayoko sanang gawin ito sa inyo"

Sinira ni Ikoy ang kahon at isa isang nawalan ng buhay ang mga laruan. Umiyak si Ikoy, nalungkot sa nangyari. Pero dahil mahal nya ang mga ito, isa isa nyang pinulot at itinabi na lang sa kanyang kwarto. Lumabas ng bahay si Ikoy at doon sa bakuran nakita nya muling naka silip si Lino na agad niya naman nilapitan.

"Lino, bakit ganon sila? Sa kabila ng kabaitan ko, sa kabila ng pagmamahal ko sa kanila, bakit hindi nila pinahalaghahan ang mga ginawa ko. Pati si Optimus Prime na pinag-ipunan ko para sa kanila, nagawa nilang sirain... Hu hu hu...  Eto nga pala ang kahon, sinira ko na para tumgil na sila sa kanilang pag-aaway" Umiiyak na sumbong ni Ikoy.

"Ikoy, tama ang ginawa mong pagsira sa kahon, iyon lamang ang paraan para sila ay tumigil.”

“Pasensya ka na Lino. Pati ang mahiwagang kahon na binigay mo sa akin, hindi ko na naingatan. Ayaw ko nang buhayin pa ang aking mga laruan, wala silang utang na loob. Pero hindi ako galit sa kanila ha. Nalungkot lang talaga ako sa nangyari.”

“Ang mahiwagang kahon na binigay ko sayo ay may ibig sabihin. Nakita mo na kung ano ang tunay na nangyayari sa atin. Ikoy, ang mga laruan bagamat binigyan mo ng buhay, hindi pa rin nila pagaari ang kanilang mga sarili. Tayong mga tao ay ganon din. Hiram lang natin ang ating buhay at hindi natin ito pag aari. Kaya dapat pahalagahan natin at mabuhay tayo para sa mas mabuti.”

"Ha, anong sinasabi mo Lino?" Tanong ni Ikoy habang nagkakamot ng ulo.

“Ang mga laruan, ang munting hardin, ang mahiwagang kahon, si Optimus Prime at Ikaw. Ang aking mga binanggit ay mga simbolismo lamang ng tunay na nangyayari.”

“Hindi kita maintindihan Lino”

Ngumiti lang si Lino, at sa ngiting iyon sumilay din ang ngiti ng nalilitong si Ikoy…







***
Likhang lahok para sa kategoryang "Kwentong Pambata" ng SARANGGOLA BLOG AWARDS

SARANGGOLA BLOG AWARDS

Sabado, Setyembre 24, 2011

DE SUSI



Isang mag-anak ang umagaw ng aking pansin sa loob ng mall na iyon.Umiiyak ang batang lalaki habang bitbit ang isang plastik na may tatak  ng isang sikat na tindahan ng laruan. Pumasok sa loob ng tindahan na iyon at  akin namang sinundan. Nang ilabas ng Daddy niya ang nasa loob ng plastik, isang robot pala na sira ang laman ng plastik. Tila yata isosoli o papapalitan sa tindahan na iyon. Nang mapalitan ng bago, pinaandar ng Daddy ang robot, isinusi ang bandang likuran at kusa ng itong gumalaw at naglakad . Tuwang tuwa ang batang lalaki habang pindot ng pindot sa remote ng laruan. Bakas din sa mukha ng mga magulang ang kagalakan. Napangiti ako sa tagpong iyon.

"Escuse me Sir, ano pong hanap nyo, maari ko po kayong matulungan" Yung sales lady nang makalapit sa akin.

"Ah eh Miss, yung robot na katulad ng binili nang bata kanina. Yung mas malaki at mas maganda."

"Dito po Sir, sunod kayo sa akin. May mapagpipilian po dito, may bagong arrival din po kami. Siguradong magugustuah ng inyong pagbibigyan."

"Para sa aking anak yan, sige ikuha mo ko ng isa, pakitest na din ha"

"Ok po Sir, upo muna po kayo, pakihintay na  lang po"


Diretso na ako sa Airport matapos kong bumili ng ilang pasalubong sa Mall na iyon. Sa loob ng airport habang naghihintay na tawagin ang aking flight, naisip ko ang tagpong iyon kanina. Sinilip ko ang robot na aking binili at nagbalik sa aking alaala ang nakaraan, minsan na din nagkaroon ako ng susi sa aking likuran.


-----


“Anak pagkatapos mo dyan sa assignment mo, pumunta ka sa kwarto. May ipapagawa ko sayo"

"Eh Daddy maglalaro po sana pagkatapos ko dito, pwede po ba bukas na lang?"

"Hindi pupwede, baka gusto mong itapon ko ang robot mo. Kung ano ang iutos ko, yun ang gagawin mo. Maliwanag?"

"Sige po Daddy, tatapusin ko na po itong assignment ko"

Bata pa lang ako, masunurin na ko sa king mga magulang. Malaki ang takot ko sa aking Daddy. Istrikto kasi kaya hindi ko magawang salungatin ang kanyang kagustuhan. Lahat ng ipagawa ay agad ko naman sinusunod kahit na labag ito sa aking kalooban. Mahal ko kasi ang aking mga magulang at ayaw ko silang magalit sa akin. At saka minsan kasi na hindi ko nasunod ang pinapagawa nya, palo at masasakit na salita ang aking inabot sa kanya kaya ganon na lang ang aking takot. Hanggang sa aking paglaki, wala akong hindi sinunod sa kagustuhan nila.


"Aba kumpadre, binata na pala ang unico hijo mo, malaking bulas din gaya  ng Daddy, tiyak na pagkakaguluhan ng kababaihan ito hahaha"

"Hahaha, kumpadre balang araw, itong si Jhonny ang mamamahala ng negosyo ko at magiging manugang mo, maganda din si Jenny at natitiyak kong bagay na bagay sila."

"Ayos yan kumpadre, sang-ayon ako sa sinabi mo. Kapag nagsama ang dalawa, mas magiging matatag ang ating mga negosyo kaya ngayon pa lang ayusin na natin ang kinabukasan nila"

Isang usapan iyon sa pagtitipon na dinaluhan namin, mga may kaya sa buhay ang lahat ng naroroon. Anuman ang sabihin ni Daddy, oo na lang ako ng oo. Sunud sunuran sa kanyang kagustuhan. Buong kabataan ko, sa kanila lang umikot. Kay Mommy, kay Daddy, sa kanilang mga kumpadre at kumare.

Hanggang sa aking pagbibinata, naging mabuti akong anak sa kanila. Marami nga ang nagsasabi sa mga magulang ko na swerte daw sila sa akin dahil sa kabaitan kong ipinamamalas sa kanila.


"Anak, natutuwa ako at nagkamit ka ng unang karangalan ngayong pagtatapos mo ng Highschool. Magaling hijo, magiging matagumpay kang negosyante balang araw. Tamang tama ayos na ang visa at pasaporte mo. Sa America ka magkokolehiyo at kursong Management ang kukunin mo para sa ating negosyo."

"Dad, usapan namin ng barkada na samasama kami sa isang kolehiyo dito at gusto ko pong maging arkitekto. Dad, ngayon lang po ako hihiling sa inyo"

"Hindi maari, sa Amerika ka mag-aaral at ang kursong Management ang kukunin mo. Ako ang masusunod naiintidihan mo. Ikaw ang susunod na mamamahala ng ating negosyo kaya dapat sundin mo lahat ng gusto ko at isa pa dun din mag-aaral ang anak ni kumpadre na s’yang magiging asawa mo balang araw. Wag mo kong bibiguin Jhonny, iyan ang pangarap namin sa’yo ng Mommy mo."

Wala akong nagawa sapagkat kita ko ang galit sa kanyang mga mata ng oras na iyon. Lumuha na lang ako ng tahimik at nagdesisyong sundin ko na lang ang kanyang kagustuhan. Inisip ko na lang na kapakanan ko lang ang kanilang nasa sa isip. Masama man ang aking loob, pinili ko na lang na manahimik para wala ng gulo.


Apat na taon din ako sa Amerika. Apat na taon kong binuno ang isa sa mga pangarap ni Mommy at Daddy sa akin. At sa loob ng apat na taon na yon, puro pag-aaral lang sa kursong napili nila ang aking inatupag. Apat na taon din  na kasama ko si Jenny, ang anak ng kumpadre ni Daddy. Sa iisang kurso at paaralan. Natitiyak ko na  ganon din ang gusto ng magulang nya kaya hindi na kami nagkahiyaan, wala ng ligawan kaya naging kami agad. Alam naman namin na nagkasundo na ang aming mga magulang para sa aming dalawa.  Noong una, wala naman siyang puwang sa aking puso pero habang tumatagal, nahuhulog ang damdamin ko sa kanya. Hanggang sa minahal ko siya ng lubusan. Doon ko naisip na tama si Daddy, tama ngang sinunod ko ang kagustuhan nya.


Sa buong pagsasama namin ni Jenny, minahal ko na din sya ng buong puso. Lahat ng kanyang kahilingan aking ibinibigay, kahit na minsan magmukha na kong tanga sa kanyang kapritso. Ang makita ko lang s’yang masaya ay nakakapagpaligaya na sa akin. Laging bukang bibig namin ang aming hinaharap, ang aming kinabukasan. Ilang anak ang gusto. Saan kami magpapagawa ng bahay. Saan kami magpapakasal. Lahat, halos lahat ng detalye para sa aming dalawa. Natuto na akong bumuo ng sarili kong pangarap.

Huling taon na namin sa unibersidad iyon. Malapit na ang aming graduation. Isang sorpresa ang aking inihanda para kay Jenny. Sa isang restauran isang gabi noon, isang singsing ang aking matagal ng iniingatan. Binili ko pa mula ng maramdamang mahal ko na sya. Inilabas ko at inabot ko pa ang kanyang mga kamay.

"Jen, will you marry me?"

"Ha? Binigla mo naman ako, seryoso ka Jhon?"

"Oo naman. I Love you Jen, will you marry me?"

"Hahaha. aba teka muna Jhon, linawin mo nga muna ang lahat, hindi kita maintindihan"

"Jen, mahal kita. Pakakasalan kita pag uwi natin. Seryoso Jen."

"Hahaha. Hindi nga, mukhang malabo ka Jhonny, hahaha.. teka... napatawa ko sayo, napatawa mo ko."

"Jen?"

"Ano ka ba, ang akala ko malinaw na sayo ang lahat. Hindi mo pa din ba alam ang sitwasyon mo ngayon? Laruan ka Jhon. Alam mong naglalaro lang tayo. Bakit mo sineseryoso ito? Lahat ng ito, pagpapanggap lang. Nilaro ko lang ang larong ito, sinusunod ko din lang ang gusto ng aking mga magulang. Nakikipaglaro din lang  ako sa kanila at wala akong balak magpatalo sa larong ito. Pareho tayong may susi sa ating likuran dahil tulad mo Jhon, isa din akong laruan. Isang de susing robot na sumusunod sa kanilang kagustuhan. Hindi mo pala naiintidihan… Suriin mong mabuti ang iyong sarili. Baka nadadala ka lang ng takot para sa kanila. Wag kang maging duwag. May sarili tayong buhay, wag mong tulyang hayaan na sakupin nila ang lahat ng iyong karapatan. Pero sa nangyayari ngayon, talo ka Jhon. Sorry, ang buong akala ko naiintindihan mo ang lahat ng ito. Kung tatanggapin ko ang alok mong kasal sa akin, para ko na ding dinaya ang aking sarili sa larong ito. Hindi pagmamahal ang nararamdaman ko para sayo. "


Napakasakit ng pangyayaring iyon sa akin. Tila harapang sampal ang aking naramdaman. Oo nga naman, hindi ko agad naisip na ako'y isang laruan. Lalo ko lang naramdaman na pati ang aking pag ibig ay pinaglaruan. Minahal ko si Jenny hindi dahil sa iyon ang gusto ng aking magulang kundi iyon ang aking nararamdaman. Masakit na pati siya ay naglaro sa aking damdamin. Minsan lang ako natutong mangarap para sa aking sarili subalit ang pangarap palang iyon isang laro din lamang.


Araw ng aming graduation at dumating ang aking mga magulang. Kasama ang pamilya ni Jenny, isang salu salo ang inihanda nila sa amin. Kumustahan, kwentuhan ng kung ano ano. Hanggang sa dumako sa kasal ang usapan. Tumingin sa akin si Jenny, tila sinasabing ngayon na ang panahon upang huwag akong maging talunan. Hindi pa tapos ang laro. Makakahabol pa ako.


“Anak, Hindi ka ba talaga sasama sa amin ng Mommy mo?

“Dad, sa buong buhay ko sinunod ko ang gusto nyo. Naging masaya ako para sa inyo ni Mommy, pero sa sarili ko napakaraming kulang. Sa pagkakataong ito Dad, uumpisahan ko na ang buhay ko. Alam ko naiintindihan nyo ako ni Mommy”

"Anak, ingatan mo ang sarili mo dito." Malungkot na yakap sa akin ni Daddy. Pero alam ko naiintindihan nya ako.

"Opo dad, wag kang mag-alala sa akin at mag-iingat din kayo sa atin"

"Jhon, sorry sa mga nangyari. Minahal din kita pero hanggang kaibigan lang.  Sana makita mo na ang makakapagbigay ng tunay na kasiyahan sayo. Ngayon hawak na natin ang ating sarili. Huwag ka ng maglalaro ok?, hindi na kita kakampihan nyan. Mamimiss kita. Mag-iingat kang mabuti"

"Salamat Jen, at pasensya na din nga pala. Sige na, mahuhuli na kayo sa flight nyo, magiging ayos lang ako dito"

Hindi ako sumama sa kanilang pag uwi. Masakit sa akin magpaiwan dito, lalo na ngayong malalayo na ako kay Jenny. Naiintindihan ko, ngayon din lang nya hahawakan ang kanyang sarili. Ngayong tanggal na ang susi sa aming likuran, wala ng maglalaro sa amin at hindi ko na ito papahintulutang mangyaring muli.  Nagpaiwan ako  dito sa America, dito ko tutupadin ang dati  kong pangarap. Dito ko din hihintayin ang aking tunay na kasiyahan. Masakit man sa akin ang nangyari, itinuring ko na din na iyon ay laro lamang. Talo ako. Pero hindi pa huli ang lahat. Tama na ang minsang ako'y naging isang laruan.


----


"All passengers.... flight number..... please proceed.... "

Ang announcement na iyon ang pumutol ng aking malalim na pagiisip, tumayo na ako bitbit ang aking gamit. Pabalik na ako sa Amerika. Umuwi lang ako ng Pilipinas dahil para dumalo sa binyagan ng anak nina Jenny. Kinuha kasi nila akong ninong nito at isa pa para na din dumalaw sa aking mga magulang. Gustuhin ko mang manatili dito pero hindi maari. Naghihintay ang aking tunay na kasiyahan sa America. Ang aking asawa at anak na nandoon. Ahhh.. ang anak ko. Siguradong matutuwa iyon sa aking pasalubong sa kanya. Iniisip ko pa lang, nasisiyahan na ako. Miss ko na sila. Ipinangako kong hindi nya mararanasan ang minsang dinanas ko. Ang maging isang de susing laruan.

Sa loob ng eroplano kakaupo ko pa lamang ng mag ring ang aking cellphone. Pangalan ng aking kliyente ang nag appear sa screen.

“Hello”

“Hello.. is this Architech…?”

"Yes, Architech Jhonny Montenegro speaking"





 ***
Likhang lahok para sa kategoryang "Maikling Kwento" ng SARANGGOLA BLOG AWARDS


 
SARANGGOLA BLOG AWARDS