Huwebes, Setyembre 13, 2012

LANGIT





Nakabibingi, nanunuot sa aking katinuan ang pigil na mga hikbi ni Ina sa kabilang silid. Hindi ako dalawin ng kapayapaan ng isip sa ganitong pagkakataon. Matagal na din nananahan sa akin ang ganitong damdamin. Walang pagbabago, tulad ng isang mundong nakapailalim sa kalawakan ng gabi, ang lamig, ang katahimikan, ang dilim ang bumubuo sa aking kamalayan. 


Unti unting sumasabog ang liwanag sa silangan, may bago na namang umaga. Subalit ang tanawin sa bahay ay walang pagbabago. Aking kapatid na patpatin, babangong may tuyo pang laway. Sa kusina si Nanay na palaging may matalim na titig sa akin. Kasunod nito ang masasakit na salitang almusal ko tuwing umaga. Patungkol sa walanghiya ko daw na Ama.  Walang malinaw sa aking isipan. Nangangapa ng mga salitang magbibigay ng liwanag sa akin.  Ang damdamin kong ito'y tila isang tigang lupa na pinagkaitan ng ulan. 


Ang sikat ng araw ay nais sumambulat sa paligid, tila pinipigilan naman ng makapal na ulap, hinaharangan. May nais lamang na ipahiwatig, alam ko. Ibig makiramay sa kalungkutan ng daigdig, kalungkutang dulot ng mga hikbing iyon. Lilisan kami ni bunso patungong kakahuyan. Maghahanap ng maaring maitulong sa aming kabuhayan. Minsan nama’y sa may aplaya. Naghahakot ng mga isdang bibilhin ng hindi na makabuhat. Isinasabay na sa pagtampisaw sa dagat ang paglalaro.  Maalat subalit pait ang aking nalalasahan.


Ano nga ba ang ginawa ni Ama dahilan upang ako'y pagkaitan ng ngiting magmumula sa aking Ina? Sa halip, pananakit ng katawan at matatalim na pananalita ang pumupunit sa aking kalamnan. Habang ang luha ay kadenang walang patid na dumadaloy sa aking mga mata, gayun din naman ang luha ni Ina. Si bunso'y matamang nakatitig sa mga pangyayaring hindi pa dapat niya makita. 


Tanda ko pa noon, hindi mawala ang ngiti ni Ina sa akin. Gumigising ako tuwing umaga na sya ang kapiling. Palaging binabanggit na kahawig ko si Ama. Masaya si Ina na aking namamasdan. Subalit magmula noong lumisan si Ama sa hindi ko mawaring dahilan, nagbago ang lahat. Sumasalubong na ang ihip ng hangin. Palagian kong naririnig kay Ina, katulad ako ng walanghiya kong Ama. Suwail, iresponsable, walang kaluluwa.


Mapait ang katotohanan sa aking pakiwari. Taglay ni Ina ang galit sa daigdig. Ang pagkamuhi sa aking Ama na siyang nakadikit sa akin. Ito ang damdaming umaalipin sa kanya.  Unti unti nabibigyan ng kasagutan ang lahat... sana. Sa bawat araw na lumipas, walang pagbabago. May tuyong laway si bunso sa pagbangon. Larawan ng isang walang dunong at walang muwang sa mga pangyayari, subalit ganon pa man, alam kong nakatatak sa kanyang isipan ang lahat. Nakapangangamba. 


Katatapos lamang ng unos na iyon na sumabay sa dalamhating aking nararamdaman. Kasama ko si bunso na lumisan sa bahay upang gawin ang sa amin ay nakalaan na tungkulin. Tumingin si bunso sa kaitasan. Pilit umaalpas ang sikat ng araw sa likod ng mga ulap. Binibigyang kulay ang asul na kalawakan. 


"Sana sumikat ang araw upang makita ko ang langit." 


Munting tinig na namutawi sa bibig ni bunso habang nakatitig sa kalawakan. Natanong ko sa aking sarili. May taong nakarating na kaya sa langit? Alam ko na ang kasagutan. Ang tinatanaw ni bunso ay hindi langit. Ang kanyang nakikita ay hangganan lang ng kanyang pananaw. Parang tinig ni bunso, ang langit ay nasa tao , hindi nakikita, hindi nahahawakan.



Martes, Agosto 21, 2012

SA AKING PANAGINIP






Umiihip ang hangin, humahampas sa makinis mong katawan. Isinasayaw ang mga punong luntian. Inililipad ang mga tuyong dahon patungo sa kung saan. Kay inam pagmasdan, ang babaeng iyon na nakatayo sa gitna ng kaparangan. Ang babaeng aking iniibig. Ang babaeng pumukaw ng aking kamalayan.

Matagal ng panahon ang nakalipas subalit sariwa pa sa aking alaala ang lahat. Ang iyong mga ngiting nagpapaligaya ng aking buong maghapon. Ang maamo mong mukha na hindi nawawaglit sa aking paningin. Paano nga ba tayo nagkakilala? Ahhh.. oo nga pala. Napukaw ang ating interes sa isang kwentong pareho nating sinubaybayan, nagsakasalubong tayo sa lugar ng siyang may akda niyon. Doon tayo nagsimula, hindi inaasahang sisibol ang damdaming alam nating mali subalit hindi natin nagawang pigilan. Marahil noon lamang natin naramdaman ang kakaibang damdaming nagbigay ng kulay sa mundong ating tinatahak. Alam nating walang patutunguhan kundi sakit. Matinding sakit na katumbas ng ating nararamdamang kasiyahan.

Milya ang sa atin ay nakapagitan subalit hindi naging sagabal upang ating pagsaluhan ang tamis ng pag-ibig. Magkasama nating inakyat ang hagdanan patungo sa kaitaasan, sa dulo hawak kamay nating nilipad ang kalawakan, nakapailalim sa atin ang daigdig. Pinagmamasdan ang pag inog nito.  Sabay din tayong babalik upang magpaalam sa isa't isa at magbibitiw ng pangakong magkikita muli kinabukasan. Ulila sa magdamag at dinig ang bawat pitik ng orasan. Hindi maiwasan ang pangamba, samu't saring panghihinayang ang sumasagi sa aking isip subalit nanaig ang  pananabik na muli kang masilayan.

Paulit ulit, hindi na mabilang ang dahong nalagas ng panahon. At dumating pangyayaring alam naman nating s'yang ating patutunguhan subalit hindi natin inaasahan sa kadahilanang atin na lamang na hinayaan. Masakit. Napakasakit.

Hindi natin magagawang takasan ang riyalidad sa pamamagitan lamang ng ating panaginip. Babalik at babalik tayo sa katotohanang hindi tayo para sa isa't isa. Aking tinanggap ang aking kamalian. Alam nating ito talaga ang nararapat subalit ganon pa man, hindi ko pinagsisihan ang mga pangyayari.

Maraming salamat sa masasayang alaala.

Aakyat muli ako sa hagdanan at pagdating sa dulo lilipad ako sa kalawakan at papailalim muli sa akin ang daigdig.  Doon lamang kita masisilayan at makakapiling na muli. Doon lamang... sa aking panaginip.

Sabado, Hunyo 16, 2012

HALIGI





May paparating na bagyo ayon sa balita na narinig ko sa transistor radio na nakapatong mesa. Malakas di umano at binabalaan ang lahat na maghanda para sa pananalanta nito. Paparating ang bagyo dalawang araw mula ngayon. Agad tinapos ni Tatay ang pag-inom ng kape at lumabas ng aming kubo. Pinagmasdan ko ang ginagawa ni Tatay. Sinusuri nya ang bawat bahagi ng aming bahay kubo na iyon mula sahig, haligi, dinging na kawayan, hanggang sa bubong na pawid na pinatungan lang ng segunda manong yero. Si inay naman ay nagwawalis ng paligid.

Pinagmasdan ko ang paligid at muli, nakita ko na naman ang naglalakihan at naggagandahang bahay sa di kalayuan sa amin. Nakatirik kasi ang aming kubo malapit sa isang sabdibisyon sa aming probinsya. Sa aking sarili, naisip ko na napakaswerte ng mga nakatira sa ganong bahay. Hindi nangangamba sa unos na dumarating.

"Oh anak, anong tinutunganga mo diyan? Si tatay pala na hindi ko namalayan na lumapit sa akin.

"Tay, may bagyo na naman kasi, naisip ko lang na swerte ang mga nakatira sa bahay na yon kasi hindi na sila mangangamba sa paparating na bagyo."

"Bakit anak? kinakabahan ka ba na baka magiba ang bahay natin?" may ngiti na tanong ni Tatay sa akin.

"Tay, malakas ang bagyo ayon sa balita, kinakabahan po ako"

"Anak, wag kang kabahan ilang unos na din ang ating pinagdaanan at kelan man hindi bumigay ang ating bahay, magtiwala ka sa Tatay mo anak" Si Nanay pala na nasa likod na namin. .


Isang gabi ng biglang bumuhos ang malakas na ulan na may kasamang malakas na hangin. Ito na ang bagyong ibinalita sa radyo. Pinagmasdan ko ang kandila sa gitna ng aming mesa na isinasayaw ng hangin. Sa mumunting liwanag, nakita ko ang aking mga magulang na nakatingin din sa akin, nakangiti na tila sinasabing wag akong mangamba sa mangyayari. Ni hindi ko nabanaagan sa kanila ang pagkabahala. Subalit ramdam kong malapit ng magiba ang aming bahay.

Maaliwalas na ang panahon ng ako ay magising kinabukasan. Agad akong lumabas ng bahay pinagmasdan ang paligid. Halos manlumo ako sa aking nakita, malaki ang pinsalang dulot ng bagyong nagdaan. Maraming bahay ang mga nasira. Maraming puno ang nabuwal. Maraming pananim ang nasalanta. Si tatay, abala sa pagkukumpuni ng bahagi ng aming bahay na nasira.

"Pagmasdan mong mabuti ang iyong Tatay anak. Tulad ng bahay natin, gaano man kalakas ang unos na dumating, hindi sumusuko, hindi natitinag at bagamat nasisira sa lakas ng hangin nanatili pa rin itong nakatayo para sa kaligtasan natin. Yan ang tatay mo anak" Si nanay na hindi ko na naman namalayan na nasa aking tabi na pala.

Tumingin muli ako sa aking paligid at natanaw ko na naman ang mga kabahayan sa sabdibisyon na iyon at napa isip ako ng malalim. Tumingin ako kay nanay na nakamasid sa akin. At si tatay, papalapit sa amin, pawisan man subalit hindi mababakas sa mukha ang pagod, nakangiti s’ya na sa amin ay nakatingin.







Miyerkules, Hunyo 06, 2012

KM3: Tinig (Pagniniig, Ningas at Pagsilang)




“Ohhhh  mahal ko,sabik na sabik na ako.”


“Damhin mo ang init ng aking pagmamahal mahal ko.”


“Ohhhh...”


“Ihatid mo ako sa rurok ng kaligayahan”


“ahhhhh…”




Mga pigil  na tinig at matatamis na ungol at daing ang nagpagising sa aking natutulog na isipan noong gabing yaon. Ang pagniniig na iyon noong gabi, pagkatapos ay katahimikan. Hindi libog ang aking naramdaman, subalit sabik akong nakinig sa kanilang pagtatalik. Nararamdaman kong may namumuong mainit na damdamin sa aking katauhan. Ito na ang simula. 

Matagal ding namahay sa akin ang kadiliman ng gabi, sa pagsapit naman ng araw ay ang pag-ulan. At tulad ng pagbubukang-liwayway, ang dilim, ang lamig at ang katahimikan ang bumubuo sa aking kamalayan. Nais kong may makinig sa akin, iyong ako ay mauunawaan. Subalit walang tinig na lumalabas sa aking bibig. Tanging palahaw lamang at hikbi ang naririnig sa akin sapagkat  makapangyarihan ang tinig na syang nangingibabaw. Tinig na huwad at namumutawi sa bibig ng iisa lamang. Ito ang tinig na gumagapos ng aking mga kamay at pilit ikinikintal sa aking isipan. 

Nabuo ang sanggol sa sinapupunan ng ina. Hindi ko pa  masasabing naging tagumpay ang libog ng pagniniig na iyon. Mahabang panahon pa ng pagbubuntis ang kailangang tiisin at pangalagaan. Alam ko, magiging piping saksi ako hirap ng pagdadalantao. May mga panganib na maaring humadlang sa pagsilang ng sanggol na matagal ko ng hinihintay. Gusto kong masaksihan ang katapusan at kamatayan ng delubyong aking kalagayan at ang panibagong simula upang ako ay makapagsalita at maunawaan.

Ilang dahon pa ang nalagas sa matandang punong iyon, dahon  ng pighati at kasakiman  na iinihahampas ng hangin sa aking katauhan.

 At sumapit ang araw ng pagsilang. Marubdob ang damdaming nag-aalab sa simula pa lamang ng pagniniig.  Matinding unos man ang humadlang at nagtangkang kitilin ang apoy subalit patuloy lamang ito sa pagningas.  Umapaw ang luha ng mga nakasaksi sa pagluluwal ng pagbabago. Luha ng masidhing kaligayahan ang aking namalas. 

Demokrasya, ito ang aking tinig. Mula sa maalab na pagniniig, nagningas hanggang sa masalimuot na pagsilang. Tinig na nagbubuklod  para sa malayang kamalayan ng bawat isa. Tinig ng bayan na nasa ating kapakinabangan.








Biyernes, Mayo 04, 2012

LURAY LURAY NA GANDA

---> Sino ka? Anong lugar ito? Bakit ako nandito? Anong...? Anong nangyayari?


<-- Oh teka lang. Isa isa lang ang tanong? Mahina ang kalaban. Hinga ka muna ng malalim. Ipahinga mo muna ang iyong isip. Marami kang dapat na maintindihan. Ilibot mo ang iyong paningin sa kapaligiran.
<-- Ano? Maganda diba? May pagkakasundo ang bawat tao. Nagdadamayan sa gawain. Malinis ang paligid. Maaliwalas ang daloy ng tubig sa ilog. Kay sarap maligo. Simpleng simple ang buhay ng tao. Walang mabigat na krimen na nangyayari.Walang cellphone. Walang internet. Walang dayaan ng boto kaya hindi nananakaw ang kaban ng bayan. Walang pork barrel.


---> Nananaginip yata ako. Wag mo muna kong gisingin. Gusto kong namnamin ang sariwang hangin. At oo, ang ganda ng lugar na ito. Kasing ganda ng babaeng kaharap ko. Nakabibighaning ganda mo.


<-- Yan ang gusto ko sa'yo. Ang tamis mong magsalita. Para kang pulitiko. Bulaan.


---> Kung maka pulitiko ka naman.


<-- Tama naman diba?


---> Kung sabagay. Pero hindi naman lahat  eh bulaan.


<-- Ha ha ha...


---> Nakakatawa ba ang aking sinabi? Oo nga pala. Nakakatawa nga. Pero nakakaiyamot din naman.


<-- Hahaha...
<-- Naakit ka sa aking ganda, ito ang tunay na ako pero matagal na panahon na iyon. Mabighani ka pa kaya sa akin kung sakaling makita mo ang itsura ko sa kasalukuyan? Sige, ipapakita ko sayo ang aking anyo na iyong pinagsamantalahan.


---> Totoong anyo? Pinagsamatalahan kita? Kasalukuyan? Ibig sabihin nagkukunwari ka lamang? Teka hindi ko maintidihan. Anong sinasabi mo?


 <-- Para malinawan ka. Masdan mo ngayon ang iyong paligid. Naghihilahan ang bawat tao pababa. Tambak ang basura sa paligid. Makakaligo ka pa kaya sa mistulang kanal na ilog na iyon? Modernong moderno ang buhay ng tao, pero kahirapan ang iyong makikita.  May nagbubuwis ng buhay dahil sa cellphone. Laganap ang korapsyon. Nabubusog ang mga buwaya sa pork barel na yan. May pag-asa pa kaya sa mga batang iyon sa tambakan ng basura?


---> Lahat yan ako ang may gawa?  Ako ang nagsamantala?


<-- Walang iba. Sinadya man  o hindi.  Ngayon humarap ka sa akin.


---> Teka, bakit ganyan ang itsura mo?


<-- Malayong malayo sa nakabibighaning babae na kausap mo kanina. Ang magandang babae at ang lugar na iyong namalas kanina ay iisa lamang. Ito ang aking anyo sa kasalukuyan, luray luray ang damit at larawan ng isang ina na pingasamantalahan ng kanyang mga anak. Kung hindi ka titigil sa kalapastanganan at patuloy mo pa din akong hahalayin, isipin mo nga kung ano pa ang aking magiging anyo sa hinaharap.


---> ......???


<-- Naiintidihan mo ba? Isipin mo nga?


...




Biyernes, Abril 20, 2012

SINUNGALING

May sikat pa ang araw ng hapong iyon ng mapansin kong muli sa Ka Isyong na naglalakad galing sa pulo. May nakasabit na itak sa kanyang baywang at may pasang sako na hindi ko alam ang laman. Pawisan sa suot na mantsahing kamiseta at buli na salakot.  Nakatambay lang ako sa harap ng tindahan ni Nanay, ugali ko na ito tuwing sasapit ang dapit hapon. Nagmamasid sa mga taong nagdadaan at pinagmamasdan ang mga batang naglalaro sa may kalsada sa amin. Pagtapat ni Ka Isyong sa akin ay agad ko siyang binati. 


Banjo: Ka Isyong, dumaan muna kayo at ng makapagkape.

Ka Isyong: Aba, sadyang ako ay dadaan muna at ng makapagpahinga pero utoy wag ka nang magtimpla ng kape. Tubig na laang ay ayos na.


Agad akong kumuha ng tubig na galing sa tapayan na maiinom ni Ka Isyong . Aking iniabot sabay tungga niya na akala mo iyon na kahulihang tubig sa mundo.


Banjo: Baka malulon nyo ang baso Ka Isyong, tatlo na lamang iyan natitira dito sa amin. (Pabiro kong sinabi sa kanya, sanay na siya sa aking kalokohan tuwing ganitong kami ay nagkakahunta)

Ka Isyong: Ay kaluko mo talaga utoy hahaha. Salamat dito sa tubig.

Banjo: Eh Ka Isyong, anaki'y marami na naman kayong napalaban na langgam na itim sa pulo. Pagod na pagod kayo eh. Tinanggalan nyo na naman ng sungay ang mga langgam ano ho?

Ka Isyong: Utoy, isang pares lamang ang pinaglaban ko hahaha. Kaluko mo talaga ano hahaha.


Sa loob ng tindahan ni Nanay nakabukas ang TV. Nakatutok sa balita tungkol sa "impeachment" ng punong mahistrado. Dahil na din sa aming huntahan at lakas ng tawa naming dalawa ni Ka Isyong kaya naman nilakasan ng kaunti  ni Nanay ang "volume" ng TV. Dinig namin hanggang sa harap ng tindahan. Ang naging palusot ng depensa sa akusasyong ibinabato sa akusado. Napansin kong nakatingin si Ka Isyong. Sa aking isip, alam kong maraming karanasan at alam sa buhay itong si Ka Isyong. Nag isip ako ng maaring itanong sa kanya na kanyang mabibigyang liwanag sa akin.


Banjo: Eh Ka Isyong, matanong ko lang ho. Bakit ho ba may taong sinungaling? Bakit ho ba ang tao ay nagagawang magsinungaling?

Ka Isyong: Aba eh utoy, hindi ko alam hehehe. Biro lamang, eh sige sasagutin kita. May iba't ibang dahilan kung bakit nagsisinungaling ang ibang tao. Hmmm pero ito ang aking nakikikta. Takot ang taong sinungaling, duwag sila utoy. Takot silang harapin ang maaring kahantungan ng kanilang ginawa. Gumawa sila ng pagkakamali pero ayaw nilang tanggapin ang responsibilidad para sa bagay na sila naman ang gumawa. Tinatakasan nila ang responsibilidad na iyon. Para makatakas eh nagsisinungaling sila. Oh diba karuwagan iyon ano utoy, walang itlog ang taong sinungaling. Kung meron man eh bugok naman hahaha.

Banjo: Ay oho nga, may punto kayo dyan.

Ka Isyong: Meron din naman sinungaling para lamang magpahamak ng iba. Ginagawan ng ikasisira ng isang tao ang isa pang tao kaya gumagawa ng kasinungalingan. Siguro utoy eh may galit sila sa taong iyon. O maari naman may inggit. Ibig sabihin lamang eh gusto nilang makapanlamang kaya sila nagsisinungaling. Sakit na nila iyan. Parang taliptip na sa balat na kahit na kasinglaki pa ng batya ang panghilod eh hindi na talaga maalis. hahaha.

Banjo: Hahaha,  yan ang gusto ko sa inyo Ka Isyong eh. Ang lawak ng pangunawa ninyo.  Kaya "idol" ko kayo eh. hahaha.

Ka Isyong: Kasinugaling nire hahaha. Pero Utoy, kung sakaling ikaw ay napapagbintangan sa bagay na hindi mo naman ginawa o di kaya eh biktima na kasinungalingan, dapat mong ipaglaban ang katotohan. Ipagsigawan mo sa harap ng mga nakakarinig na hindi ikaw ang gumawa niyon, kahit pa sa paanong tamang paraan eh ipamukha mo sa kanila na mali ang kanilang hinala sayo. Hindi dapat uminit ang ulo mo para makapag-isip ka ng iyong gagawin. At utoy, wag na wag mo ding gagawin ang kasungalingang iyan tulad ng kanilang ginawa sayo. At kung ikaw naman ay mangangako at hindi mo kayang tuparin, para mo na ding inamin na isa ka ngang sinungaling.

Banjo: Bakit naman ho? Syempre agrabyado ako kaya dapat akong gumanti. Suntukin ko na lang kaya o sipain sa mukha. Di po ba, yan ang dapat mapala ng taong sinungaling.

Ka Isyong: Utoy, ang taong sinungaling ay taong walang bait sa sarili. Kung tutusin eh sila naman ang unang biktima ng kanilang kasinungalingan. Kailangan muna nilang kumbinsihin ang sarili nila na tama ang kanilang ganiwa kahit pa maliwanag pa sa sikat ng araw na katarantaduhan  naman ito. Pilitin nilang paniwalaan ang kanilang mga sarili. Eh di bat kabaliwan iyon hahaha. Kung sisipain mo sa mukha utoy, para mo na ring inamin na  wala kang kwenta sapagkat ang taong sinungaling ay nakakaawa at talagang walang kwenta.

Banjo: Tama kayo Ka Isyong. Meron na naman akong natutuhan sa inyo eh. Kagaling ah.


Tumingin si Ka Isyong sa TV.Tapos na ang magandang balilta ng kasinungalingan.  Nilipat na ni Nanay sa ibang istasyon kung saan nagsasabunutan ang dalawang babae at nagpapalitan ng matatamis na salita sa isa't isa habang inaawat na mga maskuladong lalake. Ang host ng programa ay nasa gitna at napapasigaw sa silyang lumilipad sa harapan.  Napailing na lang si Ka Isyong tagpong iyon ng programa.


Ka Isyong: Hala Utoy, tapos na pala ang balita. Baka hanapin na naman ako ng Ka Sayong mo. Pihadong ako'y mabubungangaan na naman noon kapag dinidilim ako sa pulo.


Banjo: Sa huntahan ho kayo inabot ng dilim Ka Isyong hehehe. Sumabit na naman ang inyong nguso eh.

Ka Isyong: Kailangan pa bang malaman nya iyon. E di lalong nagarmalayt ang bibig non. Paminsan minsan utoy, kailangan nating maging bulaan hehehe.


Nakatingin ako kay Ka Isyong habang siya ay palayo. Mariing iniisip ang kanyang mga sinabi. Kung sakaling ako nga ay biktima ng isang kasinungalingan, hindi na ako mag hihintay ng “due time”. Hindi ako magiging duwag upang humarap sa katotohan. Tulad ng sabi ni Ka Isyong, patutunayan kong ang itlog ko ay tunay at hindi bugok lamang.




Sabado, Abril 14, 2012

ALAB NG DAMDAMIN



Unti unting dumidilim ang paligid. Ang mga huni ng ibon na kanina lamang ay parang malumanay na himig na iyong naririnig, di naglalaon ay humihina at napapalitan ng huni ng kuliglig. Nanunuot ang kilabot na nararamdaman sa tuwing sasapit ang gabi sa kadahilanang hindi maiwasan ang paglalabasan ng mga MALIGNO na lumalapastangan sa iyong angking kagandahan. 


Mapait na karanasang nag-iwan ng pilat na muli’t muling nasasanggi at nanariwa sa iyong kamalayan.


Pumapaimbulog  ang kapangyarihan ng bawat titik sa mga salita na nakalimbag sa mayaman mong PANITIKAN.  Ito lamang ang pamamaraan upang maipabatid at maihatid sa bawat HINUHA ng mga mangmang ang asal na dapat na siyang nangingibabaw, ang dugong siyang dapat na manalaytay sa ugat ay tunay at hindi mapanlinlang.


Nais mo lamang na wasakin ang LARAWAN na palagiang nagpapasakit sa balintataw mong umaapaw ang luha. Larawang nagdudulot ng pighati at kumikintal sa pagal mong pag-iisip. Nag-aalab ang damdamin sa bawat pagsilay ng liwanag sa dakong silangan. Haharap sa GALUNGGONG na nakahain sa hapag na siyang ibinabagay sa iyo samantalang hindi naman nararapat. Umaasang sa pagsilip ng dapit hapon magakakaron ng pagbabagong magaganap.


Humuhuni ang mga KULISAP sa dako pa roon, nagpapahiwatig lamang na malapit na naman ang sandaling iyong kinakatakutan. Subalit manhid na ang iyong kalooban sa palagiang paglapastangan. Sumisidhi ang iyong pagnanais na katapusan. Katapusan ng pananakop ng mga halimaw ang asal. At ang pagbangon ng katawan mong matagal ng nakahilig at nakayuko sa tuyong damuhan na iyong tinatapakan. 


Umaapaw ang kaalaman. Nakarating sa mangmang na pag-iisip ang kapangyarihang nakalimbag. Kaalaman na siyang bumubuhay sa dugong nananalatay sa bawat ugat ng nakamalas. Ang kaalaman na hinding hindi matatagpuan saan mang sulok ng SILID-AKLATAN. Simula na ng pagpapalaya sa damdaming uhaw sa kasarinlan.


Matagal na paghihirap ang pumipigil sa bawat sandali. Maraming dugo ang nadilig sa lupang ipinaglaban. Hindi naglumaon at nanaig ang damdaming nag-aalab. May ngiti sa labing sumasalubong sa bukang liwayway at ganun din sa kanyang pamamaalam. Bumukas ang pinto ng KAGAWARAN na matagal nang nakapinid sa mga itinuturing na mangmang. Ang bawat pananim upang may maihain sa hapag, umaani ng karangalan at ng paggalang. Kaysarap damhin.


At tumitingala na ang mga karatig sa iyo. Isang kahangahangang SARANGGOLA na malayang lumilipad sa kalawakan. Kasama ang mga BAYANI na iyong kinalulugdan.  Sumasalubong sa malakas na hangin o bagyo pa man. Hindi tumitiklop, may kisig at yabang habang pinagmamasdan. At payapang muling lalapag sa luntiang DAMUHAN.











*suporta sa "bagsik ng panitik" ng DAMUHAN