Martes, Abril 19, 2011

ANG PAGMAMAHAL NG ISANG INA

***Ang susunod pong maikling kwento ay kathang isip lamang ng may akda. Sinulat po ito bilang pag gunita sa araw ng Semana Santa. Ano mang pagkakahawig ng ng mga pangyayari sa tunay na buhay ay hindi sinasadya.



Malaki ang pagkamuhi ko sa aking kinalakihang lugar. Liblib kasi at malayo sa kabihasnan, tanging kuliglig lamang ang aking naririnig pag gabi. Nasa gitna kami ng kagubatan. Kasama kong naninirahan dito ang aking ina, sa katotohanan lamang katulad ng aking pagkamuhi sa lugar na ito, namumuhi din ako sa aking ina. Dahil sa itsura nyang parang halimaw, sunog ang kalahati ng mukha at talaga naman nakakatakot. Ang bawat batang kanyang masalubong ay sumisigaw ng  mayroong halimaw. Yan din ang malaking dahilan kung bakit ayaw ko sa lugar na ito.

Sabi ng aking ina, ako na lang daw ang kanyang kamag-anak na natitira. Hindi na daw nya kilala kung sino pa ang mga kamag-anak . Si murang isip ko noon, siguro iniwan na talaga kami ng mga kamag-anak ni ina dahil sa itsura nya. Ayaw masabi na may kamag-anak silang halimaw kaya ganon.  Dito umusbong ang aking unti unting pagkamuhi sa kanya. Sya ang nagdadala ng malas sa akin.

Pangongolekta ng basura ang hanapbuhay ng aking ina bukod pa sa pagtatanim ng iba't ibang gulay. S'yang mag isa ang nagtatrabaho para sa amin. Ganon pa man, sinikap nyang ako ay mapag-aral. Noong una, inihahatid pa nya ko sa gate ng eskwelahan bago dumeretso sa tambakan ng basura. Wala pa sa isip ko noon ang pagkamuhi sa kanya. Hindi ko alintana kung may makakita sa akin na kasama ko sya. Pero habang tumatagal, iba't iba ang aking naririnig na kwento ng aking mga kaklase sa akin. Kesyo anak daw ako ng halimaw, may lahi daw kaming halimaw. Dahil don, umpisa noon hindi na ko nagpahatid sa kanya sa eskwela. Sinabihan ko din ang aking ina na wag na wag pupunta sa aming paaralan.

Umuulan noon, hindi ko akalaing makikita ko sa labas ng paaralan ang aking ina na may dalang payong. Iiwas sana ko sa kanya subalit ako'y kanyang tinawag at dinig na dinig ng aking mga kaklase ang kanyang boses. Nagtakbuhan sila ng makalapit sya sa akin. "Anak ng halimaw, anak ng halimaw" ang boses ng ibang bata na na hindi umaalis sa aking tenga. Dali dali akong nagtatakbo pauwi, hindi ko pinansin si ina. Hinayaan ko ng mabasa ako ng ulan kesa makasabay sya pag-uwi.

"Inay, bakit ba ganyan ang itsura nyo? bakit ba kayo mukhang halimaw? bakit hindi na lang kayo mamatay." Aking nasabi sa kanya, dala na din ng pagkapahiya sa aking mga kaklse kaya lumabas ito sa akin.

Pinili ni ina na manahimik. Noong gabing iyon, lumabas ako ng kwarto upang kumuha ng tubig. Sa sulok ng mesa nakaupo sya't tahimik na  umiiyak. Nakikita ko pa ang mga luhang dumadaloy sa kanyang sunog na mukha. Alam kong nasaktan ko sya sa aking mga sinabi, may kirot sa aking puso ang makita syang ganon.  Noon din, ipinangako ko sa sarili kong hindi ako magiging tulad nya.

Nag-aral akong mabuti, nagkamit ng karangalan sa pagtatapos sa mataas na paaralan. Umalis ako sa aming bahay ng walang paalam at nakipagsapalaran sa ibang lugar. Malaki ang naging epekto sa akin ng aking ina, iyon ang aking naging kasangkapan upang pagbutihin ang trabaho sa umaga at pag-aaral sa gabi . Mahabang panahon ang lumpias hangang sa dumating ang panahong ako ay nagtagumpay at naging isang Arkitekto. Nakabili ako ng magarang bahay sa isang subdivision, nakabili ng magarang sasakyan at nagkaasawa  at nagkaron ng isang anak. 

Hindi ko inaasahan ang pagkakataon, kakagaling lang namin magsimba ng aking pamilya.. Naglalaro ang aking anak sa hindi kalayuan sa amin habang kausap ko ang ibang kakilala nang narinig kong sumigaw ang aking anak at tatakbong lumapit sa akin. May halimaw daw na lumapit sa kanya. Agad kong nilapitan ang sinasabi ng aking anak, nabigla ako sa aking paglapit. Ang halimaw na sinasabi ay ang babaeng matagal ko ng hindi nakikita.

"Bakit ka nandito? Wag na wag kang lalapit sa anak ko, Hindi mo ba alam na tinatakot mo sya?, umalis ka dito, don ka nababagay sa gitna ng gubat?"

"Pasensya na amang, nagbabakasali lang po kasi ako na makita ko dito ang nawawala kong anak, umalis po ako sa gubat para lang sya ay aking makita."

"Ano, sa tingin mo ba ay magpapakita pa ang anak mo sa itsura mong yan?"

"Pasensya na po"

Ang usapan namin ng babaeng iyon. Laking pasasalamat ko at ako ay hindi nya nakilala. Ibinaon ko na sa limot ang lahat ng aking pinagdaanan. Ayaw ko ng iyon ay balikan pa.

Isang taon din ang lumipas matapos ang insidenteng iyon. Nakatanggap ako ng proyekto na malapit sa paaralan na dati kong pinasukan noon. Tila nanadya ang pagkakataon, ayaw ko sanang tanggapin pero gusto ko din makita ang aking mga naging kaklase at ipamukha sa kanila kung sino ang kinukutya nila noon.

Malapit ng matapos ang proyekto ng isang aksidente ang nangyari, hindi sinasadyang matrasan ang isang mixer truck ang patas ng hallowblocks na malapit sa akin. nagbagsakan ang hollowblocks sa akin at  hindi ko na namalayan ang mga pangyayari.

Nagising ako na maliwanag ang kapaligiran, bumungad sa akin ang mukha ng aking asawa.

"Anong nangyari sa akin hon?"

"Hon, mabuti at nagising ka na, salamat sa Diyos. Tatlong araw ka ng walang malay. Nagkaron ng aksidente sa site, nabagsakan ka ng hollowblocks na malapit sayong kinatatayuan."

"Natatandaan ko na ang lahat, salamat sa Diyos at ako'y ligtas."

"May nagligtas sayo Hon, utang natin sa kanya ang iyong buhay. Bago pa man bumagsak sayo ng mga bagay na yun, isang matandang babae ang mabilis na tumakbo papalapit sayo at yumakap. Sa kanya lahat tumama ang mga hollowblocks bago pa sayo. Nakakaawa ang matandang babae, kahit na ganon pa ang kanyang itsura, may dakila syang puso para iyon ay gawin"

"Nasaan ang matandang nagligtas sa akin"

"Namatay din sya noong araw na yun Hon. Pagdating ko dito, ipinagtanong ko kung saan sya nakatira. Pero ang sabi sa akin, ayaw daw ng kaibigan nyang ipaalam pa sa lahat lalo na sayo ang pangyayari."
 
"Anong pangalan ng babaeng yun Hon?"
Kinakabahan kong tanong sa aking asawa.

"HIndi ko alam pero Halimaw ang bansag sa kanya ng marami"


Bigla ang pamamanhid ng aking katawan sa aking narinig. Bigla ang lakas ng tibok ng aking puso na para akong aatakehin. HIndi ko alam ang aking sasabihin, sari saring damdamin ang aking nararamdaman. HIndi ako makapaniwala sa aking narinig. Lumuha ang aking mata ng hindi ko namamalayan.


Noong araw ding iyon, Ipasya kong puntahan ang aming tahanan noon. Tinahak kong muli ang landas pabalik sa aking nakaraan hanggang sa marating ko ang munting kubo na iyon. May kurot sa puso kong tinitigan ang kabuuan ng bahay. Ito ang aking naging tahanan, dito sa bahay na ito nabuo ang aking mga pangarap. Ito ang aking tinakasan. Isang matandang babae ang lumabas mula sa loob ng bahay, pero hindi ko sya kilala.

"Magandang hapon po amang, tila po yata kayo ay naliligaw"? ang tanong sakin ng matandang babae

"Ah eh manang, kayo po ba ang nakatira sa bahay na ito, ayon po sa aking narinig eh may isang..."


"Halimaw ba ang narinig mo sa kwentuhan sa bayan? Hindi na ko magtataka, pero kung sya nga po ang inyong tinutukoy, wala na po ang aking kaibigan, pumanaw na po sya may talong araw na ang nakakaraan. Kung hindi po ako nagkakamali, ikaw ang lalaking kanyang iniligtas, ikaw ang lalaking matagal na nyang hinihintay."

Tahimik lang ako tumungo tanda ng aking pagsang-ayon. Niyaya ako ng matandang babae sa likod bahay kung saan naroroon ang kanyang libingan. Isang puntod na may maliit na krus ang aking nakita. Nag-alay ako ng isang maikling panalangin sa kanya. Habang nakatitig ako sa puntod na iyon ay  nagkwento ang matandang babae.

"Alam mo amang, namatay syang ang tawag sa kanya ng mga tao ay halimaw. Pero hindi, ang kanyang damdamin at puso, daig pa sa kagandahan ang pinakamagandang Dyosa na iyong kilala. Matagal ko na sya kilala. Matalik kaming magkaibigan, Maliliit pa lang kami, kami na ang laging magkasama. Umalis kami sa aming lugar dahil na din sa kahirapan. Naghanap kami ng trabaho sa bayan ng lugar na ito hanggang sa matanggap kami bilang kasambahay ng isang mayamang pamilya. Matagal kaming nagsilbi sa aming amo. Araw ng linggo noon, araw iyon ng aming pahinga bilang kasambahay ng pagpasyahan naming kami ay mamasyal at noong hapon ng paguwi nadatnan naming nasusunog ang bahay ng aming amo. Sa kabila ng malakas na apoy,  lakas loob syang sumugod sa loob ng bahay upang iligtas ang aming amo. Wala akong nagawa para sya ay pigilan. Wala na kong pag asa na may mabuhuhay pa sa sunog na iyon. Pero lumabas sya na dala ang isang bata, iyon ang anak ng aming amo. Walang pinsala ni isa sa bata pero ang aking kaibigan, sunog na sunog ang kalahating bahagi ng mukha. Iyon ang dahilan kung bakit sunog ang kanyang mukha, at tinatawag syang halimaw."


"Hindi sya nagiisa dito amang. Wala kaming ibang kilalang kamag-anak ng aming pinaglilingkuran.Kinupkop namin ang bata, at noon habang sya ay nagpapagaling ng kanyang mga sugat, ipinasya kong maghanap ng trabaho. Natanggap ako bilang isang kasambahay muli sa bayan na iyon. Matagal tagal din ako hindi nakauwi sa kanilang dalawa. Noong pag uwi ko, wala na ko nadatnan sa aming inuupahan. Napakadakila ng puso nya, isang sulat ang iniwan nya sa akin. Ayaw nyang maging pabigat sila sa akin noon, umalis sya kasama ng bata. Matagal ko syang hinanap, nangangamba ako para sa kanila dahil na din sa kanyang itsura, panigurado kasing pandidirihan sya ng ibang makakakita sa kanya. Dito pala sya nagtago sa liblib na lugar na ito."
 
Mahabang pananahimik ang sa amin ay namagitan, hindi ko namalayan na unti unting dumaloy ang luha sa aking mga mata.

"Alam mo amang, tinuring nyang parang tunay na anak ang bata. Pinag-aral nya hanggang sa abot ng kanyang makakaya. Palagi nya itong pinuntahan sa eskwela pag oras ng uwian, sinusundan nya hangang sa paguwi upang masiguro lamang ang kaligtasan ng itinuturing na anak. Pero umalis ang batang iyon. Matagal nya din hinanap ang bata, walang araw na hindi nya naisip ito.Hangang kanya muling makita, natuwa sya sapagkat malaki na ang ipinagbago ng kanyang itinuring na anak. Isa ng mayaman at matagumpay sa buhay. Natutuwa rin sya sapagkat nakita nya ang kanyang apo. May pamilya na pala ang kanyang itinuring na anak. Bumalik sya dito sa gubat na masaya. Noong panahong iyon, natagpuan ko na din sya dito."

Lumuluha ang matanda habang nagkukwento sa akin. Para namang nagsisikip ang aking dibdib sa aking naririnig.

"Sinubukan ko syang pakiusapan upang sumama sa akin at ng sya ay maipagamot. Noong mga panahong iyon kasi, malala na din ang kanyang kalagayan dahil sa sakit. Pero mariin ang kanyang pagtanggi. Ayaw nyang lisanin ang lugar na ito sapagkat alam daw nyang magbabalik ang kanyang anak. Alam mo amang, sobrang mahal na mahal nya ang tinuring na anak. Kahit hindi nya ito kadugo, pagmamahal pa ng isang tunay na ina ang kanyang ipinakita. Sa kabila ng kanyang itsura, kahit na sya's ituring na halimaw ng marami, hindi sya sumuko mabuhay lamang ang anak. Namulot ng basura, inalipusta ng mga tao, lahat ng panganib kanya ng sinuong para lamang sa pagmamahal nya sa kanyang anak."

"At noon nga, noong nabalitaan nyang nandito ang kanyang anak, araw araw syang nagpupunpunta sa pagawaang iyon. Nakatanaw sa malayo, nakita ko sa kanya ang tunay na kasiyahan. Saksi ako sa pagmamahal na walang katulad, sa pagmamahal ng isang halimaw na tinatawag ng marami, na iniaalay ang sariling buhay para lang sa kaligtasan ng nakalimot nyang anak. Amang, sinasabi ko ang lahat ng ito upang kahit paano ay maging malinis ang kanyang pagkatao sa iyong isip at damdamin. Batid ko ang pagkamuhi mo sa iyong nakaraan. Linisin mo na ang iyong puso, matagal ka na nyang pinatawad amang.  "

Luhaan akong nakayuko matapos kong marinig lahat ng kwento tungkol sa aking Ina. Hindi ko alam kung paano ako hihingi ng tawad sa kanya. Ako pala ang dahilan kung bakit sunog at mukha syang halimaw. Ako ang dahilan kung bakit nagtitiis sya sa dusa na ako pala ang may gawa.  At ako din ang dahilan ng kanyang pagpanaw. Ngayon ako naliwanagan, na walang ibang halimaw sa aming dalawa kundi ako. Ako na walang inisip kundi ang kamuhian sya. Ako ang halimaw na pumatay sa kanya.   Umalis ang matanda, Hinayaan nya kong mapagisa sa harap ng puntod na iyon. Sa puntod na aking ina, sa puntod ng  isang taong sa akin ay labis na nagmahal. Isang taong itinuring ko noon na halimaw,  halimaw na may busilak na puso at napakadakilang damdamin. 







Biyernes, Abril 15, 2011

SA PAGSAPIT NG DILIM




Napilitan akong umalis sa aming lugar dahil na din sa hirap ng buhay. Bitbit ang ilang gamit at ang kaunting naipon, sumakay ako ng isang bangka na magtatawid sa akin sa kabilang pampang galing sa aming Isla. Ilang sakay pa ako bago ko narating ang terminal ng bus papunta sa aking destinasyon. Ang lugar na matagal ko ng gustong marating, ang lugar na laging laman ng usapan sa amin. Ang lugar kung saan ako makikipagsapalaran.

Sandali lang at paalis na ang bus na aking sinasakyan, dahil sa haba ng byahe, hikab at pagkaduling ang aking nararamdaman. Dala na din siguro ng pagod, agad din ako naidlip sa loob ng sasakyan. Tapik sa aking balikat ang gumising sa akin. Ang konduktor pala ng bus, ako na lang pala ang natitirang pasahero at nakatigil na din sa terminal ang sasakyan. Dali din akong bumaba, paglabas ko ng terminal.. madilim na pala ang kalangitan.

Madilim ang kapaligiran, tila ba walang kuryente.. ang tanong sa aking isipan, ito na ba iyon, dito ba ako makikipagsapalaran? Bakit ang daming punong naglalakihan? Bakit walang ilaw, liwanag lamang na galing sa alitaptap ang aking nakikita. Sa aking paglalakad, may nasalubong akong isang mama, kaagad kong nilapitan at akoy nagtanong.

"Magandang gabi po manong, anong oras na po kaya?"

"Oras na para ako'y kumain" ang sagot ng mama sabay labas ng mahabang pangil.

Agad akong kumaripas ng takbo, ramdam ko ang paghagad sa akin ng nilalang na iyon, sa isip ko, nasaang lugar ako, anong klaseng nilalang iyon? bakit anyo syang tao?.. Mahaba haba na din ang aking natakbo, sa aking paglingon wala ng humahabol sa akin. Ipinasya kong tumigil at magpahinga. Hawak ang tuhod at habol ang paghinga ng may mapansin akong dalawang babae naglalakad patungo sa akin. Kinakabahan akong tumayo ng tuwid.

"Mga ate, magtatanong lang po ako.. anong lugar po ba ito?"

"Hindi ka tagadito ano? hihihi, wala ka bang matutuluyan? sumama ka sa amin... hihihi..."
ang sagot ng dalawang babae.

Magtatanong pa sana ako ng biglang lumabas ang mahabang dila ng babae. Agad ulit akong kumaripas ng takbo. Hindi ko na inisip kung saan ako makakarating, sa daan habang tumatakbo, sari saring hayop ang aking nakikita. Lahat nakatingin sa akin na para akong kakainin. Hindi ko na nakayanan ang pagod at hirap, napasubsob ako sa lupa. Muli akong tumayo at luminga sa paligid. Wala na, wala ng humahabol sa akin. Sa ilalim ng isang puno, ipinasya kong magpahinga. Sa sobrang pagod ay agad din akong naidlip, hindi ko na naisip pa ang maaaring  mangyayari sa akin.

Sikat ng araw ang gumising sa akin. Umaga na pala, maliwanag na ang kapaligiran. Sa aking pagmamasid sa paligid, akoy nagtataka. Nagtataasan ang gusali, naglipana ang iba't ibang uri ng sasakyan. Madaming tao ang parito't paroon. Sa di kalayuan, napansin ko ang isang lalakeng kumakaripas ng takbo kasunod ang humahabol na pulis. Sa kabila naman, dalawang babaeng maigsi ang kausotan at nakakapit sa braso ng isang matandang lalaki, tila amerikano ang lalaking yun at papasok sa isang gusali.

Sa kabilang dulo ng daan, kita ko ang malaking orasan. Ito na nga, ito na ang lugar kung saan tutuparin ko ang aking mga pangarap. Minabuti kong lamnan ang aking kumakalam na sikmura. Sa isang kainan sa may tabi ng ilog ako napadpad. Sa aking pananghalian, iba't ibang boses ang aking naririnig, boses ng tatlong inang may kargang pinadedeng sanggol ang nagpapaligsahan sa pagkuwento ng buhay ng kanilang kapitbahay.  Ang iba nama'y boses ng mga batang naguunahan sa pamumulot ng bote at plastic sa di kalayuan. Ganon pa man, hindi pa din mawala sa aking isip ang mga pangyayari mula pa kagabi.

Lumipas ang maghapon, at sa aking paglalakbay iba't ibang tanawin ang aking namalas. Mukha ng karangyaan at hikahos ang aking nakita. Sa bawat sulok ng aking mata, nagpapakita ang anyo ng halimaw na humabol sa akin kagabi. Kagalang galang na halimaw sa kanyang pananamit. Naggagandahang halimaw na todo ang pustura. Tumingin ako sa langit, nagtatalo ang liwanag at dilim, hudyat lamang na malapit ng sumapit ang gabi.

Unti unti kong nauunawaan ang mga pangyayari, ang lugar na ito na hinahangaan ng mga nakatanaw lamang sa malayo. Pinapangarap na mapuntahan ng tulad kong naghahangad ng magandang kinabukasan, ang kanyang anyo pala ay isang kasinungalingan. Isang mapagbalat-kayo na lugar na mapang-akit sa paningin ng mga salat sa pinag-aralan.  Sa loob nito mismo ay mistulang gubat pala. Mababangis ang hayop at halimaw ang nakatira na handang lumapa ng laman ng isang tao. Tulad ng paglapa nila sa kanilang sistema.

Kailangan kong maging alerto at maghanda. Sasapit na naman ang gabi.








Miyerkules, Abril 13, 2011

LARAWAN

*** Ang sumusunod pong kwento ay  entry para sa TKJ April issue. Ito po ay kathang isip lang ng may akda, anumang pagkakahawig ng pangalan, lugar at pangyayari sa tunay na buhay ay hindi sinasadya. Maraming salamat po




Maaga akong nagising ng araw na ito, ginising ko na din si Junjun. Magsisimba muna kami bago kami dumiretso sa aming pupuntahan. Nagdala na din ako ng aming pagkain, doon kami mananghalian. Pagkatapos ng misa, dumaan muna kami sa bilihan ng bulaklak. Bumili lang kami ng ilang bulaklak at dumiretso na. Mahaba haba din ang biyahe pauwi ng probinsya. Pagdating namin doon, inilatag ko ang dalang carpet upang aming upuan at gamitin na rin na hahainan ng dala naming pagkain. Nagpaalam sa akin si Junjun na may bibilhin lang sa labasan. Hawak ang bulaklak sa aking mga kamay, nakatitig ako sa aking dalang larawan at sa pangalang nakaukit sa pinagpatungan. Raymond Descallar... Unti unti bumalik sa akin ang alaala.


 ----------


" Mon, wala ka bang balak mag abroad? Wala ka bang pangarap para sa anak mo?"

"Bakit mo natanong yan? Syempre naman gusto kong magkaraon ng magandang kinabukasan ang anak natin."

"Gusto kong magtrabaho sa abroad, tingnan mo ang kumare natin, ang gaganda na ng bahay. Sa tuwing magkikita kita kami, naggagandahan ang kanilang suot na alahas.. kumustahan sa buhay, samantalang ako puro fancy lang ang nasusuot."

"Bakit mag aabroad ka pa? Hindi ko naman kayo ginugutom ng anak mo. Sapat naman ang aking kinikita, may naitatabi din naman tayo kahit papano. Wag kang managhili sa mga kumare natin. Ang importante ay sama sama tayo. Pasasaan ba't magkakaron din tayo ng magandang bahay at sasakyan, konting tiis lang Hon."


Isang gabi yon ng pag-uusap namin, lingid sa kaalaman ni Raymond na aking asawa, may apply na ko sa America, ini-refer ako ng isang kumare sa isang kumpanya na gumagawa ng damit doon. Isang buwan na lang at malapit na akong lumipad subalit hindi ko pa din nabanggit sa aking asawa ang tungkol dito. Panigurado kasing hindi siya papayag.

Nasanay na akong bumangon ng maaga upang asikasuhin ang pagkain ng aking mag-ama sa pagpasok sa eskuwela at sa opisina. Pasado 7:30 na ng umaga noon at naihatid ko na din si Junjun sa eskwela, malapit lang naman kaya ako na mismo ang naghahatid. Dumating ako sa bahay na ni hindi pa nagagalaw ang hain ko sa lamesa. Sa kwarto nandun pa si Raymond, nakapikit pero wari ko naman ay gising.

"Hindi ka ba papasok ngayon?"

"Hindi muna, masakit ang ulo ko eh. Tatawag na lang ako sa opisina."

"Ayan ka na naman, sinumpong ka na naman ng katamaran, lagi mo na lang idinadahilan ang migrain mo, pano ka ba aasenso nyan?"


Tumahimik na lang si Raymond. Sinamantala ko naman ang pagkakataong 'yun at binanggit ko ang malapit ko ng pag alis patungong America. Hindi napigilan ng asawa ko ang umiyak, dahil don nakaramdam ako ng awa. Pero wala syang nagawa sa aking kagustuhan. Mula ng umagang 'yun, parang nagkaron ng pader sa pagitan naming dalawa.

Huling gabi bago ako lumipad tungong America, pagkatpos ko patulugin si Junjun, nadatnan ko si Raymond sa kwarto na hawak ang kanyang ulo, tahimik na nakahigang nakatalikod sa akin. Alam kong tahimik syang lumuluha, kita ang bawat galaw ng balikat sa paghikbi. Hindi ko na tinangka pa syang kausapin. Kinabukasan, hindi ko pinapasok sa eskwela sa Junjun. Maaga ang aking flight non. Nakapaghanda na ko ng gamit ng pagbalik ko sa kwarto, dumadaing ng sakit ng ulo ang aking asawa.

"Aalis na ko Mon, kaw na ang bahala kay Junjun"

"Hindi ba talaga magbabago ang isip mo Hon? Baka naman pede ipagpaliban mo muna, paano na ko? itong sakit ko? Hon, wag ka nang umalis hayaan mo namang makasama pa kita habang buhay pa ko, may ca....."

"Wag mo kong daanin sa drama, iniintindi mo ang sakit mo, migrain lang yan.. ang layo nyan sa bituka.. hindi mo ikamamatay yan.. hinding hindi mo ko mapipigil, para din naman sa kinabukasan ito ni Junjun. Malaki ang pangarap ko sa kanya... Hindi na ko papahatid sayo, alam ko sinusumpong ka na naman ng katamaran... ingatan mo si Junjun... alagaan mong mabuti"


Umalis akong may samaan kami ng loob ni Raymond. Pero alam kong maiintindihan din naman nya ang lahat. Hindi sapat ang makuntento lang kami sa sinasahod nya. May mga pangarap din naman ako para sa aking sarili. At ito na ang katuparan, ang mabili ang lahat ng aking nais. Ang mapantayan ang yaman ng aking mga kumare.

Dalawang taon... dalawang taon ako namalagi dito sa America, madalang din ako makatawag sa amin, at kadalasan ang anak ko pa ang aking nakakausap. Minsang makausap ko si Raymond, hinihiling nyang palagi na ako'y umuwi na. Palagi daw akong hinahanap ni Junjun. Minsan, hindi ko inaasahan ang tawag na galing sa Pilipinas. Ibinigay sa aking ng sekretarya ang telepono...

"Hello"

"Hello mama"

"Oh Junjun, musta ka na? Bakit ka napatawag? Naku pasensya ka na anak at busy ang mama mo ha, musta ang school mo?"

"Ma, ok naman po, tinawagan kita kasi si Papa eh."

"Oh anong nangyari?"

"Palaging masakit ang ulo nya, nung isang gabi sumisigaw, ikaw ang hinahanap.. natatakot nga ko Ma eh."

"Naku, di ka na nasanay dyan sa Papa mo, siguro pinatawag ka lang ng Papa mo para lang sabihin sakin yan no? Yaan mo Junjun, isang taon na lang, uuwi na ko, at pag uwi ko hindi na ko babalik dito. Magsasama na tayo ng Papa mo, teka asan ang papa mo?"

"Ganon po ba? Nasa kwarto po, natutulog."

"Hay, sinumpong na naman ng katamaran ang Papa mo."


Dahil na din sa sobrang busy ko dito sa America, hindi ko namalayan ang pag takbo ng oras. Sa loob pa ng isang taon, malaki laki na din ang naipundar ko. Kahit na abutin pa ng pagtanda si Junjun, hindi na mauubos ito. Tatlong taon dito sa America, tatlong taong puro pagpapayaman ang aking nasa isip.

Sa hindi sinasadyang pagkakataon, habang nakatungo akong naglalakad, nabundol ko ang isang babaeng busy din naman sa paghahalungkat sa bag habang naglalakad, nabitawan ko ang mga dala kong papeles at iba pang gamit..

"Ohh, Im sorry miss."

"It's ok"  ang medyo nakasimangot kong tugon.

"Heidi? Heidi Descallar?"


Napatingin ako sa nagsasalita, ang aking nakabangga, bakit alam ang aking panagalan.

"It's me, Anna, ung kapitbahay mo sa atin..."

Si Ana, ang aming kapitbahay na madalas ko din makakwentuhan noon. Bibihira ang pagkakataong meron akong masalubong na kakilala dito. Mabuti at hindi naman s'ya busy kaya inaya ko munang mag snack at nang makakwentuhan. Hayy namiss ko ang ganito sa amin.

Madami kaming napagkwentuhan, mga pangyayari sa Pilipinas at sa buhay buhay. Medyo matagal na din pala siya dito. Almost 1 1/2 year na din, anim na buwan ang nakalipas mula ng sya'y umuwi sa Pilipinas.

"Si Raymond talaga, ni hindi man lang nabanggit na nandito ka pala."

"Ay oo nga pala Heids, musta na ang mister mo? Hmm sensya na ha, sana naman eh gumaling na s'ya..."

"Ha? bakit naman? Eh migrain lang naman ang sakit nya no... Hihihi."

"Ha, ibig sabihin eh hindi mo alam.. teka naguguluhan ako sayo, eh nung umuwi kasi ako last year, mga 6 months na yata yun. Isang umaga na habang papasok yata si Junjun, eh bigla na lang natumba si Raymond hawak ang ulo nya.. sumisigaw pa nga sa sakit eh. Then dinala namin sa ospital ni mister, si Junjun eh dun muna sa bahay. Sabi sa amin ng doctor, mabuti daw at nadala agad... Nagkataon naman na iyon din pala ang doctor nya na tumitingin sa kanya. Ayaw pang sabihin sa amin ng doctor dahil iyon daw ang bilin sa kanya ni Raymond. Heidz... May brain cancer ang mister mo. Three years na nyang nilalabanan ang sakit na yon. Sabi ng Doctor nya, nasa stage 3 na yung Cancer nya."


Tila binagsakan ako ng langit at lupa ng marinig ko iyon, nagdilim ang aking paningin. Nagising na lang ako sa isang pribadong clinic na malapit sa lugar na iyon. Umuwi ako sa bahay at pinlano ang lahat ng gagawin. Kinabukasan, maaga akong dumating sa opisina upang magfile ng resignation. Hindi pa ko nakakapasok sa aking opisina ng ibigay sa akin ng sekretarya ang telepono, galing daw sa Pilipinas ang tawag. Nangangatal ang aking kamay na inabot ang telepno..

"Hello?"

"Mama, si Papa."

"Anak ko, Junjun, anong nangyari? Uuwi na si Mama."

"Si Papa, nasa hospital dinala ng mga kapitbahay kanina."

"Oh my God.. Anak, uuwi na si Mama, bukas nanjan na ko."

"Dalian mo Mama, natatakot ako."

 
Sinabi ko sa aking boss ang pangyayari kaya agad nya din akong pinayagan. Sa tulong na din ng aking boss, nakakuha ako ng ticket. Kinabukasan, lumipad na din ako pauwi sa aking pamilya.

Matagal ng nakahinto ang aking sinasakyang taxi sa tapat ng bahay ngunit tila wala akong lakas upang buksan ang pinto. Pinagmasdan ko ang buong kabahayan... Nakabukas lahat ng ilaw, maliwanag ang kapaligiran. Bumaba ang driver at syang nagbukas ng pintuan... ngunit hindi ko naman maihakbang ang aking mga paa. Huminga ako ng malalim, kumuha ng lakas ng loob sa pagharap sa maaring katotohanan.

Unti unting lumalaki ang pintuan ng bahay sa aking paglapit, lumalabas ang liwanag ng nagmumula sa loob ng bahay. Mga mata ng tao na sa akin ay nakatingin. Ni hindi ko mawari kung awa, pagtataka o galit ang sa kanilang mata ay makikita. Wala akong pakialam noon. Unti unti ang puting kahon ang nasisilayan... puting kahon na nagsasabi sa akin ng katotohanan, ng katotohanang sa loob ng tatlong taon ay hindi ko nakita. Hanggang sa tumabad sa akin ang kabuuan, at ang pagdilim na aking paningin.

Malakas ang ulan, ipinasya kong magpaiwan sa harap ng puntod ng aking asawa. Sa aking tabi ay si Junjun na tahimik ding umiiyak. Sa ilang araw din nakaburol si Raymnond ngayon ko lang narinig ang boses ni Junjun.

"Ma, natatakot ako.. sa mga gabi na sumisigaw si Papa hawak ang kanyang ulo, ikaw ang hinahanap nya. Ma, bakit ganon? Ang sakit Mama, gusto ko s'yang tulungan pero wala naman akong magawa. Tapos isinasara lang nya ang pintuan pero naririnig ko pa din ang sigaw nya. Bakit hindi ka dumating noong hinahanap ka nya? Bakit mo sya pinabayaan?"


"Junjun anak, patawad sa inyo."

"Pero Ma, alam ko naman na nasa langit na si Papa. Masaya na sya dun."


Sobrang sakit ng aking pakiramdam sa mga sinabi ni Junjun, bawat kataga'y tumutusok sa aking puso. Bawat himaymay ng aking laman ay nangangatal, hilam ang mga matang sinasabayan ng malakas na buhos ng ulan. Sobra ang aking pagsisisi, tatlong taon akong binulag ng aking pangarap, tatlong taon na puro material na bagay ang nasa isipan. Pinaniwala ang sariling ito ang makapagbibigay ng saya para sa aming pagsasama. Sa loob ng tatlong taong iyon, hirap at pasakit ang dinaranas ng aking mag ama. Ako sana ang karamay sa mga oras ng paghihirap ni Raymond. Hindi sana nasaksihan ni Junjun ang pagdurusa na iyon. Walang silbi ang aking ipinadadala. Hungkag ang kasiyahan sa kanila. Inaalipin ako ng panghihinayang, ng sakit, ng takot.



----------



"Ma, anong nagyari sayo, bakit ka umiiyak?"

"Ha ah eh naalala ko lang ang Papa mo."

"Ma, 5 years na din ang lumipas, maging masaya ka dapat, kaarawan ngayon ni Papa, kasama natin sya ngayon."

"Salamat Junjun... Ikaw na lang ang natitira kong kasiyahan."

"Husss... drama ni Mama, tara na let's eat.."

Muli akong sumulyap sa larawan. Larawang aking pinakaiingatan. Ang humahawak ng isang pangako.

"Mon, Hinding hindi kita papalitan sa puso ko. Happy birthday sayo. Mahal na mahal kita"






 

Lunes, Abril 11, 2011

TUNAY NA KALIGAYAHAN



Wala akong muwang sa mundo, simple akong namumuhay kasama ng aking mga pangarap gamit ang sandatang panulat at pananggalang na papel. Kaakibat ng aking pakikidigma sa karunungan ang  pagtahak sa mapanganib na landas na araw araw kong dinadaanan. Hanggang sa ako'y magtagumpay. Nakamit ang pangarap na matapos ang aking sinimulan na digmaan.

Hindi ko inaasahan na sa aking paglalakabay, isang rosas ang sa akin ay pumukaw. Nabighani ako sa kanyang kagandahan, kagandahang ibinibigay sa kapaligiran at tila nang-aakit na sya'y aking lapitan. Nagsusumamong sya'y aking hawakan at pitasin sa kanyang kinalalagayan. Hindi ko napigilan ang aking sarili, sa araw araw na sya'y aking nadadaanan, lumapit ako sa kanya at sya'y aking kinuha.. Masakit, napakasakit sa kamay ng mga tinik ng kanyang tangkay. Tumitibo sa aking mga palad na nakakapit sa rosas. Subalit gaano pa man kasakit, pinili kong siya'y hawakan ng aking buhay.

Naging langit ang aking kinaroroonan, nagbunga ng mga anghel na s'yang nagbigay katuturan sa aking paglalakbay. Mga anghel na aking minahal at inalagaan.  Pero hindi rin nagtagal, ang rosas na aking hinawakan ay pilit ng kumakawala. Ang kanyang mga tinik ay tila patalim na sumusugat sa aking puso. Hanggang sa hindi ko na makayanan ang pagdaloy ng dugo. Binitawan ko na ang rosas na nagbigay ng langit sa akin. Langit na unti unting nagiging impyerno dahil sa tinik ng rosas na aking hawak. Mistula akong kandila na nagbibigay ng liwanag sa aming tahanan. Kandilang aandap andap ang liwanag at unti unti unting nauupos.

Ipinasya kong lisanin ang langit kung saan naroon ang aking mga anghel. Naglakabay ng matagal sa kalawakan ng daan. Pilit iwinawaglit ang isip sa mga pangyayaring mapait sa aking buhay. Hinahanap ang tunay na kasiyahan ng aking puso. Muli, isang rosas ang sa aking mga mata'y tumawag ng pansin. Hindi ko na naman  mapigilan ang aking sarili na sya'y lapitan at kuhanin. Nabighani na naman ako sa angkin nyang kagandahan at pikit mata kong sinunod ang aking damdamin. Tiniis ko ang sakit  na dulot ng mg tinik dahil sa ito'y aking kagustuhan. At muli, naradaman ko na naman ang kasiyahang matagal ng nawalala sa akin. Subalit.. subalit ito pala ay panandalian. HIndi ko na matiis ang tinik na nakatusok sa aking aking mga palad. Tinatalo ng sakit dulot ng tinik ang kasiyahang aking nararamdaman, hanggang sa hindi ko na kaya. Binatawan ko ang rosas na unti unting nalalanta. Hinayaang tangayin ng hangin ang natutuyong talutot nito kasabay ng pag-agos ng aking mga luhang hindi naman karapatdapat sa kanya.

Ngayon naglalakabay na naman ako sa kahabaan ng daan na hindi ko alam ang patutunguhan, minsan napadako sa hardin na puno ng matitinik na rosas. Mga rosas na nagbibigay ng kagandahan ng paligid pero hindi na ko magpapalinlang. Sapat na ang dalawang beses kong pagkasugat sa kanilang mga tinik. Pero parang may mali, hindi ko man sila kuhanin o lapitan subalit ako'y nasasaktan. Para bang ang kanilang mga tinik ay sumasama sa hangin na syang tumatama sa akin. Kakaibang sakit ang dulot nito kumpara sa aking naranasan. Ang mga rosas, kumakaway sa akin pero batid kong sila'y nagbabaitbaitan lamang.  Bakit nga ba ako nasa loob ng hardin na ito? Gusto kong lumabas.. ayaw ko na dito. Gusto ko ng bigyan ng laya ang aking isip at damdamin na mistulang ikiunukulong ng aking sarili na lalo pang kinakandaduhan ng hardin na itong aking nasumpungan.

Pansamantala akong nakalabas, nakalaya sa matitinik na rosas ng hardin na iyon, pansamantala dahil alam kong akoy babalik din  upang pawiin ang sakit na aking naramdaman doon. Patuloy ako sa paglakad, walang katapusang paglalakabay hanggang sa marating ang dulo ng daan. Isang napakalaking bahay pala ang nandito. Nagliliwanag na ilaw ang sa loob ay aking nabungaran. Sinuri kong mabuti ang bawat sulok ng kabahayan. Wala.. wala dito ang aking hinahanap. Wala dito ang aking kasiyahan at kapanatagan na hinahanap. Napakalaking bahay, sobrang liwanag ang dulot ng nagiisang ilaw sa may kaitaasan subalit huwad ang ligayang idinudulot sa sinumang pumasok dito.

Lumabas na ko ng bahay na iyon at sa hindi kalayuan ay nakatayo ang isang bahay kubo. Malakas ang hatak sa akin, ramdam ko ang nag-uumapaw na kaligayahan sa aking puso. Ito na siguro, ito na ang aking hinahanap. May pananabik kong pinasok ang bahay  na iyon at umaasang dito ko na matatagpuan. Sa loob, wala ni sang gamit kundi mesa lamang na pinagpapatungan ng isang kandila. Isang kandilang nagbibigay liwanag sa buong kabahayan. Aandap andap na liwanag na tila nagsasayaw sa saliw ng musika na dulot ng pag-ihip ng hangin. Hindi pala ako nag iisa, mula sa isang silid, lumabas ang talong anghel na nagpalibot sa mesa. Pinalibutan ang kandila upang hindi mamatay ang liwanag.

Dumaloy sa aking mga mata ang mainit at masaganang luha. Luha ng kasiyahan sa kadahilanang matagal ko na palang nasumpungan ang aking tunay na kaligayahan. Binulag lamang pala ako ng mga pangyayaring sa akin ay nagsamantala. Sa tagal ng aking paglalakbay para makita ang tunay na kaligayahan at kapanatagan ng damdamin  ay siyang tagal din pala ng aking  pagkalimot para sa aking sarili. Babalik na ako, ito na ang dulo ng daan. Tapos na ang aking paglalakabay.





*** Para sa'yo, alagaan mong mabuti ang iyong mga Anghel,  higit sa ano pa man,sila lang ang makakapagbigay sayo ng tunay na kasiyahan para sa iyong sarili. 










Biyernes, Abril 08, 2011

MOUSE GAME



open file... minimize... refresh... refresh... maximize... save file... close file.. refresh... refresh...


Matagal akong nakatitig sa aking monitor. 


open file... minimize... refresh... refresh... maximize... save file... close file.. refresh... refresh...


Wala... wala akong magawa sa kabila ng madami akong dapat gawin. Ewan ko, windang ang aking utak. Samut saring mga bagay ang pumapasok sa aking isip. Bahay, trabaho, blog, entry at kung ano ano pa.

Nitong mga nagdaang araw lamang ni hindi ko namalayan ang takbo ng oras. Ni hindi ako nakaramdam ng gutom sa aking pagkakaupo dito sa upuan dahil na din sa aking kagustuhang matapos ko agad ang nakaatas sa aking tungkulin. Magkanduduling man sa pagtingin ng mga numerong mistulang langgam na sa aking paningin, nagtatakbuhan at hindi ko alam pigilan. Pilit kong hinuli upang umabot sa takdang oras ang mga dokumentong kailangan kong maipasa. at sa bandang huli, hindi rin naman umabot... Nakakainis lang...

Ngayon tapos ko na gawin ang aking nakatakdang tungkulin, kailangan ko naman harapin ang nagtambak na dokumentong sa aking mesa ay nakapatong.


open file... minimize... refresh... refresh... maximize... save file... close file.. refresh... refresh...


Nakakatamad kumilos, Nakakaantok ang sikat ng araw sa labas. Tumingin ako sa aking relo.. mga isang minuto ko din tinitigan ang bawat paggalaw ng pinakamapayat na kamay. at pagkatapos, aking tinitigan ang relong nasa may pintuan ng aming opisina. Ganon din, isang minuto kong tintigan ang bawat galaw ng segundo.

Naiintindihan ko na. Sa aking pagmamasid sa bawat kamay ng aking relo, hindi naman nagbabago ang bilis ng kanyang pagikot. Mula pa noon hanggang ngayon, hindi bumabagal at hindi naman bumubilis.  Ang takbo ng buhay ng tao, yan ang bumibilis at yan din ang bumabagal. Kadalasan ko lang napapansin ang aking orasan sa sandaling tulad nito na hindi ko mahagilap ang aking isipan. Naiisip ko tuloy na mabagal ang takbo ng oras. Pero mali, wala lang ako magawa o tinatamad akong gumawa. Kabaligtaran nitong mga nagdaang araw na parang mauubusan ako ng oras. Pero mali, mabilis lang ang takbo ng aking buhay.

Hindi mauubos ang panahon subalit maaring may nasasayang na pagkakataon.

refresh.. refresh... open file... open file... open file...


 

workmode :)


Lunes, Abril 04, 2011

BAHAGHARI

Ang bawat talata na aking sinulat ay tumutukoy sa bawat kulay ng bahaghari


berbe


bughaw

dilaw


kahel


pula


lila


indigo

  
riyalisasyon ng isang taong nalulong sa droga o ipinagbabawal na gamot. 


Halina at ating basahin kasama ng iba pang mga kwento.....