Biyernes, Abril 20, 2012

SINUNGALING

May sikat pa ang araw ng hapong iyon ng mapansin kong muli sa Ka Isyong na naglalakad galing sa pulo. May nakasabit na itak sa kanyang baywang at may pasang sako na hindi ko alam ang laman. Pawisan sa suot na mantsahing kamiseta at buli na salakot.  Nakatambay lang ako sa harap ng tindahan ni Nanay, ugali ko na ito tuwing sasapit ang dapit hapon. Nagmamasid sa mga taong nagdadaan at pinagmamasdan ang mga batang naglalaro sa may kalsada sa amin. Pagtapat ni Ka Isyong sa akin ay agad ko siyang binati. 


Banjo: Ka Isyong, dumaan muna kayo at ng makapagkape.

Ka Isyong: Aba, sadyang ako ay dadaan muna at ng makapagpahinga pero utoy wag ka nang magtimpla ng kape. Tubig na laang ay ayos na.


Agad akong kumuha ng tubig na galing sa tapayan na maiinom ni Ka Isyong . Aking iniabot sabay tungga niya na akala mo iyon na kahulihang tubig sa mundo.


Banjo: Baka malulon nyo ang baso Ka Isyong, tatlo na lamang iyan natitira dito sa amin. (Pabiro kong sinabi sa kanya, sanay na siya sa aking kalokohan tuwing ganitong kami ay nagkakahunta)

Ka Isyong: Ay kaluko mo talaga utoy hahaha. Salamat dito sa tubig.

Banjo: Eh Ka Isyong, anaki'y marami na naman kayong napalaban na langgam na itim sa pulo. Pagod na pagod kayo eh. Tinanggalan nyo na naman ng sungay ang mga langgam ano ho?

Ka Isyong: Utoy, isang pares lamang ang pinaglaban ko hahaha. Kaluko mo talaga ano hahaha.


Sa loob ng tindahan ni Nanay nakabukas ang TV. Nakatutok sa balita tungkol sa "impeachment" ng punong mahistrado. Dahil na din sa aming huntahan at lakas ng tawa naming dalawa ni Ka Isyong kaya naman nilakasan ng kaunti  ni Nanay ang "volume" ng TV. Dinig namin hanggang sa harap ng tindahan. Ang naging palusot ng depensa sa akusasyong ibinabato sa akusado. Napansin kong nakatingin si Ka Isyong. Sa aking isip, alam kong maraming karanasan at alam sa buhay itong si Ka Isyong. Nag isip ako ng maaring itanong sa kanya na kanyang mabibigyang liwanag sa akin.


Banjo: Eh Ka Isyong, matanong ko lang ho. Bakit ho ba may taong sinungaling? Bakit ho ba ang tao ay nagagawang magsinungaling?

Ka Isyong: Aba eh utoy, hindi ko alam hehehe. Biro lamang, eh sige sasagutin kita. May iba't ibang dahilan kung bakit nagsisinungaling ang ibang tao. Hmmm pero ito ang aking nakikikta. Takot ang taong sinungaling, duwag sila utoy. Takot silang harapin ang maaring kahantungan ng kanilang ginawa. Gumawa sila ng pagkakamali pero ayaw nilang tanggapin ang responsibilidad para sa bagay na sila naman ang gumawa. Tinatakasan nila ang responsibilidad na iyon. Para makatakas eh nagsisinungaling sila. Oh diba karuwagan iyon ano utoy, walang itlog ang taong sinungaling. Kung meron man eh bugok naman hahaha.

Banjo: Ay oho nga, may punto kayo dyan.

Ka Isyong: Meron din naman sinungaling para lamang magpahamak ng iba. Ginagawan ng ikasisira ng isang tao ang isa pang tao kaya gumagawa ng kasinungalingan. Siguro utoy eh may galit sila sa taong iyon. O maari naman may inggit. Ibig sabihin lamang eh gusto nilang makapanlamang kaya sila nagsisinungaling. Sakit na nila iyan. Parang taliptip na sa balat na kahit na kasinglaki pa ng batya ang panghilod eh hindi na talaga maalis. hahaha.

Banjo: Hahaha,  yan ang gusto ko sa inyo Ka Isyong eh. Ang lawak ng pangunawa ninyo.  Kaya "idol" ko kayo eh. hahaha.

Ka Isyong: Kasinugaling nire hahaha. Pero Utoy, kung sakaling ikaw ay napapagbintangan sa bagay na hindi mo naman ginawa o di kaya eh biktima na kasinungalingan, dapat mong ipaglaban ang katotohan. Ipagsigawan mo sa harap ng mga nakakarinig na hindi ikaw ang gumawa niyon, kahit pa sa paanong tamang paraan eh ipamukha mo sa kanila na mali ang kanilang hinala sayo. Hindi dapat uminit ang ulo mo para makapag-isip ka ng iyong gagawin. At utoy, wag na wag mo ding gagawin ang kasungalingang iyan tulad ng kanilang ginawa sayo. At kung ikaw naman ay mangangako at hindi mo kayang tuparin, para mo na ding inamin na isa ka ngang sinungaling.

Banjo: Bakit naman ho? Syempre agrabyado ako kaya dapat akong gumanti. Suntukin ko na lang kaya o sipain sa mukha. Di po ba, yan ang dapat mapala ng taong sinungaling.

Ka Isyong: Utoy, ang taong sinungaling ay taong walang bait sa sarili. Kung tutusin eh sila naman ang unang biktima ng kanilang kasinungalingan. Kailangan muna nilang kumbinsihin ang sarili nila na tama ang kanilang ganiwa kahit pa maliwanag pa sa sikat ng araw na katarantaduhan  naman ito. Pilitin nilang paniwalaan ang kanilang mga sarili. Eh di bat kabaliwan iyon hahaha. Kung sisipain mo sa mukha utoy, para mo na ring inamin na  wala kang kwenta sapagkat ang taong sinungaling ay nakakaawa at talagang walang kwenta.

Banjo: Tama kayo Ka Isyong. Meron na naman akong natutuhan sa inyo eh. Kagaling ah.


Tumingin si Ka Isyong sa TV.Tapos na ang magandang balilta ng kasinungalingan.  Nilipat na ni Nanay sa ibang istasyon kung saan nagsasabunutan ang dalawang babae at nagpapalitan ng matatamis na salita sa isa't isa habang inaawat na mga maskuladong lalake. Ang host ng programa ay nasa gitna at napapasigaw sa silyang lumilipad sa harapan.  Napailing na lang si Ka Isyong tagpong iyon ng programa.


Ka Isyong: Hala Utoy, tapos na pala ang balita. Baka hanapin na naman ako ng Ka Sayong mo. Pihadong ako'y mabubungangaan na naman noon kapag dinidilim ako sa pulo.


Banjo: Sa huntahan ho kayo inabot ng dilim Ka Isyong hehehe. Sumabit na naman ang inyong nguso eh.

Ka Isyong: Kailangan pa bang malaman nya iyon. E di lalong nagarmalayt ang bibig non. Paminsan minsan utoy, kailangan nating maging bulaan hehehe.


Nakatingin ako kay Ka Isyong habang siya ay palayo. Mariing iniisip ang kanyang mga sinabi. Kung sakaling ako nga ay biktima ng isang kasinungalingan, hindi na ako mag hihintay ng “due time”. Hindi ako magiging duwag upang humarap sa katotohan. Tulad ng sabi ni Ka Isyong, patutunayan kong ang itlog ko ay tunay at hindi bugok lamang.




Sabado, Abril 14, 2012

ALAB NG DAMDAMIN



Unti unting dumidilim ang paligid. Ang mga huni ng ibon na kanina lamang ay parang malumanay na himig na iyong naririnig, di naglalaon ay humihina at napapalitan ng huni ng kuliglig. Nanunuot ang kilabot na nararamdaman sa tuwing sasapit ang gabi sa kadahilanang hindi maiwasan ang paglalabasan ng mga MALIGNO na lumalapastangan sa iyong angking kagandahan. 


Mapait na karanasang nag-iwan ng pilat na muli’t muling nasasanggi at nanariwa sa iyong kamalayan.


Pumapaimbulog  ang kapangyarihan ng bawat titik sa mga salita na nakalimbag sa mayaman mong PANITIKAN.  Ito lamang ang pamamaraan upang maipabatid at maihatid sa bawat HINUHA ng mga mangmang ang asal na dapat na siyang nangingibabaw, ang dugong siyang dapat na manalaytay sa ugat ay tunay at hindi mapanlinlang.


Nais mo lamang na wasakin ang LARAWAN na palagiang nagpapasakit sa balintataw mong umaapaw ang luha. Larawang nagdudulot ng pighati at kumikintal sa pagal mong pag-iisip. Nag-aalab ang damdamin sa bawat pagsilay ng liwanag sa dakong silangan. Haharap sa GALUNGGONG na nakahain sa hapag na siyang ibinabagay sa iyo samantalang hindi naman nararapat. Umaasang sa pagsilip ng dapit hapon magakakaron ng pagbabagong magaganap.


Humuhuni ang mga KULISAP sa dako pa roon, nagpapahiwatig lamang na malapit na naman ang sandaling iyong kinakatakutan. Subalit manhid na ang iyong kalooban sa palagiang paglapastangan. Sumisidhi ang iyong pagnanais na katapusan. Katapusan ng pananakop ng mga halimaw ang asal. At ang pagbangon ng katawan mong matagal ng nakahilig at nakayuko sa tuyong damuhan na iyong tinatapakan. 


Umaapaw ang kaalaman. Nakarating sa mangmang na pag-iisip ang kapangyarihang nakalimbag. Kaalaman na siyang bumubuhay sa dugong nananalatay sa bawat ugat ng nakamalas. Ang kaalaman na hinding hindi matatagpuan saan mang sulok ng SILID-AKLATAN. Simula na ng pagpapalaya sa damdaming uhaw sa kasarinlan.


Matagal na paghihirap ang pumipigil sa bawat sandali. Maraming dugo ang nadilig sa lupang ipinaglaban. Hindi naglumaon at nanaig ang damdaming nag-aalab. May ngiti sa labing sumasalubong sa bukang liwayway at ganun din sa kanyang pamamaalam. Bumukas ang pinto ng KAGAWARAN na matagal nang nakapinid sa mga itinuturing na mangmang. Ang bawat pananim upang may maihain sa hapag, umaani ng karangalan at ng paggalang. Kaysarap damhin.


At tumitingala na ang mga karatig sa iyo. Isang kahangahangang SARANGGOLA na malayang lumilipad sa kalawakan. Kasama ang mga BAYANI na iyong kinalulugdan.  Sumasalubong sa malakas na hangin o bagyo pa man. Hindi tumitiklop, may kisig at yabang habang pinagmamasdan. At payapang muling lalapag sa luntiang DAMUHAN.











*suporta sa "bagsik ng panitik" ng DAMUHAN