Miyerkules, Mayo 11, 2011

INAHING MANOK (repost & edited)

Krruuuukkk, krukkkk....

Narinig kong sigaw ni nanay, nanonood  ako ng Voltez V nung mga oras na un. kakadating ko lang galing eskwela. nalimutan ko, ako nga pala ang nakatoka na magpatuka ng manok kada hapon..tsk tsk. Bye Steve, bye little john, bye Big Bert.. Jamie bukas ulit, at Mark wag masyadong mafeeling. Paalam ko sa tropa sabay patay ng TV.

Nakatutuwang magpatuka ng manok na tagalog namin (native chicken) ang dami kasi, ang iba maiilap, ang iba mababait.. naglalapitan at tinutuka ang paa ko. Kada alas 5 ng hapon, nagitipun tipon sila sa likod bahay namin, oras na ng hapunan. Hawak ko ang palanggana ng kinukod na nyog na pagkain nila, yan ang alternative namin pag wala kami pambili ng mais.

Kruukkkk.. krukkk...

Ibinudbod ko ang kinudkod na niyog sa kawayang binyak na nakahilera na akala mo terminal ng bus ang pagkakaparada. Napansin ko ang isang inahin na may akay na mga sisiw na hindi bababa sa 18. Walang makalapit, pinoprotektahan ang sisiw habang sila ay kumakain.

Sabi ng akin ni Nanay, kita mo Banjo, paglaki ng mga sisiw na yan, iiwanan din nila ang kanilang ina. Hindi ko na inisip kung anong ibig nyang sabihin sa akin.


Matagal na panahon na din ang nakalipas. Bigla ko lang naalala. Tinanong ko ang aking ina.. Nasaan na ina ung inahin natin dati na may akay na maraming sisiw?

Nagkwento ang aking ina...

Anak, diba't iniwan na sya ng kanyang mga sisiw? Lam mo anak, sobrang bait ng ating inahin sa kanyang mga anak. Walang makalapit na kaaway, ano mang hayop ang lumapit sa kanila, aso, pusa, daga, kambing, hinarap nya ng buong tapang. Ayaw nyang may mawalay o may mapahamak na isa mang sisiw nya. Tinuruan nya ang kanyang mga anak na lumipad, tumalon sa puno, iwagayway ang pakpak. ano mang uod na makita ng ina, binibigay nya sa kanyang mga anak. Pero tulad ng sabi ko sayo, iniwan din ang ating inahin ng kanyang mga anak....

Nasaan ang ating inahin Ina.?... Ang aking ulit na tanong kay Ina

Yan anak nasa harapan mo na.. may sakit, lugmok sa kahirapan, hindi makabangon, nakaratay sa kanyang pugad. Anak nabanggit ko ba sayong nagbalikan ang kanyang mga sisiw noon pagkatapos ng mahabang panahon. Malalaking tandang at dumalaga na, may tikas at yabang. At alam mo ba kung saan sila galing, galing sila sa ibang pugad. Doon nila ginamit ang lahat ng kanilang natutunan.  At nang magbalik, hindi na nila kilala ang kanilang tunay na Ina. Nalimot na nila lahat ang kabutihang ginawa ng ating inahin para sa kanila. Wala tayong magagawa anak, hindi naman sistema pero yan ang kadalasang nangyayari sa kanila.

Tumahimik ako sandali.. Tiningnan ang aking ina, ngumiti sa akin..

Anak, alam mo bang may pangalan ang ating inahin?

PILIPINAS ang ngalan nya...






Martes, Mayo 10, 2011

ANG ROSAS AT ANG SAMPAGUITA



Bakasyon, abala ako sa pag pipili ng damong ligaw sa aming hardin ng ikaw ay dumating. Masaya kang bumati sa akin at pinuri ang aking mga tanim. Batid ko na sa likod ng kasiyahang iyan,may problema kang dinadala na nais mong ibahagi sa akin.

"Best, pede ka bang makausap. Abalahin muna kita sa ginagawa mo ha?"

"Sige lang best, sabihin mo lang habang ako'y nagpipili ng mga damo dito. Makikinig ako"


Tungkol pala ito sa manliligaw mo. Kay Eric, isang mayaman at gwapo nating kaklase sa kolehiyo. Nais mo na pala syang sagutin sa susunod na araw dahil na din sa kanyang pangungulit.   Humihingi ka ng permiso sa akin bilang pinakamatalik na kaibigan mo. Humihingi ka rin ng payo kung tama ang desisyon mong sasagutin mo na sya.

Kinakabahan ako sa maaring patunguhan ng ating usapan, maaring ako ay masaktan. Hindi mo alam ang aking nararamdamang matagal ko ng inililihim sayo, dahil sa pagsasaalang alang ng pagiging matalik nating magkaibigan, pinili ko na lang na ikaw ay mahalin ng lihim. Ayaw kong magbago ka sa akin kapag nalaman mong mahal pala kita. Masakit man sa akin ang maaring iyong maging sagot, lakas loob kong itinanong ang nararapat.

"Mahal mo na ba siya?"

Tumango ka lang sa aking katanungan, hudyat lamang ng pagsangayon. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Nalungkot ako bigla at iyon ay iyong naramdaman. Pero bilang iyong kaibigan. Ginawa ko pa din ang nararapat. Nagbigay ako ng payo sa pamamaraang hindi kita masasaktan. Sa pamamaraang hindi ako lalabas na kontra bida kay Eric.

"Ano best? Anong masasabi mo? Ikaw lang naman ang pakikinggan ko best kasi ikaw ang nakakakilala sa kanya."


Sa katotohanan lamang, ayaw ko sa lalaking nanliligaw sayo, hindi sa dahilang masakit sa akin at magseselos lang ako kundi sa dahilang ayaw kitang masaktan. Lingid sa iyong kaalaman, lihim din naman ako nagmamasid sa kanya para sa iyong kapakinabangan. Marami akong nakitang negatibong ugali na tiyak na ikakasakit mo lamang. Pero ganon pa man, ayaw kong magsalita ng negatibo tungkol sa kanya. Ang nais ko sana, ikaw ang makakita.

Niyaya kitang tumayo at nagpunta tayo sa lugar ng hardin na madaming bulaklak. Pinili kong tumapat sa mga rosas na nasa tabihan ng sampaguita. Tinanong kita kung anong higit na mas maganda sa dalawa. Mabilis mong sinagot ang rosas. Batid kong iyon ang iyong isasagot dahil tunay naman talagang kabighabighani ang kanyang kagandahan. Samantalang ang sampaguita, simple lamang, mistulang alipin ng rosas sa kanilang kinalalagyan. Inutusan kitang kumuha ng sampaguita.

"Ang bango nito, ang sarap amuyin"

"Oo best, ang samaguitang iyan ay simple lamang. Maliit at halos hindi pinapansin. Tulad kanina, hindi mo nakita ang kanyang kahalagahan dahil nakatutok ang iyong mata sa rosas na nasa kanyang tabihan."


Inutusan naman kitang kumuha ng Rosas, nakangiti ka pang lumapit at may pananabik sayong mga mata. Hawak mo pa lang ang tangkay ng ikaw ay nagulat at napasigaw sa sakit. Nakita kong nagdurugo ang iyong kamay sanhi ng pagkakatusok ng kanyang mga tinik.

"Aray, best ang sakit naman, may dugo oh!"

"Best, ang bawat bulaklak dito sa hardin ay may kanikanyang katangian. Hindi lahat ng ating nakikita na maganda ay dapat nating hangaan. Madalas dinadaya tayo ng ating paningin. Ang akala mong makakapagpaligaya sayo ay sya din palang magbibigay sayo ng sakit na mararamdaman.  Gaya ng sampaguita at rosas na yan.  Nakita mo na ang kanilang pagkakaiba diba? Yan lang ang aking masasabi sayo. Best, sana nakatulong ako sa pagdedesisyon mo at sori kung nasugatan ka"

Pumikit ka ng ilang sandali at sa iyong pagmulat ngumiti ka sa akin

"Best, maraming salamat.. Bestfriend talaga kita.. payakap nga."

Yumakap ka pa sa akin. At batid kong ito na ang huling yakap na mararamdaman ko sayo. Nakapagdesisyon ka na. Masakit man na hindi mo man lang itinanong sa akin kung sino ang sampaguitang sinasabi ko, masakit man dahil kitang kita ang pananabik mo sa pagkuha ng rosas na syang alam kong pinili mo, masakit man pero pinili kong maging maligaya at masaya sa harap mo.

Dalawang linggo ang matuling lumipas at wala na kong balita tungkol sayo, ni text na kahit simleng hi ay hindi mo man lang nagawa. Siguro dahil busy ka na sa iyong nobyo.  Mas pinili kong manatili sa loob ng bahay kesa makita kang masaya habang kapiling sya. Oo na bitter na kung bitter.
 
Abala ako sa pagdidilig ng halaman ng may narinig akong tumatawag sa akin. Hindi ako maaring magkamali na iyong boses ang aking narinig. Subalit kahit san ako bumaling ng tingin ay hindi kita makita. Aking napansin ang rosas na tila mayabang sa pagkakatindig at ang sampaguitang maliit na animoy alipin lamang ng rosas na iyon. Muli naramdaman ko na naman ang kalungkutan.

"Batid kong ang rosas ay malalanta din subalit umuukilkil sa isipan ng bawat makakakita nito ang angkin nyang kagandahan. Darating ang panahong ang bawat talutot nito'y ililipad ng hangin, tanda ng pagkalagas ng kanyang panahon subalit darating din muli ang araw na ang rosas ay muling sisilay upang magbigay ng magandang tanawin.. subalit..... subalit hinding hindi mawawala ang kanyang tinik."

Napalingon ako sa mahabang litanya na nagmula sa aking likuran. Malalim na pananalita na galing sa boses na tumatawag sakin kanina.

"Ang sampaguita, ordinaryong tumutubo sa kung saan bagaman at maliit, itoy lumilipas din.. subalit hinding hindi mawawala ang kanyang halimuyak na nagbibigay ng sigla sa akin. Ang kanyang amoy na hindi lamang sa ilong nanunuot kundi pati sa aking damdamin. Ang sampaguitang tahimik at hindi nagsasabi ng damdamin."

"Best?"....

"Oo best... dalawang linggo akong nag-isip at sinuri ang aking damdamin... ikaw... ikaw ang sampaguitang magbibigay ng ligaya sa akin.."





*** Sinulat ko po ito para sana sa aking entry sa TKJ May issue. Subalit hindi ko na naipasa dahil sa hindi inaasahang pangyayari sa akin. Nagkasakit po ang Tambay at sumailalim po sa isang medical procedure sa isang ospital sa Lipa Batangas noong nakaraang dalawang linggo. Paumanhin po sa aking biglang pagkawala sa Blogsphere. BOW...