Martes, Agosto 21, 2012

SA AKING PANAGINIP






Umiihip ang hangin, humahampas sa makinis mong katawan. Isinasayaw ang mga punong luntian. Inililipad ang mga tuyong dahon patungo sa kung saan. Kay inam pagmasdan, ang babaeng iyon na nakatayo sa gitna ng kaparangan. Ang babaeng aking iniibig. Ang babaeng pumukaw ng aking kamalayan.

Matagal ng panahon ang nakalipas subalit sariwa pa sa aking alaala ang lahat. Ang iyong mga ngiting nagpapaligaya ng aking buong maghapon. Ang maamo mong mukha na hindi nawawaglit sa aking paningin. Paano nga ba tayo nagkakilala? Ahhh.. oo nga pala. Napukaw ang ating interes sa isang kwentong pareho nating sinubaybayan, nagsakasalubong tayo sa lugar ng siyang may akda niyon. Doon tayo nagsimula, hindi inaasahang sisibol ang damdaming alam nating mali subalit hindi natin nagawang pigilan. Marahil noon lamang natin naramdaman ang kakaibang damdaming nagbigay ng kulay sa mundong ating tinatahak. Alam nating walang patutunguhan kundi sakit. Matinding sakit na katumbas ng ating nararamdamang kasiyahan.

Milya ang sa atin ay nakapagitan subalit hindi naging sagabal upang ating pagsaluhan ang tamis ng pag-ibig. Magkasama nating inakyat ang hagdanan patungo sa kaitaasan, sa dulo hawak kamay nating nilipad ang kalawakan, nakapailalim sa atin ang daigdig. Pinagmamasdan ang pag inog nito.  Sabay din tayong babalik upang magpaalam sa isa't isa at magbibitiw ng pangakong magkikita muli kinabukasan. Ulila sa magdamag at dinig ang bawat pitik ng orasan. Hindi maiwasan ang pangamba, samu't saring panghihinayang ang sumasagi sa aking isip subalit nanaig ang  pananabik na muli kang masilayan.

Paulit ulit, hindi na mabilang ang dahong nalagas ng panahon. At dumating pangyayaring alam naman nating s'yang ating patutunguhan subalit hindi natin inaasahan sa kadahilanang atin na lamang na hinayaan. Masakit. Napakasakit.

Hindi natin magagawang takasan ang riyalidad sa pamamagitan lamang ng ating panaginip. Babalik at babalik tayo sa katotohanang hindi tayo para sa isa't isa. Aking tinanggap ang aking kamalian. Alam nating ito talaga ang nararapat subalit ganon pa man, hindi ko pinagsisihan ang mga pangyayari.

Maraming salamat sa masasayang alaala.

Aakyat muli ako sa hagdanan at pagdating sa dulo lilipad ako sa kalawakan at papailalim muli sa akin ang daigdig.  Doon lamang kita masisilayan at makakapiling na muli. Doon lamang... sa aking panaginip.