Sabado, Disyembre 17, 2011

IKAW





Matagal na panahon na din ng ikaw ay isilang. Nabuhay sa isipan ng bawat isa ang iyong kagandahan. Mapang-akit, sariwa, kagandahang hindi nasasaling ng sino man. Noon, nabubuhay kang simple, masagana ang lupa.. maraming ani. Matagal ding panahon ganito ang uri ng iyong pamumuhay, simple at tahimik. Hanggang sa may naligaw at sayo ay gumambala. Likas sa iyo ang pagiging magalang at masayahin, kasiyahan para sa iyo ang may bisitang dumating. Malugod mo siyang tinanggap sa iyong bakuran.

Tinanong nya ang iyong pangalan ngunit wala kang maisagot. Inosente ang iyong dating. Kaya naman sya ang nagbigay ng iyong pangalan. At dito ka muling isinilang. Kasabay ng bago mong pagsilang ay ang pagtanggap sa kultura at sistema ng iyong naging panauhin, at ang pagsilang din sa isipan ng nakararami ng iyong pananampalataya.

Nagkaron ka ng pagbabago, nagkaron ng pagunlad sa iyong nasasakupan. Pero hindi lahat ng iyong nasasakupan ay nadala nito. Hindi tanggap ng iba ang sistemang sayo ay dumating. Nanatili sa sariling paniniwala at simpleng buhay.

Dumating ang panahong nagmamamalabis ang iyong naging panauhin. Ang kanyang naging pagbisita ay naging pagsakop. At ito ay iyong nakikita. Gumawa ka ng paraan upang mapalayas ang naging bisita. Dumanak ang dugo sa iyong nasasakupan. Sa bandang huli, nagtagumpay ka at nagkaron ng kalayaan. Subalit sa matagal na ding panahon pananatili ng dayuhan. Nahirapan kang tanggalin ang kanyang sistema dahil na din sa ito'y iyong nakasanayan.

Mahabang panahon pa ang sa iyo'y lumipas. Maunlad ang iyong kabuhayan, nasasaiyo ang kagandahang kinaiingitan ng iyong mga karatig. Malaya ang ibong lumilipad sa himpapawid. Umaawit.. sumisipol ang hangin. Bagama't may bakas pa ng mga dayuhan sa iyong lupain, mas pinili mo na lang na ito ay payabungin, pagyamanin at diniligan na parang punong ang nais mo ay mamulaklak at humitk ang bunga. Naging matagumpay ang pagsisikap at muli, kuminang na naman ang iyong kagandahan. Nangaakit ng mga matang hindi umaalis ang titig sa angkin mong kagandahan. Hanggang may muling bumisita sa iyong bakuran.

Nakakabigla ang pangyayari sa kadahilanang walang pagiimbot na kalapastanganan. Ang naging panauhin pala ay mga palalo at nagnanais an angkinin ang iyong yaman. Unti unti, nasasakop ang iyong mga lupain ng mga palalong dayuhan. Hindi mo ito pinabayaan, muling dumanak ang dugo sa iyong nasasakupan. Marami na ang nabuwis ng buhay, marami na ang pasakit na iyong pinagdaanan sa pagtatangol sa iyong nasasakupan. Hirap, pagod, luha, dugo ang nadilig sa bawat lupaing pinagaabutan. Nananaig ang mananakop subalit ganunpaman nanantili kang nakatayo upang iyong ipaglaban ang karapatan. Hangang sa dumating ang tulong mula sa ibang bayan. Matagal ang naging laban, umabot sa puso ng sinomang nakasaksi. At sa huli, nanaig ang kabutihan.

Nagsimula kang muling bumangon. Sa tulong na din ng iyong tagapagtanggol, muli mong binuo ang nasirang pangarap ng iyong lupain. Nabuhay ang isang ugnayan sa pagitan ng nagtanggol sa iyo. Ninais nilang sa lupain mo sila ay manatili at iyo itong sinangayunan. 

Matagal  ng panahon na sila ay nasa iyong poder at nakikita ng marami ang impluwensya ng kanyang sistema. Naging ugat ng hidwaan ng isa't isa. Ang kanilang pananatili ay nagkakaron ng ibang layunin, na tulad din ng naunang dalawa na iyong naging panauhin. Dahil sa iyong naging mapait na karanasan kaya naman ang pagsiklab muli ng panibagong karahasan ay iyong napigilan. Nagkaron ng kasunduan at hindi nagtagal ikaw ay kanilang nilisan.

Kalayaan.. ang matagal ng inaasam. Iyong nakamit sa loob ng mahabang panahon. Marami ang nagbunyi, marami ang nagdiwang. Sa pamamagitan ng pagkakaisa, iyo muli itong nakamtan.


Matagal ng panahon na ang nakalipas at lahat ng pangyayaring ito sa iyo ay iyong napagtagumpayang lampasan. Madami ang nagbago, iniukit ang lahat ng mga kasaysayan. Kasaysayan na sana ay dapat mong binabalikan. Takot ka bang masanggi muli ang pilat na dulot ng sugat ng nakaraan? Takot ka bang muli itong magdugo at magdulot ng panibagong sakit? Mali kung sakaling oo ang sagot mo, nararapat lang na itoy balikan at kunin ang aral subalit hindi ang pait na dulot nito sayo.

Tila nag iba ang ihip ng hangin sa iyong bakuran. Nawala ang sipol nito. Ang lipad ng mga ibon ay nasa iisang direksyon na lamang. Nagmamadali na tila may tinatakasan. Bakit ganon ang nangyari? Pagkatapos ng lahat ng iyong pakikipaglaban para sa iyong nasasakupan, sa karapatan ng mga itong mabuhay na malaya na matagumpay mong nakamit. Bakit mistula kang nakakulong sa kaguluhan. Nagkaron na hindi pagkakaunawaan sa iyong bakuran. Hindi pantay pantay na trato sa isa't isa ang iyong nasusumpungan. Eto ngayon at lumuluha ka para sa kanila, luha ng kalungkutan, luha ng pasakit, luha ng dalawang matang walang kapagurang nakatanaw sa kanilang kaligtasan.

Marami ang umaalis at silang nagiging dayuhan sa ibang lugar. Namumuhunan ng dugo at pawis para sa iyong kapakinabangan. Dahil hindi na nila makita ang sa'yo ay dapat na masumpungan. Kinakalangan pa bang sa kanilang pagbabalik ay dalhin sa iyo ang pagbabago? Bakit hindi naman subukan mong baguhin ang sarili mo para naman sa kanila.

Nakabibighani pa din ang iyong kagandahan. Hindi nawawaglit sa isipan ng mga dayuhan ang iyong kinang. Subalit ito ay sa kadiliman na lang..

Ikaw pa din ang hinahangaan ko. Hindi magbabago sapagkat ito ang nais ko. Ikaw ang dahilan kaya nandito ako. Sumusulat ako para sayo...