Sabado, Hunyo 16, 2012

HALIGI





May paparating na bagyo ayon sa balita na narinig ko sa transistor radio na nakapatong mesa. Malakas di umano at binabalaan ang lahat na maghanda para sa pananalanta nito. Paparating ang bagyo dalawang araw mula ngayon. Agad tinapos ni Tatay ang pag-inom ng kape at lumabas ng aming kubo. Pinagmasdan ko ang ginagawa ni Tatay. Sinusuri nya ang bawat bahagi ng aming bahay kubo na iyon mula sahig, haligi, dinging na kawayan, hanggang sa bubong na pawid na pinatungan lang ng segunda manong yero. Si inay naman ay nagwawalis ng paligid.

Pinagmasdan ko ang paligid at muli, nakita ko na naman ang naglalakihan at naggagandahang bahay sa di kalayuan sa amin. Nakatirik kasi ang aming kubo malapit sa isang sabdibisyon sa aming probinsya. Sa aking sarili, naisip ko na napakaswerte ng mga nakatira sa ganong bahay. Hindi nangangamba sa unos na dumarating.

"Oh anak, anong tinutunganga mo diyan? Si tatay pala na hindi ko namalayan na lumapit sa akin.

"Tay, may bagyo na naman kasi, naisip ko lang na swerte ang mga nakatira sa bahay na yon kasi hindi na sila mangangamba sa paparating na bagyo."

"Bakit anak? kinakabahan ka ba na baka magiba ang bahay natin?" may ngiti na tanong ni Tatay sa akin.

"Tay, malakas ang bagyo ayon sa balita, kinakabahan po ako"

"Anak, wag kang kabahan ilang unos na din ang ating pinagdaanan at kelan man hindi bumigay ang ating bahay, magtiwala ka sa Tatay mo anak" Si Nanay pala na nasa likod na namin. .


Isang gabi ng biglang bumuhos ang malakas na ulan na may kasamang malakas na hangin. Ito na ang bagyong ibinalita sa radyo. Pinagmasdan ko ang kandila sa gitna ng aming mesa na isinasayaw ng hangin. Sa mumunting liwanag, nakita ko ang aking mga magulang na nakatingin din sa akin, nakangiti na tila sinasabing wag akong mangamba sa mangyayari. Ni hindi ko nabanaagan sa kanila ang pagkabahala. Subalit ramdam kong malapit ng magiba ang aming bahay.

Maaliwalas na ang panahon ng ako ay magising kinabukasan. Agad akong lumabas ng bahay pinagmasdan ang paligid. Halos manlumo ako sa aking nakita, malaki ang pinsalang dulot ng bagyong nagdaan. Maraming bahay ang mga nasira. Maraming puno ang nabuwal. Maraming pananim ang nasalanta. Si tatay, abala sa pagkukumpuni ng bahagi ng aming bahay na nasira.

"Pagmasdan mong mabuti ang iyong Tatay anak. Tulad ng bahay natin, gaano man kalakas ang unos na dumating, hindi sumusuko, hindi natitinag at bagamat nasisira sa lakas ng hangin nanatili pa rin itong nakatayo para sa kaligtasan natin. Yan ang tatay mo anak" Si nanay na hindi ko na naman namalayan na nasa aking tabi na pala.

Tumingin muli ako sa aking paligid at natanaw ko na naman ang mga kabahayan sa sabdibisyon na iyon at napa isip ako ng malalim. Tumingin ako kay nanay na nakamasid sa akin. At si tatay, papalapit sa amin, pawisan man subalit hindi mababakas sa mukha ang pagod, nakangiti s’ya na sa amin ay nakatingin.







Miyerkules, Hunyo 06, 2012

KM3: Tinig (Pagniniig, Ningas at Pagsilang)




“Ohhhh  mahal ko,sabik na sabik na ako.”


“Damhin mo ang init ng aking pagmamahal mahal ko.”


“Ohhhh...”


“Ihatid mo ako sa rurok ng kaligayahan”


“ahhhhh…”




Mga pigil  na tinig at matatamis na ungol at daing ang nagpagising sa aking natutulog na isipan noong gabing yaon. Ang pagniniig na iyon noong gabi, pagkatapos ay katahimikan. Hindi libog ang aking naramdaman, subalit sabik akong nakinig sa kanilang pagtatalik. Nararamdaman kong may namumuong mainit na damdamin sa aking katauhan. Ito na ang simula. 

Matagal ding namahay sa akin ang kadiliman ng gabi, sa pagsapit naman ng araw ay ang pag-ulan. At tulad ng pagbubukang-liwayway, ang dilim, ang lamig at ang katahimikan ang bumubuo sa aking kamalayan. Nais kong may makinig sa akin, iyong ako ay mauunawaan. Subalit walang tinig na lumalabas sa aking bibig. Tanging palahaw lamang at hikbi ang naririnig sa akin sapagkat  makapangyarihan ang tinig na syang nangingibabaw. Tinig na huwad at namumutawi sa bibig ng iisa lamang. Ito ang tinig na gumagapos ng aking mga kamay at pilit ikinikintal sa aking isipan. 

Nabuo ang sanggol sa sinapupunan ng ina. Hindi ko pa  masasabing naging tagumpay ang libog ng pagniniig na iyon. Mahabang panahon pa ng pagbubuntis ang kailangang tiisin at pangalagaan. Alam ko, magiging piping saksi ako hirap ng pagdadalantao. May mga panganib na maaring humadlang sa pagsilang ng sanggol na matagal ko ng hinihintay. Gusto kong masaksihan ang katapusan at kamatayan ng delubyong aking kalagayan at ang panibagong simula upang ako ay makapagsalita at maunawaan.

Ilang dahon pa ang nalagas sa matandang punong iyon, dahon  ng pighati at kasakiman  na iinihahampas ng hangin sa aking katauhan.

 At sumapit ang araw ng pagsilang. Marubdob ang damdaming nag-aalab sa simula pa lamang ng pagniniig.  Matinding unos man ang humadlang at nagtangkang kitilin ang apoy subalit patuloy lamang ito sa pagningas.  Umapaw ang luha ng mga nakasaksi sa pagluluwal ng pagbabago. Luha ng masidhing kaligayahan ang aking namalas. 

Demokrasya, ito ang aking tinig. Mula sa maalab na pagniniig, nagningas hanggang sa masalimuot na pagsilang. Tinig na nagbubuklod  para sa malayang kamalayan ng bawat isa. Tinig ng bayan na nasa ating kapakinabangan.