Biyernes, Abril 20, 2012

SINUNGALING

May sikat pa ang araw ng hapong iyon ng mapansin kong muli sa Ka Isyong na naglalakad galing sa pulo. May nakasabit na itak sa kanyang baywang at may pasang sako na hindi ko alam ang laman. Pawisan sa suot na mantsahing kamiseta at buli na salakot.  Nakatambay lang ako sa harap ng tindahan ni Nanay, ugali ko na ito tuwing sasapit ang dapit hapon. Nagmamasid sa mga taong nagdadaan at pinagmamasdan ang mga batang naglalaro sa may kalsada sa amin. Pagtapat ni Ka Isyong sa akin ay agad ko siyang binati. 


Banjo: Ka Isyong, dumaan muna kayo at ng makapagkape.

Ka Isyong: Aba, sadyang ako ay dadaan muna at ng makapagpahinga pero utoy wag ka nang magtimpla ng kape. Tubig na laang ay ayos na.


Agad akong kumuha ng tubig na galing sa tapayan na maiinom ni Ka Isyong . Aking iniabot sabay tungga niya na akala mo iyon na kahulihang tubig sa mundo.


Banjo: Baka malulon nyo ang baso Ka Isyong, tatlo na lamang iyan natitira dito sa amin. (Pabiro kong sinabi sa kanya, sanay na siya sa aking kalokohan tuwing ganitong kami ay nagkakahunta)

Ka Isyong: Ay kaluko mo talaga utoy hahaha. Salamat dito sa tubig.

Banjo: Eh Ka Isyong, anaki'y marami na naman kayong napalaban na langgam na itim sa pulo. Pagod na pagod kayo eh. Tinanggalan nyo na naman ng sungay ang mga langgam ano ho?

Ka Isyong: Utoy, isang pares lamang ang pinaglaban ko hahaha. Kaluko mo talaga ano hahaha.


Sa loob ng tindahan ni Nanay nakabukas ang TV. Nakatutok sa balita tungkol sa "impeachment" ng punong mahistrado. Dahil na din sa aming huntahan at lakas ng tawa naming dalawa ni Ka Isyong kaya naman nilakasan ng kaunti  ni Nanay ang "volume" ng TV. Dinig namin hanggang sa harap ng tindahan. Ang naging palusot ng depensa sa akusasyong ibinabato sa akusado. Napansin kong nakatingin si Ka Isyong. Sa aking isip, alam kong maraming karanasan at alam sa buhay itong si Ka Isyong. Nag isip ako ng maaring itanong sa kanya na kanyang mabibigyang liwanag sa akin.


Banjo: Eh Ka Isyong, matanong ko lang ho. Bakit ho ba may taong sinungaling? Bakit ho ba ang tao ay nagagawang magsinungaling?

Ka Isyong: Aba eh utoy, hindi ko alam hehehe. Biro lamang, eh sige sasagutin kita. May iba't ibang dahilan kung bakit nagsisinungaling ang ibang tao. Hmmm pero ito ang aking nakikikta. Takot ang taong sinungaling, duwag sila utoy. Takot silang harapin ang maaring kahantungan ng kanilang ginawa. Gumawa sila ng pagkakamali pero ayaw nilang tanggapin ang responsibilidad para sa bagay na sila naman ang gumawa. Tinatakasan nila ang responsibilidad na iyon. Para makatakas eh nagsisinungaling sila. Oh diba karuwagan iyon ano utoy, walang itlog ang taong sinungaling. Kung meron man eh bugok naman hahaha.

Banjo: Ay oho nga, may punto kayo dyan.

Ka Isyong: Meron din naman sinungaling para lamang magpahamak ng iba. Ginagawan ng ikasisira ng isang tao ang isa pang tao kaya gumagawa ng kasinungalingan. Siguro utoy eh may galit sila sa taong iyon. O maari naman may inggit. Ibig sabihin lamang eh gusto nilang makapanlamang kaya sila nagsisinungaling. Sakit na nila iyan. Parang taliptip na sa balat na kahit na kasinglaki pa ng batya ang panghilod eh hindi na talaga maalis. hahaha.

Banjo: Hahaha,  yan ang gusto ko sa inyo Ka Isyong eh. Ang lawak ng pangunawa ninyo.  Kaya "idol" ko kayo eh. hahaha.

Ka Isyong: Kasinugaling nire hahaha. Pero Utoy, kung sakaling ikaw ay napapagbintangan sa bagay na hindi mo naman ginawa o di kaya eh biktima na kasinungalingan, dapat mong ipaglaban ang katotohan. Ipagsigawan mo sa harap ng mga nakakarinig na hindi ikaw ang gumawa niyon, kahit pa sa paanong tamang paraan eh ipamukha mo sa kanila na mali ang kanilang hinala sayo. Hindi dapat uminit ang ulo mo para makapag-isip ka ng iyong gagawin. At utoy, wag na wag mo ding gagawin ang kasungalingang iyan tulad ng kanilang ginawa sayo. At kung ikaw naman ay mangangako at hindi mo kayang tuparin, para mo na ding inamin na isa ka ngang sinungaling.

Banjo: Bakit naman ho? Syempre agrabyado ako kaya dapat akong gumanti. Suntukin ko na lang kaya o sipain sa mukha. Di po ba, yan ang dapat mapala ng taong sinungaling.

Ka Isyong: Utoy, ang taong sinungaling ay taong walang bait sa sarili. Kung tutusin eh sila naman ang unang biktima ng kanilang kasinungalingan. Kailangan muna nilang kumbinsihin ang sarili nila na tama ang kanilang ganiwa kahit pa maliwanag pa sa sikat ng araw na katarantaduhan  naman ito. Pilitin nilang paniwalaan ang kanilang mga sarili. Eh di bat kabaliwan iyon hahaha. Kung sisipain mo sa mukha utoy, para mo na ring inamin na  wala kang kwenta sapagkat ang taong sinungaling ay nakakaawa at talagang walang kwenta.

Banjo: Tama kayo Ka Isyong. Meron na naman akong natutuhan sa inyo eh. Kagaling ah.


Tumingin si Ka Isyong sa TV.Tapos na ang magandang balilta ng kasinungalingan.  Nilipat na ni Nanay sa ibang istasyon kung saan nagsasabunutan ang dalawang babae at nagpapalitan ng matatamis na salita sa isa't isa habang inaawat na mga maskuladong lalake. Ang host ng programa ay nasa gitna at napapasigaw sa silyang lumilipad sa harapan.  Napailing na lang si Ka Isyong tagpong iyon ng programa.


Ka Isyong: Hala Utoy, tapos na pala ang balita. Baka hanapin na naman ako ng Ka Sayong mo. Pihadong ako'y mabubungangaan na naman noon kapag dinidilim ako sa pulo.


Banjo: Sa huntahan ho kayo inabot ng dilim Ka Isyong hehehe. Sumabit na naman ang inyong nguso eh.

Ka Isyong: Kailangan pa bang malaman nya iyon. E di lalong nagarmalayt ang bibig non. Paminsan minsan utoy, kailangan nating maging bulaan hehehe.


Nakatingin ako kay Ka Isyong habang siya ay palayo. Mariing iniisip ang kanyang mga sinabi. Kung sakaling ako nga ay biktima ng isang kasinungalingan, hindi na ako mag hihintay ng “due time”. Hindi ako magiging duwag upang humarap sa katotohan. Tulad ng sabi ni Ka Isyong, patutunayan kong ang itlog ko ay tunay at hindi bugok lamang.




25 komento:

  1. repost?nabasa ko na to dati dito ah

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. hi po ate. hindi po repost.. ung nabasa nyo eh ung my title na "bata, bata masakit ang madapa kung saan si Ka Isyong din ang kausap ni Banjo"

      maraming salamat po :)

      Burahin
  2. repost ba? so nalagpasan ko to dati. lahat ng sulat mo maganda ang pagkakalikha

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. sir bino, hindi po repost. ayun explain ko na kay ate jaid.

      muli po maraming salamat :)

      magandang araw :)

      Burahin
  3. Tunay kang tagalog Sir Banjo. Nahahasa ang tagalog ko sa mga sulat mo..hehe

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. salamat sir akoni... tagalog ang salitang bihasa ako eh hehehe

      Burahin
  4. Hi Istambay,
    baka naman pwede mo akong pakilala kay Ka Isyong. gusto ko din siyang makahuntahan. :-) nice post.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. pede po, tambay ka sa tindahan ni nanay, madalas siyang dumaan doon.. :)

      gandang araw sayo

      Burahin
  5. natuwa ako sa itlog na tunay at hindi bugok, angaling ng pagkagamit!

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. salamat sir.. matapang sanang humarap sa katotohanan :)

      Burahin
  6. at tunay na nga ang iyong pagbabalik kukakoy! ako'y nagagalak :) Akala ko din repost, pero di ko naaninag yung tagpo ng mga bata na katulad dun sa dati mong ikinwento. Anyway...

    kung tutusin eh sila naman ang unang biktima ng kanilang kasinungalingan. Tama ka diyan, isang malaking check, parang "sinong niloko mo kundi sarili mo". Natamaan ako sa mga isinulat mo. Kasi biktima at suspek din ako ng mapgiging sinungaling. hehe.

    Natawa ako dun sa nilipatang estasyon sa tv, hahaha face to face. Kagaling mo talaga kuyakoy! kudos!

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. atekoy, salamat po..

      sana tuloy tuloy na muli akong makapag sulat.. :)

      Burahin
  7. madami ngang dahilan ang pagiging sinungaling.may kanya kanyang gamit.may mabigat at may magaan laang na pagsisiningaling...ang pagsisinungaling ang nagpapahamak din sa ating mga sarili...

    TumugonBurahin
  8. May nagbubulaan para takpan ang katotohanan. Minsan maganda ang pagbubulaan kung maganda ang hangarin, minsan naman..likas lamang talaga tayong bulaan.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. walang taong hindi bulaan.. mabasa sana ni CJ ito hehehe

      salamat sir jkul

      Burahin
  9. parang repost or ano parang sequel ata to.. hehehe pero boss galing mo talagang managalog parin... daming kung words na ginamitan ng translator.. hahah ako na...

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. parang ginaya ko lang ang usapan dati ni banjo at ka isyong (bata bata masakit ang madapa)

      magandang araw po at salamat sir kiko :)

      Burahin
  10. basta minsan kailangan magsinungaling para sa ikabubuti ng isang tao o ng nagsinungaling....

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. minsan lang sir tumatama.. may pinoprotektahan.. kung sarili lang un ang mali...

      salamat po sir arvin

      Burahin
  11. Batangueno ba si Ka Isyong? :)

    Interesting dahil pati pala ang mga tao sa probinsya e napupukaw din ang interes sa nangyayari sa pulitika. I agree with Ka Isyong, ang mga taong sinungaling ay mga taong walang bait sa sarili. Kung tutuusin, bata pa lang tayo alam na natin yung cliche na 'liars go to hell." May mga tao sigurong mas gustong mapunta sa hell kaya bet na bet nilang mag-sinungaling.

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. caviteño po sir..

      inaabangan ko dati ang hearing ng kaso ni CJ.. gusto kong lumutang ang katotohanan..

      ngayon, hangga't hindi sya nagsasalita sa harap ng impeachment trial eh sinungaling pa din sya.. dapat na syang humarap.. may betlog nga bugok naman...

      maraming salamat po

      Burahin
  12. ang galing. Kahanga-hanga ang words of wisdom ni ka isyong. Idol ko na sya. At ang sumulat, ikaw yun, galing mo mag tagalog. kakaaliw basahin. :) salamat sa pag dalaw mo sa blog ko. sensya na kung tagalan bisitahin ka. :)

    TumugonBurahin
  13. ay pahabol. tungkol sa pag sisinungaling- wala talagang maidudulot na mabuti yan. kaya nga lang may mga pagkakataon na di maiiwasang mag sinungaling lalo pa may nais tayong protektahan. pero mukang sa huli mali pa rin, dahil sa bawat kasinungalingan, maaring may taong o mga taong masasaktan. Bow!

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. salamat po mayen.. totoo ang binanggit mo...

      salamat pong muli sa inyong pagdalaw.. ako'y nagagalak.. :)

      Burahin