Huwebes, Oktubre 27, 2011

LUHA




Isang kaharian ang nakatayo sa malayong lupalop ng mundo. Malawak ang lupaing nasasakupan, masagana ang ani ng bawat mamamayan dito. Malakas ang pwersa ng Hari at dahil na din sa kagitingan nito kaya naman marami na din silang nasakop na iba pang kaharian.

Hindi inaasahan, nagkaroon ng karamdaman ang hari. Mahiwaga ang karamdaman ng Hari. Ilang manggamot na din ang sumuri sa kanya subalit ni isa man ay walang makasagot kung ano ba talaga ang sakit ng Hari at ang gamot para dito. Hanggang sa isang albularyo ang dumating at naghatol na ang makakapagpagaling lang sa sakit ng hari ay ang awit ng ibong adarna. Hinuli ang ang albularyo at napagkamalang espiya sa kadahilanang ang awit ng ibong adarna ay ginamit na ng kanilang katunggaling kaharian.

Naratay ang Hari at hindi na makabangon. Isang matandang ermitanyo ang inimbitahan sa kaharian upang sumuri sa kalagayan ng Hari. Isang sumpa ang tinamo ng hari at ang tanging mkakalunas lang dito ay ang Luha mula sa Reyna ng kalaban nilang kaharian. Agad na bumuo ng hukbo ang anak ng hari upang lumusob sa kanilang katunggali at hulihin ang Reyna nito. Dahil sa malakas ang kanilang pwersa, hindi rin nagtagal at nasakop nila ang kaharian ng Reyna. Nagbunyi ang kaharian sapagkat alam nilang malapit na ang paggaling ng Hari.

Ang panganay na anak ng Hari ang unang humarap sa Reyna. Isang patak ng luha lang mula sa mga mata ng Reyna ay sapat na upang muling manumbalik ang kakisigan ng Hari subalit matigas ang Reyna, hindi umiiyak kahit anong gawin sa kanya. Iginapos ang reyna, sinaktan, sinampal para lamang mapaluha ito subalit talagang walang lumalabas na luha mula sa mga mata.

Hindi nagawa ng panganay na prinsipe na mapaluha ang Reyna kaya naman ang pangalawang anak ng Hari naman ang humarap dito. Umisip ng paraan kung paanong gagawin, naiisip nyang malambot ang puso ng Reyna kaya naman sinabi nya ditong papatayin lahat ng kanyang mamamayan at susunugin ang mga kabahayan ng kanyang nasasakupan. At dahil dito tumulo ang luha ng Reyna.

Dali daling ipinainom ang Luha sa hari. Dumilat ang kanyang mga mata, tumayo mula sa higaan at naglakad. Agad na nagbunyi ang kaharian, nagsaya ang mga kawal at ang nasasakupan sa muling paggaling ng Hari. Subalit isang araw lang ang lumipas, muling naratay ang Hari dahil sa pagbalik ng kanyang karamdaman. Dahil sa pangyayari, hinuli ng mga kawal ang ermitanyong sumuri dito at pinatay. Muling nanangis ang Reyna ng kalabang kaharian sa kanyan nalaman. Tunay ngang walang puso ang mga kawal dito.

Malungkot ang buong kaharian dahil sa muling pagkakaratay ng kanilang Hari. Wala na silang magagawa kaya iminungkahi ng lang ng bunsong anak ng Hari na palayaain na lang ang Reyna. Kasabay ng pagpapalaya dito ay ang muling pagbabalik ng lupain na kanilang sinakop. Humingi ng pamumanhin ang bunso sa Reyna na kanilang binihag at kaharian na kanilang sinakop. Nagawa lamang nila iyon dahil sa pagmamahal sa kanilang ama. Pero bago pa palayain ang Reyna, gumawa na ng unang hakbang ang bunsong anak ng hari upang muling manumbalik ang kaayusan at kabuhayan ng kaharian ng Reyna.

Sa loob ng maikling panahon na pagkakabihag ng Reyna, wala na siyang balita sa kanyang kaharian kaya ganon na lang ang kaniyang pag-aalala. Kaya sa araw ng kanyang paglaya, sinamahan siya ng tatlong prinsipe na anak ng hari sa kanyang pagbabalik sa kanyang kaharian. Ganon na lamang ang gulat ng Reyna sapagkat maayos at mistulang walang digmaang naganap sa kanyang kaharian. Bagkus mas lalo pang naging maayos ang mga lupain nito. Tuwang tuwa ang mga tao sa kanyang pagbabalik. Nagbunyi ang lahat ng mamamayan nito. Mainit ang pagtanggap ng mga tao sa pagbabalik ng kanilang Reyna.

Sabik na sabik na niyakap ng Reyna ang mga mamamayan ng kanyang kaharian. Umaapaw ang pagmamahal ng mga tao sa kanilang Reyna at nasaksihan ito ng tatlong prinsipe. Ganon pa man, walang bahid ng galit ang makikita mga mata ng tao para sa mga ito. Ipinangako ng tatlong prinsipe na tutulong ang kanilang kaharian para sa kaayusan at seguridad ng kahariang ito. Sa malayo, nakikita nila na masayang masaya ang Reyna. At nakita din nilang tumutulo ang luha nito. Gustuhin man nilang kunin ang luha subalit hindi na nila ginawa. Umalis na ang tatlong prinsipe upang umuwi na sa kanilang ama.

Malayo pa lamang, naririnig na nila ang ingay sa kanilang palasyo kaya ganon na lang ang kanilang pagmamadaling umuwi. Sa bungad pa lamang nakita nila ang pagsasaya ng mga tao at sa itaas ng palasyo nakita nila ang kanilang ama na nakangiti at kumakaway sa mga ito. Matikas ang Hari at parang hindi dinapuan ng mahiwagang karamdaman. Nagyakap ang magkakapatid at dun nila napatunayan na tama ang hatol ng ermitanyo.

Luha ng Reyna ang makakapagpagaling sa kanilang ama. Hindi luha ng kulungkutan at pighati kundi luha ng pagmamahal at kasiyahan.







Miyerkules, Oktubre 12, 2011

PULUBI: MULING PAGTATAGPO

nauna: PULUBI

Inabot na ako ng dilim sa biyahe galing ng Maynila. Pagod at init ang inabot ko maghapon sa paghaharap ng trabaho. Sakay ng bus na hindi aircon, hindi ko na din namalayan na napaidlip na din ako. Dahil na din sa inip sa nadaanan naming trapik. Tapik sa balikat ang nagpabalik ng aking kamalayan. Malapit na pala akong bumaba at isang kanto na lamang pala ang layo.

Pagbaba ko pa lamang, nagtataka ako kung bakit maraming tao sa may labasan sa amin. Oo nga pala, umpisa na nga pala ng kampanya ng eleksyon para sa magiging mayor ng ng aming bayan.  Tumambay muna ko sa may labasan sa amin at nakikain ng isaw sa may tabi ng tindahan ng tinapay. Nakipagbolahan muna sa dalagang nagtitinda na panay ang pa cute sa bawat guwapong nadaan. Nakiusyoso sa mga papeleta ng mga kandidatong konsehal, bise mayor at mayor. Maya maya pa, bumaba din ng isang bus na humimpil sa kantong ito ang tatlong babaeng aking nakita kaninang umaga lang. Ganon pa din, parang hindi magkakasama sa eskwela. Walang puknat ang malalanding usapan tungkol sa kanilang pag ibig.

"Uy friend, may isaw o.. gusto n'yo hihihi" ang sambit ng isa, sabay sabay na napatingin sa akin habang kagat kagat ko ang isaw na nasa sitck pa.

"Iwwwww... excuse me friend, kayo na lang no.. hindi ko carry yan iwww" ang singkaran ng arteng sagot ng isa.

"Look at that guy, he is so cute pa naman hihihi" sabi pa ng isa sabay tilos ng nguso paturo sa akin. Nagtatawanan pa sila habang palayo.

Sa isip isip ko, ang laki talaga ng impluwensya ng ibang lahi sa atin.. maari naman mag-usap sa sariling salita, ano bang meron sa wikang iyon?.. bigla ko naalala ang pulubi kanina na kausap ko. Sinulyapan ko ang waiting shed sa kabilang kalsada. Hindi ako nagkamali, nandoon ang pulubing kanina pa umaga gala ng gala. Tumawid ako ng kalsada papunta sa kanya. Nanlilisik pa din ang tingin sa akin ng pulubi. Kumuha ako ng yosi sabay sindi. Hitit buga  sa loob ng shed na malapit sa pulubi.

"Bakit ka nandito?" tanong sa'kin ng pulubi

"Gusto lang kitang kamustahin, ikaw bakit nandito ka pa?"

"Ang sabi mo kanina bago ka umalis, na sana mabubuti na ang pamumuhay ko sa muli nating pagtatagpo, sa tingin mo ba mabuti na ang kalagayan ko?"

"Oo, iyon ang sabi ko, pero di ko matiis na hindi kita kamustahin kahit na ano pa ang kalagayan mo. Gusto kong baguhin ang sinusulat ko ngayon. Habang naguusap tayo, gusto kong magkaron ng pagbabago ng tungkol sa iyo kahit sa panulat lamang."

"Yan ang sabi mo kanina diba? Nandito tayo sa blog mo at ikaw ang gumagawa ng kuwento ko, ngayon magagawa mo bang baguhin ang kwento ko sa ganito kong kalagayan? Nakita mo naman siguro ang grupo ng mga tao sa kabilang kalsada. Naghahanda sila sa eleksyon. Panigurado, matatamis na pangako na naman ang maririnig ko. At kayo naman ang magpapaloko sa kanila. Yan ang hirap, kayo ang gumagawa ng kamalian at ako naman ang nagdurusa"

Natahimik ako sa sinabi ng pulubi, sapul sa aking kalooban ang sinabi. Ramdam ko ang paghihirap ng kanyan kalooban sa nangyayari sa kanya.

"Ang mabuti pa umalis ka na, ayaw kong nandito ka sa tabi ko habang ganito ang aking kalagayan. Paniguradong pulos negatibo ang makikita ng magbabasa ng ginagawa mong kwento ko. Bumalik ka na lamang kapag alam mo na ayos ang pamumuhay ko."

"Mabuti pa nga, pero teka bakit may nakataling tanikala sa iyong paa, sino ang may gawa n'yan sa iyo"?

"Tanga ka ba? akala ko ba kilala mo ako, kung kilala mo ako, alam mo dapat ang nangyayari sa kin diba? alam mo kung sino ang gumapos sa akin ng tanikalang ito at alam mo din kung ano ang tanikalang ito?"
 
"Ay s'ya, alam ko na. Sige, ingatan mo ang sarili mo"

"Mali ka, ingatan n'yo dapat ako para sa sarili n'yo at sana sa susunod na muling tayo ay magkausap, hindi na sana ako isang pulubi sa paningin mo."

"Teka, hindi ka naman pulubi sa paningin ko, bakit ko naman makikita iyon sa iyo? Nagmimistula ka lang pulubi dahil sa kalagayan mo. Nanlilimos ka ng tulong sa iyong mga kapit bahay gayong kayang kaya mo naman iahon ang sarili mo sa kalagayang iyan"

"Oo kaya ko nga pero hindi ko hawak ang aking sarili. Sige na, umalis ka na at hayaan mo na lang ako dito. Baka sakali na sa muli nating pagkikita eh may pagbabago na kahit papaano... sana"