Miyerkules, Oktubre 12, 2011

PULUBI: MULING PAGTATAGPO

nauna: PULUBI

Inabot na ako ng dilim sa biyahe galing ng Maynila. Pagod at init ang inabot ko maghapon sa paghaharap ng trabaho. Sakay ng bus na hindi aircon, hindi ko na din namalayan na napaidlip na din ako. Dahil na din sa inip sa nadaanan naming trapik. Tapik sa balikat ang nagpabalik ng aking kamalayan. Malapit na pala akong bumaba at isang kanto na lamang pala ang layo.

Pagbaba ko pa lamang, nagtataka ako kung bakit maraming tao sa may labasan sa amin. Oo nga pala, umpisa na nga pala ng kampanya ng eleksyon para sa magiging mayor ng ng aming bayan.  Tumambay muna ko sa may labasan sa amin at nakikain ng isaw sa may tabi ng tindahan ng tinapay. Nakipagbolahan muna sa dalagang nagtitinda na panay ang pa cute sa bawat guwapong nadaan. Nakiusyoso sa mga papeleta ng mga kandidatong konsehal, bise mayor at mayor. Maya maya pa, bumaba din ng isang bus na humimpil sa kantong ito ang tatlong babaeng aking nakita kaninang umaga lang. Ganon pa din, parang hindi magkakasama sa eskwela. Walang puknat ang malalanding usapan tungkol sa kanilang pag ibig.

"Uy friend, may isaw o.. gusto n'yo hihihi" ang sambit ng isa, sabay sabay na napatingin sa akin habang kagat kagat ko ang isaw na nasa sitck pa.

"Iwwwww... excuse me friend, kayo na lang no.. hindi ko carry yan iwww" ang singkaran ng arteng sagot ng isa.

"Look at that guy, he is so cute pa naman hihihi" sabi pa ng isa sabay tilos ng nguso paturo sa akin. Nagtatawanan pa sila habang palayo.

Sa isip isip ko, ang laki talaga ng impluwensya ng ibang lahi sa atin.. maari naman mag-usap sa sariling salita, ano bang meron sa wikang iyon?.. bigla ko naalala ang pulubi kanina na kausap ko. Sinulyapan ko ang waiting shed sa kabilang kalsada. Hindi ako nagkamali, nandoon ang pulubing kanina pa umaga gala ng gala. Tumawid ako ng kalsada papunta sa kanya. Nanlilisik pa din ang tingin sa akin ng pulubi. Kumuha ako ng yosi sabay sindi. Hitit buga  sa loob ng shed na malapit sa pulubi.

"Bakit ka nandito?" tanong sa'kin ng pulubi

"Gusto lang kitang kamustahin, ikaw bakit nandito ka pa?"

"Ang sabi mo kanina bago ka umalis, na sana mabubuti na ang pamumuhay ko sa muli nating pagtatagpo, sa tingin mo ba mabuti na ang kalagayan ko?"

"Oo, iyon ang sabi ko, pero di ko matiis na hindi kita kamustahin kahit na ano pa ang kalagayan mo. Gusto kong baguhin ang sinusulat ko ngayon. Habang naguusap tayo, gusto kong magkaron ng pagbabago ng tungkol sa iyo kahit sa panulat lamang."

"Yan ang sabi mo kanina diba? Nandito tayo sa blog mo at ikaw ang gumagawa ng kuwento ko, ngayon magagawa mo bang baguhin ang kwento ko sa ganito kong kalagayan? Nakita mo naman siguro ang grupo ng mga tao sa kabilang kalsada. Naghahanda sila sa eleksyon. Panigurado, matatamis na pangako na naman ang maririnig ko. At kayo naman ang magpapaloko sa kanila. Yan ang hirap, kayo ang gumagawa ng kamalian at ako naman ang nagdurusa"

Natahimik ako sa sinabi ng pulubi, sapul sa aking kalooban ang sinabi. Ramdam ko ang paghihirap ng kanyan kalooban sa nangyayari sa kanya.

"Ang mabuti pa umalis ka na, ayaw kong nandito ka sa tabi ko habang ganito ang aking kalagayan. Paniguradong pulos negatibo ang makikita ng magbabasa ng ginagawa mong kwento ko. Bumalik ka na lamang kapag alam mo na ayos ang pamumuhay ko."

"Mabuti pa nga, pero teka bakit may nakataling tanikala sa iyong paa, sino ang may gawa n'yan sa iyo"?

"Tanga ka ba? akala ko ba kilala mo ako, kung kilala mo ako, alam mo dapat ang nangyayari sa kin diba? alam mo kung sino ang gumapos sa akin ng tanikalang ito at alam mo din kung ano ang tanikalang ito?"
 
"Ay s'ya, alam ko na. Sige, ingatan mo ang sarili mo"

"Mali ka, ingatan n'yo dapat ako para sa sarili n'yo at sana sa susunod na muling tayo ay magkausap, hindi na sana ako isang pulubi sa paningin mo."

"Teka, hindi ka naman pulubi sa paningin ko, bakit ko naman makikita iyon sa iyo? Nagmimistula ka lang pulubi dahil sa kalagayan mo. Nanlilimos ka ng tulong sa iyong mga kapit bahay gayong kayang kaya mo naman iahon ang sarili mo sa kalagayang iyan"

"Oo kaya ko nga pero hindi ko hawak ang aking sarili. Sige na, umalis ka na at hayaan mo na lang ako dito. Baka sakali na sa muli nating pagkikita eh may pagbabago na kahit papaano... sana"










9 (na) komento:

  1. sa wakas may karugtong na. iba ka pa ring magsulat istambay. hangang hanga ako sayo promise.

    TumugonBurahin
  2. wow kung di ko pa talaga diniinan ng pag-intindi di ko tlaga magets... ganda talaga ng mga likha mo pre :)

    TumugonBurahin
  3. parang nabisita na kita dati, nagbago ka ata ng design sa blog mo. marahil marami ka pang wento..now ko lang nbabasa eh. Yung iba, marami na rin sigurong nkabasa pero ko ngayon plang. Kaya iistambay na rin ako dito para maki tsismis. hehe..thanks.

    http://mitchlists.blogspot.com/

    TumugonBurahin
  4. nagets ko din to..

    ang paguusap ni banjo at nang inang pilipinas?:)

    sana nga hindi na umasa ang pulubi iyan sa kanyang kapitbahay...

    at naniniwalaa ako na kaya niyang umunlad sa sarili niya.sa tulong ng mga taong nakaapak sa kanya...sana nga...


    ang galing!

    TumugonBurahin
  5. ang ganda kung paanong napaghalo ang metapor at parables pati yung real life na kwento sa kwentong ito. ang dukhang naghihintay sa waiting shed, ang mga pangako, ang iilang nakaaangat na kung ganun na lang humamak na ang batayan ay ang laman ng bulsa, ang isinusubo sa bibig maging ang lumalabas na wika.

    mahusay na likha,sir banjo. makamasa't makabansang akda na naman na hindi mahirap lunukin.

    TumugonBurahin
  6. Sir, sobrang hindi ka hamak na "istambay" kung mag-isip, laging may laman at kabuluhan. Go!

    TumugonBurahin