Miyerkules, Setyembre 28, 2011

SI IKOY AT ANG KANYANG MGA LARUAN







Si Ikoy ay isang masunuring bata. Nag-iisang anak ng kanyang mga magulang kaya ganon na lang ang hilig nya sa mga laruan. Pero dahil sa mahirap lang ang kanilang pamilya, kuntento na siya sa mga laruang pinaglumaan ng kanyang mga kaklase. Minsan naman sa daan paguwi nya galing eskwela, kapag may nakikita syang sira sirang laruan sa lansangan, kanya itong pinupulot, nililinis at inaayos muli. O kaya naman kapag may itatapon ng laruan ang kanyang mga kaklase, kanya na lang itong hinihingi. Sa ganong paraan sya nakaipon ng maraming laruan.

Isang araw na walang pasok sa eskwela habang naglalaro si Ikoy sa loob ng kanilang bakuran, isang bata ang napansin nyang nanonood sa kanya. Medyo dusdusin ang bata at may hawak na sampaguita. Nakasilip ang bata sa bakod na tila nananaghili sa kanya kaya kanya itong nilapitan.

"Hi Bata, gusto mo bang maglaro? Halika, dito tayo sa loob. Pasok ka para makapaglaro tayo"

"Sige, kanina pa nga kita pinapanood. Natutuwa kasi akong pagmasdan ka, kinakausap mo ang iyong mga laruan na parang bata din"

"Ano nga pala ang pangalan mo?"

"Ako si Lino"

"Ako naman si Ikoy. Tara na dito sa loob"

Masayang naglalaro ang dalawang bata. Kitang kita sa kanilang mga mata ang kasiyahan. Minsan lang magkaron si Ikoy ng makakalaro kaya ganon na lang ang kanyang tuwa. Ipinagmalaki nya ang kanyang mga laruan kay Lino.

"Sya nga pala Lino, ito si Andy at yun naman ang kanyang kabayo. Kilala mo ba sila?"

"Ah may pangalan pala ang iyong mga laruan"

"Oo, binibigyan ko ng pangalan sila. At yang hawak mo, sya si Peter."

Isinama pa ni Ikoy sa loob ng kanyang kwarto, doon nakita ni Lino ang maraming laruan, halata ang kalumaan ng mga ito at halatang inayos lang. Pero nakita din ni Lino kung gaano kasinop si Ikoy at kung gaano nya kamahal ang mga ito.

"May isa pa kong laruan na hindi ko pa naipapakilala sayo, siya si Optimus Prime. Yung sa tranformer. Pinag-iipunan ko pa kasi, kita mo ba yun tibuyo ko na iyon? malapit na iyong mapuno at mabibili ko na din siya. Kung sakali, siya pa lang ang unang laruan na mabibili ko." excited na sabi ni Ikoy.

"Ikoy, uuwi na ako. Baka hinahanap na ko sa amin. At ilalako ko pa nga pala itong sampaguita"

"Ganon ba, sige kelan ka ulit balik dito?"

"Hindi ko alam Ikoy pero may ibibigay ako sayo"

Mula sa likuran ni Lino, Isang kahon ang lumabas sa kanyang mga kamay. Iniaabot nya ito kay Ikoy.

"Uy marunong kang mag magic, ano ito?"

"Dahil sa iyong kabaitan, ibibigay ko ang kahon na ito. May magic ang kahon na iyan. Ang bawat laruan na ilagay mo diyan ay magkakaron ng buhay. Sa ganon magkakaron ka na ng kalaro dito. Wag kang mag-alala, ang bawat laruan na mabubuhay ay susunod sa utos mo. At bago mag alas sais ng gabi. Babalik ulit sila sa dati. Mabubuhay ulit sila kapag inilagay mo sila sa kahon na ito. Ikaw lang ikoy ang makakakita sa kanila habang sila ay may buhay, sa mata ng iba, ordinaryo lang silang laruan."

"Ha, totoo ba iyon? Salamat dito Lino. Iingatan kong mabuti ito"

Isang ngiti lamang ang naging tugon ni Lino at umalis na ito. Tiningnan ni Ikoy ang loob ng kahon at sa kanyang pag taas ng kanyang mga mata, hindi na niya makita si Lino. Hinanap niya ito pero hindi na niya makita. Kumamot na lang si Ikoy sabay pasok sa kanyang kwarto.  Sinubukan niyang maglagay ng isang laruan sa loob ng kahon. Ganon na lang ang kanyang pagkagulat dahil totoo ang lahat ng sinabi ni Lino.

"Anak, labas ka na dyan at kakain na tayo ng tanghalian."

"Opo inay, sususunod na po." kinakabahang sagot ni IKoy.

 "Oy, ikaw wag kang lalabas dito ha. Dito ka lang sa loob ng kwarto ha"

Tumango lang ang laruan tanda ng pagsangayon. Tuwang tuwa si Ikoy. Inilihim nya ito sa kanyang mga magulang.

Mula noon, sa loob ng kwarto naglalaro si Ikoy kasama ng kanyang mga laruan. Tuwang tuwa sya habang pinagmamasdan ang mga ito. Sinusunod naman ng mga ito ang bawat sabihin ni Ikoy. Tuwing hapon paglabas niya sa eskwela at pagkatapos niyang gumawa ng aralin, binubuhay niya ang mga laruan upang makipaglaro sa kanya. Ganun palagi ang eksena.

Isang araw na walang pasok sa eskwela, naisipan ni Ikoy na gumawa ng isang maliit na hardin sa likod ng kanilang bahay. Nagtanim sya ng maliit na halaman, gumawa na din siya ng maliliit na bahay. Halos maghapon na din niyang ginawa iyon. Mistulang maliit na pamayanan ng matapos. Para ito sa kanyang mga laruan, inisip nyang mas magiging masaya ang mga ito kung parang tao din sila na nabubuhay. Isa isa niyang inilagay sa loob ng mahiwagang kahon ang mga laruan.

 Tuwang tuwa si Ikoy habang pinagmamasdan ang mga laruan sa hardin na iyon. Yung isang pilay na laruan, tinutulungan ng iba. Yung iba naman gumagawa ng sarili nilang bahay. May naghahabulan, may naglalaro. May tumatambling, yung hayop na laruan, inaalagaan naman ng iba. Sobra ang saya ni Ikoy, maging ang kanyang mga laruan ay mayroong pagkakaisa.'’

Tuwing umaga bago pumasok sa eskwela, binubuhay niya ang mga laruan at iniiwan sa hardin. Binibilinan pa lagi niya na laging magtutulungan sa kanilang gawain. Hanggang isang araw ng ginabi siya ng pag-uwi dahil pinuntahan sya ng kanyang Ina sa eskwela para isama sa pamamasyal, nadatnan niyang sira sira ang kanyang maliit na hardin. At dahil lampas na ng alas sais ng gabi, nagkalat  din ang kanyang mga laruan. Ang iba, sira sira... may tanggal ang paa, may nakasabit sa halaman. May madumi, may nakabaon sa lupa. Nagtataka si Ikoy sa nangyari, wala namang hayop sa kanilang paligid kaya imposibleng may pumasok na  hayop doon at guluhin ang kaniyang hardin. Napakamot na lang si Ikoy at isa isa na niyang pinulot ang mga laruan.

Ginawa nya ulit ang Hardin para sa kanyang maga laruan kinabukasan Binuhay niya muli ang mga ito para maglaro sa hardin. Pagkalagay niya ng mga ito, nagulat sya sa kanyang nakikita. Nag-aaway away ang mga laruan. May nagsusuntukan, may nagsisipaan. Kanya kanya ng takbuhan. May sumisira ng bahay, may nagbubunot ng halaman.

“Anong nangyayari sa inyo? Bakit kayo nag-aaway away. Bakit kayo hindi nagkakasundo"

Umiiyak si Ikoy habang pinagmamasdan ang mga laruan. Subalit hindi naman nakikinig ang mga ito. Hindi alam ni Ikoy ang kanyang gagawin. Lalo pa syang nasaktan ng makita niya ang mga itong halos magpatayan. Hindi nakayanan ni Ikoy ang nasasaksihan kaya pumasok siya sa loob ng bahay at dumiretso sa kwarto. Doon sya umiyak ng umiyak. Mahal nya ang kanyang mga laruan, kaya naman kanya itong binuhay upang malaya silang makapaglaro. Nang sumapit ang gabi,kanyang pinulot isa isa ang mga nagkalat na laruan sa kanyang hardin. Nilinis niya ang mga ito at dinala muli sa kwarto Napatingin si Ikoy sa kanyang tibuyo, agad nya itong kinuha at binasag. Isa lang ang nasa isip ni Ikoy.

May bagong laruan si Ikoy, si Optimus Prime. Binili nya ito para sa iba pa nyang mga laruan. Upang siyang magbantay sa mga ito sa loob ng hardin. Isang araw bago pumasok sa eskwela, iniwan niya sa hardin ang mga laruan. Binuhay niya ang mga ito at binilinan.

"Mga mahal kong laruan, ibalik nyo sa dati ang hardin natin ha. Ayusin nyo ito, para din naman sa inyo yan eh. At ito nga pala si Optimus Prime. Sya ang magbabantay sa inyo. Dapat wag na muli kayo mag away away ha. At ikaw Optimus Prime, ikaw na ang bahala sa kanila ha pero wag mo silang sasaktan"

Sabay sabay na nagtanguan ang mga laruan at sumaludo pa si Optimus Prime.

Pag-uwi ni Ikoy, ganon na lamang  ang kanyang lungkot ng kanyang masaksihan ang ginagawa ng mga laruan sa loob ng hardin. Nagaaway away muli. Mas lalong nasaktan si Ikoy ng makita nya si Optimus Prime na nakabitin sa isang halaman at pinamamato ng ibang laruan. Tumako si Ikoy sa loob ng bahay at kinuha ang mahiwagang kahon.

"Binigyan ko kayo ng isang pagkakataon, ayoko sanang gawin ito sa inyo"

Sinira ni Ikoy ang kahon at isa isang nawalan ng buhay ang mga laruan. Umiyak si Ikoy, nalungkot sa nangyari. Pero dahil mahal nya ang mga ito, isa isa nyang pinulot at itinabi na lang sa kanyang kwarto. Lumabas ng bahay si Ikoy at doon sa bakuran nakita nya muling naka silip si Lino na agad niya naman nilapitan.

"Lino, bakit ganon sila? Sa kabila ng kabaitan ko, sa kabila ng pagmamahal ko sa kanila, bakit hindi nila pinahalaghahan ang mga ginawa ko. Pati si Optimus Prime na pinag-ipunan ko para sa kanila, nagawa nilang sirain... Hu hu hu...  Eto nga pala ang kahon, sinira ko na para tumgil na sila sa kanilang pag-aaway" Umiiyak na sumbong ni Ikoy.

"Ikoy, tama ang ginawa mong pagsira sa kahon, iyon lamang ang paraan para sila ay tumigil.”

“Pasensya ka na Lino. Pati ang mahiwagang kahon na binigay mo sa akin, hindi ko na naingatan. Ayaw ko nang buhayin pa ang aking mga laruan, wala silang utang na loob. Pero hindi ako galit sa kanila ha. Nalungkot lang talaga ako sa nangyari.”

“Ang mahiwagang kahon na binigay ko sayo ay may ibig sabihin. Nakita mo na kung ano ang tunay na nangyayari sa atin. Ikoy, ang mga laruan bagamat binigyan mo ng buhay, hindi pa rin nila pagaari ang kanilang mga sarili. Tayong mga tao ay ganon din. Hiram lang natin ang ating buhay at hindi natin ito pag aari. Kaya dapat pahalagahan natin at mabuhay tayo para sa mas mabuti.”

"Ha, anong sinasabi mo Lino?" Tanong ni Ikoy habang nagkakamot ng ulo.

“Ang mga laruan, ang munting hardin, ang mahiwagang kahon, si Optimus Prime at Ikaw. Ang aking mga binanggit ay mga simbolismo lamang ng tunay na nangyayari.”

“Hindi kita maintindihan Lino”

Ngumiti lang si Lino, at sa ngiting iyon sumilay din ang ngiti ng nalilitong si Ikoy…







***
Likhang lahok para sa kategoryang "Kwentong Pambata" ng SARANGGOLA BLOG AWARDS

SARANGGOLA BLOG AWARDS

19 (na) komento:

  1. nakakaaliw, parang toy story lang... si Andy at ang kanyang kabayo... :)

    good luck sa SBA

    TumugonBurahin
  2. gusto ko din sana magsumiti ng kwento sa sa SBA, kaso hindi pambata mga kwento ko...hehe..kaya wag nalang..LOL

    TumugonBurahin
  3. ganda ng storyang to. dapat gumawa ka pa ng marami, tapos mag-publish ka ng libro.

    TumugonBurahin
  4. gustong gusto ko mga kwento mo istambay.
    try mo kayang magsubmit ng script sa wansapanataym?
    bilib ako sayo.

    TumugonBurahin
  5. ang galing hehehe...
    parang wansapanataym lang hehe

    goodluck dito banjo!

    TumugonBurahin
  6. panalo to! pag hindi to nanalo sa SBA ewan ko na lang. :D

    TumugonBurahin
  7. bongang bonga ang istoryang to.. palong palo!!!

    TumugonBurahin
  8. medyo nagulumihanan me ng slight sa dulo pero parang nagets ko message. hahaha, ang gulo ko :p

    TumugonBurahin
  9. Pagpapahalaga. Yun minsang mga maliliit na bagay sa ating paligid, o mga maliliit na pangyayari sa buhay natin na hindi natin pinapansin, hindi natin nabibigyan ng halaga, yun pala ung mga bagay na importante, "vital" ika nga. Wag sana tayong makalimot magpaminsan.

    Magandang istorya. Goodluck muli!

    TwistedFates

    TumugonBurahin
  10. ah marami pala akong kalaban hehe..
    gudluck kuya

    TumugonBurahin
  11. ganda po... mahilig din po ako magpangalan ng mga laruan ko dati, pero hanggang ngayon dala-dala ko pa rin yung ugaling yun, halos lahat ng gamit ko may pangalan... hehehe weird ba?, pero wapakels... good luck po sana manalo po ikaw, pero actually andami mo na pong award ha?.. infairness ayaw mong mangulekta ng awards hahaha...

    TumugonBurahin
  12. tol banjo, bagamat 'di ako religious na tao, kitang kita sa akda ang paghahambing ng mga laruan sa tao at ang naging ugnayan niya sa kapwa at sa diyos.

    ito ay isang totoong parabula na nangyayari, sa kagustuhan ng bawat laruan na pagharian ang hardin at pangibabawan ang kapwa laruan, lagi't laging magkakagulo. kahit si optimus prime na sobrang napakahalaga para kay ikoy, nabalewala.

    mahusay ka talaga. may laman lagi lahat ng sinusulat mo.

    TumugonBurahin
  13. Pa-deep si Lino... LOL. Akala ko ang simbolismo eh si Ikoy ang Diyos at ang mga laruan ang nilikha nyang tao...

    TumugonBurahin
  14. WAH! GRABE. :)) NAPAISTAMBAY ULIT SA IYONH PAHINA. AT NAMANGHA AKO DUN SA STORY.galing! hands down ako :))

    TumugonBurahin
  15. 2 thumps up sa iyong napaka meaningful na story..salbahing mga laruan yan! binu-bully pa nila si optimus prime!!!

    TumugonBurahin
  16. Gusto mo ba ng online work?
    Earn while you enjoy time with your Family & Lovedones!
    Email me: tirada_uno_23@yahoo.com / tiradauno@gmail.com / n.helphelphelp@gmail.com
    Contact Number: 09465046302
    For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/

    TumugonBurahin