Huwebes, Oktubre 27, 2011

LUHA




Isang kaharian ang nakatayo sa malayong lupalop ng mundo. Malawak ang lupaing nasasakupan, masagana ang ani ng bawat mamamayan dito. Malakas ang pwersa ng Hari at dahil na din sa kagitingan nito kaya naman marami na din silang nasakop na iba pang kaharian.

Hindi inaasahan, nagkaroon ng karamdaman ang hari. Mahiwaga ang karamdaman ng Hari. Ilang manggamot na din ang sumuri sa kanya subalit ni isa man ay walang makasagot kung ano ba talaga ang sakit ng Hari at ang gamot para dito. Hanggang sa isang albularyo ang dumating at naghatol na ang makakapagpagaling lang sa sakit ng hari ay ang awit ng ibong adarna. Hinuli ang ang albularyo at napagkamalang espiya sa kadahilanang ang awit ng ibong adarna ay ginamit na ng kanilang katunggaling kaharian.

Naratay ang Hari at hindi na makabangon. Isang matandang ermitanyo ang inimbitahan sa kaharian upang sumuri sa kalagayan ng Hari. Isang sumpa ang tinamo ng hari at ang tanging mkakalunas lang dito ay ang Luha mula sa Reyna ng kalaban nilang kaharian. Agad na bumuo ng hukbo ang anak ng hari upang lumusob sa kanilang katunggali at hulihin ang Reyna nito. Dahil sa malakas ang kanilang pwersa, hindi rin nagtagal at nasakop nila ang kaharian ng Reyna. Nagbunyi ang kaharian sapagkat alam nilang malapit na ang paggaling ng Hari.

Ang panganay na anak ng Hari ang unang humarap sa Reyna. Isang patak ng luha lang mula sa mga mata ng Reyna ay sapat na upang muling manumbalik ang kakisigan ng Hari subalit matigas ang Reyna, hindi umiiyak kahit anong gawin sa kanya. Iginapos ang reyna, sinaktan, sinampal para lamang mapaluha ito subalit talagang walang lumalabas na luha mula sa mga mata.

Hindi nagawa ng panganay na prinsipe na mapaluha ang Reyna kaya naman ang pangalawang anak ng Hari naman ang humarap dito. Umisip ng paraan kung paanong gagawin, naiisip nyang malambot ang puso ng Reyna kaya naman sinabi nya ditong papatayin lahat ng kanyang mamamayan at susunugin ang mga kabahayan ng kanyang nasasakupan. At dahil dito tumulo ang luha ng Reyna.

Dali daling ipinainom ang Luha sa hari. Dumilat ang kanyang mga mata, tumayo mula sa higaan at naglakad. Agad na nagbunyi ang kaharian, nagsaya ang mga kawal at ang nasasakupan sa muling paggaling ng Hari. Subalit isang araw lang ang lumipas, muling naratay ang Hari dahil sa pagbalik ng kanyang karamdaman. Dahil sa pangyayari, hinuli ng mga kawal ang ermitanyong sumuri dito at pinatay. Muling nanangis ang Reyna ng kalabang kaharian sa kanyan nalaman. Tunay ngang walang puso ang mga kawal dito.

Malungkot ang buong kaharian dahil sa muling pagkakaratay ng kanilang Hari. Wala na silang magagawa kaya iminungkahi ng lang ng bunsong anak ng Hari na palayaain na lang ang Reyna. Kasabay ng pagpapalaya dito ay ang muling pagbabalik ng lupain na kanilang sinakop. Humingi ng pamumanhin ang bunso sa Reyna na kanilang binihag at kaharian na kanilang sinakop. Nagawa lamang nila iyon dahil sa pagmamahal sa kanilang ama. Pero bago pa palayain ang Reyna, gumawa na ng unang hakbang ang bunsong anak ng hari upang muling manumbalik ang kaayusan at kabuhayan ng kaharian ng Reyna.

Sa loob ng maikling panahon na pagkakabihag ng Reyna, wala na siyang balita sa kanyang kaharian kaya ganon na lang ang kaniyang pag-aalala. Kaya sa araw ng kanyang paglaya, sinamahan siya ng tatlong prinsipe na anak ng hari sa kanyang pagbabalik sa kanyang kaharian. Ganon na lamang ang gulat ng Reyna sapagkat maayos at mistulang walang digmaang naganap sa kanyang kaharian. Bagkus mas lalo pang naging maayos ang mga lupain nito. Tuwang tuwa ang mga tao sa kanyang pagbabalik. Nagbunyi ang lahat ng mamamayan nito. Mainit ang pagtanggap ng mga tao sa pagbabalik ng kanilang Reyna.

Sabik na sabik na niyakap ng Reyna ang mga mamamayan ng kanyang kaharian. Umaapaw ang pagmamahal ng mga tao sa kanilang Reyna at nasaksihan ito ng tatlong prinsipe. Ganon pa man, walang bahid ng galit ang makikita mga mata ng tao para sa mga ito. Ipinangako ng tatlong prinsipe na tutulong ang kanilang kaharian para sa kaayusan at seguridad ng kahariang ito. Sa malayo, nakikita nila na masayang masaya ang Reyna. At nakita din nilang tumutulo ang luha nito. Gustuhin man nilang kunin ang luha subalit hindi na nila ginawa. Umalis na ang tatlong prinsipe upang umuwi na sa kanilang ama.

Malayo pa lamang, naririnig na nila ang ingay sa kanilang palasyo kaya ganon na lang ang kanilang pagmamadaling umuwi. Sa bungad pa lamang nakita nila ang pagsasaya ng mga tao at sa itaas ng palasyo nakita nila ang kanilang ama na nakangiti at kumakaway sa mga ito. Matikas ang Hari at parang hindi dinapuan ng mahiwagang karamdaman. Nagyakap ang magkakapatid at dun nila napatunayan na tama ang hatol ng ermitanyo.

Luha ng Reyna ang makakapagpagaling sa kanilang ama. Hindi luha ng kulungkutan at pighati kundi luha ng pagmamahal at kasiyahan.







10 komento:

  1. bongga lang! pwede nang pang literature toh kapatid hehehehe

    :D

    TumugonBurahin
  2. very very inspiring story :) galing sir :)

    TumugonBurahin
  3. hello, banjo... musta?

    ahaha, like ko 'to, like. ikaw na ang mahusay humabi, kainaman.

    btw, isinara nila ang site ko, huhu... isang homeless itong sa iyo'y dumadalaw, lols!

    gusto ko pag masasaya ang 'yong kwento. :)

    TumugonBurahin
  4. Powerful nga ang luha... hindi man literally nakakapagpagaling, may meaning kasi ang bawat pag-iyan ng tao kaya may value ang luha...

    TumugonBurahin
  5. nosebleed me. anyway highway, as usual, isang mahusay na entry na naman. clap clap para kay kuya banjo! :D

    TumugonBurahin