Biyernes, Oktubre 12, 2012

NAG-IISA LAMANG AKO, WALANG KASAMA...







Himbing akong natutulog tuwing umiidlip din ang langit. Nakikipaglaro sa mga batang idinuduyan ng mga awitin. Humahagikhik sa kasuluksulukan ng kwaderno kung saan ako ay nakasulat. Itinatago sa mga kalarong humahabol upang hindi makita at mataya sa taguang pung. Hihanahabi ng may akda ang mga ngiting hindi maipinta ng isang pintor. Lumilipad sa ulap, napapalipat lipat sa mga bituin. Ang sanggol na pinadede ng Ina, larawan ng walang kamuwangan sa mundo.  Kumukunot ang noo ng nagsusulat. Nakakadama ako ng lungkot, binabalot ng lamig ang kalaliman ng gabi. Bumabagal ang tipa ng mga daliring nangangatal. Nagigising na may luhang umaapaw at natutuyo na sa unan.



Isang larawan lamang tuwing umaga ang aking kinagisnan. Ang mga titig ni Ina habang papalayo si Ama ng hindi nagpapaalam. Ang mga katagang "Ako'y aalis na" at ang tugong "Ingat ka" marahil sa akin ay sasapat na upang hindi mailang ang nararamdaman. Pag gayon kasi ang pagmumulan  ng buong maghapon, ang mga ngiti ni Ina ay parang patak ng ulan sa tag-araw. Hindi ako inuutusan ni Ina. Kailangang kusa ang aking paggalaw sa bawat titig na hindi ko kayang salubungin. Bibihira ang pagkakataong magalit sya sa akin, at kung magkagayon, iisa lang ang salita na aking kinatatakutan. "Tumigil ka". Hangga't maari, iiwasan kong makita ang pagkulubot ng kanyang noo, ang panginginig ng kanyang mga labi at ang pagkuyom ng mga kamao. Ang salitang yaon ay batas na kailangang sundin.

 

Madalas na si Ina ang aking kapiling sa mahabang araw. Ilang gabi na ding siya ang aking kayakap sa higaan. Dinig ang pintig ng puso at malalalim na paghinga. Hindi ko man namamasdan ang mga matang mapanglaw na nakatitig sa kung saan, batid kong ganon ang itsura niyon, patunay lamang ang mga pigil na hikbing sumisingit sa katahimikan. Malalim na sa gabi kadalasan ang pagdating ni Ama sa bahay, magkaminsan naman ay sa oras ng bukang liwayway. May sariling susi upang walang makamalay. Hindi ko  nariringgan ang bawat isa ng palitan ng salitang may taas at may sumbat na dahilan ng paglalabasan ng ugat sa leeg  o marahil ay sadyang hindi lang sakin ipinamamalay.  Magkaganon man, naririndi ako sa katahimikan.

 

Nag-iisa ako dito sa bahay, umaatungal ang damdamin sa mapanglaw na kawalan. Naghahanap ng makakasama. Ngumingiti mag isa sa mga pumapasok sa isipan. Ang mga kwento in Ama habang ako'y nakasandal sa kanyang mga bisig. Mga kwentong katatakutan tungkol sa mga unang araw. Kwentong may masayang pamilya habang si Ina'y nag buburda ng mga punda ng aming unan o di kaya ay nagsusulsi ng unipormeng syang isusuot ni Ama. Nakangiti sa amin habang kami ay pinagmamasdan. Pero sa halip, ang pag bulungkos ng papel ang aking natutunghayan. Si ama habang tumitipa sa makinilya, magkaminsa'y itinataas ang kamay at pinapatong sa may ulunan, nakatitig sa kisame, babaling sa kung saan saan. Si Ina nama'y nasa silid. Inuubos ang natitirang oras ng maghapon at magdamag sa pagbabasa ng librong hindi ko alam kung may kawawaan. Ako, hawak ang lapis na ako mismo ang nagtasa. Gumuguhit ng larawang ako mismo ay ayaw kong makita.

 

 Isang beses ko lang nasilayan, bumulaga sa aking paggising ang mugtong mata ni ina, ang mga luhang tila mga bubog na bumabakod sa kanyang mga mata, kadenang walang patid na patuloy sa pagdaloy. "Ina" ang akin lang na nasambit. Sumulyap lang sa akin ang nanlalalabong titig. Dagling sumsubsod sa unang saksi sa bawat paghikbi. "Ama" aking utal na tinig, nakaabot sa pandinig ni Ama na tila isang sigaw sa kanyang Tenga. "HINDI KITA ANAK. WALA AKONG KAKAYAHAN MAGKAROON NG ANAK KAYA HINDI KITA ANAK" iyon lamang at tulad ng dati, lumisan si Ama ng walang paalam. Sarado ang pintuan ng bahay kaya naman nakakulong ang mga katagang binitawan ni Ama. Marahil ay sadyang nilakasan ang sigaw upang sa akin ay ipukaw ni Ina ang katotohanan. Dinig iyon ni Ina kahit na nakasubsob sa unan, kung sakaling bulong lamang, tiyak ko ririndi pa din kay Ina sapagkat ganon din sa akin.

 

Disgrasyada - Iyan si Ina ayon sa kanya. Hindi pa natatali si Ama't si Ina noon. Biktima si Ina ng lipunang siyang humalay sa kanya. Dahil sa trabaho ni Ama bilang manunulat, hindi maiwasan ang mayroong masagasaan. Pulitikong siyang nagpadukot kay Ama at kay Ina upang ipaalam umano kung sino ang binangga. Isang mapait na pangyayari. Isang impyernong buhay na tulad marahil ng aking kinalalagyan ngayon. At pagkatapos ng bangungot, pinatunayan na may magandang panaginip sa hinaharap. Gumuho din ang  lipunan. Nagsusumiksik  at kahalubilo ang mga taong kanyang kauri sa likod ng malalamig na bakal. Humarap si Ama't si Ina sa dambana at nagpalitan ng mga katagang ninanais ng bawat magsing-irog. Hangad ang pagsasamang pinagtibay ng tali, kandila at ng habong. At pagkatapos kong isilang,  ninais ni Ama na ako ay magkaroon ng kapatid. Ilang taon din ang lumipas at hindi iyon nasunod, ang aking kapatid na kanilang inaasam ay hindi nangyari hanggang sa kumonsulta sa espeyalista at nagpatingin na kung sino ang may karamdaman. Nang lumabas ang resulta, bumubuhos na ang ulan na tila bagyong humahagupit sa aking katawan.


 

"HINDI KITA ANAK. WALA AKONG KAKAYAHAN NA MAGKAROON NG ANAK KAYA HINDI KITA ANAK"
 


Gusto kong sumulat, ayaw kong gumuhit at tulad ng mga akda ni Ama, gusto kong maging isang kwento. Nakikipaglaro sa mga batang idinuduyan ng mga awitin. Humahagikhik sa kasuluksulukan ng kwaderno kung saan ako ay nakasulat. Itinatago sa mga kalarong humahabol upang hindi makita at mataya sa taguang pung. Hihanahabi ng may akda ang mga ngiting hindi maipinta ng isang pintor. Lumilipad sa ulap, napapalipat lipat sa mga bituin. Ang sanggol na pinadede ng Ina, larawan ng walang kamuwangan sa mundo.
 


Nag-iisa lamang ako dito sa bahay. Hawak ang lapis na ako mismo ang nagtasa. Gumuguhit ng larawang ako mismo ay ayaw kong makita. Wala akong kasama. Wala si Ina. Wala si Ama. Wala kundi nakaririnding kawalan. Wala akong kasalanan. Wala... wala... wala... Marahil.. siguro nga.. hindi dahil sa ako ang bunga ng kasalanan bagkus ako mismo ang kasalanan.

17 komento:

  1. iba ka talaga sir banjo...
    bawat titik may makahulugang damdamin..

    TumugonBurahin
  2. naantig na naman ang buon'g pagkatao ko dahil sa likha mo

    TumugonBurahin
  3. tinde! kung nangyari man 'to, kawawa yung bata. sana maisip nung lalake na hindi lang sa dugo nasusukat ang pagiging ama.

    TumugonBurahin
  4. isang magandang likha.... magaling ang pagkakalahad.....

    TumugonBurahin
  5. wew .. matindi at malalim .. halos mapiga ang puso sa epektong gawa nito .. tunay mo ba itong kwento? pero alam kong totoo ito .. sa maraming banda at maraming aspeto ..


    magaling idol :)

    TumugonBurahin
  6. iba na ang dating nito sis, malalim at makahulugan... galing! keep it up. God bless u.. ^_^

    TumugonBurahin
  7. gusto kong magsulat. gusto kong malunod sa mga salita. gusto kong pag-umpugin ang mga titik. pasigawin ang mga walang malay na larawan. buuin ang mundong ako lang ang makakapasok.

    ang ganda nito, sir.

    TumugonBurahin
  8. kawawa naman sya ano. kwawa actually yung mga characters.

    just me,
    www.phioxee.com

    TumugonBurahin
  9. ang galing mong humabi ng fiction, kapatid... you're a natural. :)

    TumugonBurahin
    Mga Tugon
    1. ayun, may concern lang po ako.. bakit hindi ako maka comment sa inyong blog? posting palagi then nawawala naman po ung comment ko.. ang ganda ng inyong lathalain tungkol don sa kwentong hindi naman kwento :)

      tulad din ng isang akda nyo tungkol sa usapang pagunlad. nag comment ako pero hindi po pumasok :(

      gandang araw sa inyo ma'am

      Burahin
    2. hello, banjo... pasensya ka na, sa spam dumiretso ang comments mo. di ko agad napansin dahil weekly lang ako nakakapagtingin sa banda roon. sorry talaga.

      nailathala na sila, kapatid. sinagot ko na rin sa abot ng kaya. salamat at na-appreciate mo... am glad na napukaw ang iyong interes, kapatid. teynks.

      nakakatuwa ang mga habi mo. nakakabasa ako ng similar writings noong elem pa, di nga... doon sa mga libro sa panitikan na pang-high school ng mga nakatatandang kapatid. parang naturally inclined sa nakaraang panahon ang panulat mo - nilalaman, wordings at mood. pero feeling ko, bata ka pa naman. now, how and why is that? hehe, curious lang, kung di mo mamasamain... ^^

      happy weekend sa iyo. :)

      Burahin
  10. Hindi ko alam Sir Banjo kung matutuwa ka kung simpleng "nice post" lang ang sasabihin ko. Hasang-hasa ka na Banjo.

    TumugonBurahin
  11. tragic uli? bawat post mo pwedeng entry sa mga literary contests. sana manalo ka ng awards or something hehehe. very very good.

    TumugonBurahin
  12. dami kong goosebumps dito.

    Ramdam na ramdam ko ang bawat titik at salita . Ang bigat . ang lungkot. Magandang akda :)

    TumugonBurahin
  13. magaling ung pagkakasulat....nakaka iyak na ewan...:)


    xx!

    TumugonBurahin
  14. Amazing blog and very interesting stuff you got here! I definitely learned a lot from reading through some of your earlier posts as well and decided to drop a comment on this one!

    TumugonBurahin