Martes, Setyembre 13, 2011

ISABIT MO KAY STO. NIÑO



Isang gabi pag labas ko sa opisina, dumaan ako sa mercury drug para bumili ng gamot na pabili lang sa akin. Pagkatapos kong mabayaran ang gamot, diretso na ko sa parking ng lumapit sa akin ang isang bata. Mahaba ang damit, naka paa, at nanlilimahid na ang istura. May dalang sampaguita na kanya palang paninda at iniaalok sa akin.

"Sir bili na kayo ng sampaguita, sabit nyo kay Sto. Niño"

Umiling ko, pahiwatig na ayaw ko. Dumukot ako ng yosi at nagsindi.

"Sige na sir para makaubos po ako, isabit nyo po sa Sto. Niño"

Tumingin ako sa relo, alas nuebe na ng gabi. Sa isip isip ko, dapat sa umaga nya itinitinda itong sampaguita. Para mas maraming tao. Dumukot ako ng sampum piso at ibinigay ko sa kanya. Kumuha sya ng isang tali at iniaabot sakin.

"Wag na toy, ibenta mo na yan sa iba sayo na yang ten."

"Hindi po sir, sa inyo na ito, isabit nyo sa Sto. Niño."

Kumuha pa ko ng sampum piso at iniaabot ulit sa kanya. Kumuha ulit sya ng isa pang tali at ibinibigay sakin

"Toy, ibenta mo na yan sa iba, ayaw mo ba nyan, may pera ka na may tinda ka pa"

"Sir, hindi naman po ako nagpapalimos kung un ang iniisip nyo, nagtitinda po ako ng sampagita para po sa mga taong tulad nyo at  para may maisabit kayo sa Sto. Niño, yun lamang po ang aking kagustuhan. Kunin nyo na po para makauwi na din ako sa amin."

Napahiya ako sa tinuran ng bata, sa totoo lang tinamaan ako, nanghusga ako batay sa itsura nya. Napilitan akong kunin ang dalawang tali ng sampaguita na nakangiting ibinigay sakin ng batang iyon, ngiting inosente, ngiti ng isang batang walang muwang sa mundo

"Thank you po, isabit nyo po sa Sto. Nino."

Habang inuubos ko ang yosi, nakatingin lang ako sa hawak kong sampaguita at sa batang nag-aalok pa sa bawat taong lumabas ng drugstore na yon. Muli tinawag ko ang bata at binili ko lahat ng natira nyang tinda. Siyam na tali sa kabuuan, binigyan ko ng isang daan at sinabi kong sa kanya na ang sukli. Pero pilit pa din nya iniaabot sakin ang sukli sabay ngiti. Wala akong nagawa.

"Isabit nyo po kay Sto. Nino"

"Teka tutoy, anong pangalan mo?"

"Lino po"

Habang daan naiisip ko ang nangyari, nakakatuwa ang batang iyon, bihira ang tulad nya.. daig pa ang may pinag aralan. Ang iba gumagawa ng masama, dahil lamang sa pera, sa sobrang talino, nagiging bobo. Wala ng kinatatakutan. Pero ang batang iyon iba talaga. May takot sa Diyos alam ko. Malapit na ko sa bahay ng maisip ko, pero teka wala nga palang Sto. Niño sa bahay. San ko naman ito isasabit?

Pagdating ko sa bahay, sinalubong ako ni misis, dumiretso ako sa kwarto at hinalikan ang natutulog ng mga bata.

"Pa, maghanap ka bukas ng sampagita, pinagdadala sila ni titser tess para daw ialay nila sa misa, isasabit daw sa Sto Niño"

Nabigla ako sa aking narinig, subalit hindi ko pinahalata kay misis. Kinilabutan ako sa nararamdaman ko. Hindi ko alam kung nagkataon lang ang lahat. Hindi  ako nakatulog ng gabing iyon. Kinabukasan maaga akong umalis papasok ng opisina, dumaan muli ako sa mercury drug, baka sakaling makita ko muli yung bata na nagbenta sa akin ng sampaguita upang sya ay pasalamatan Marami na kong bata na nakikita subalit hindi mahagip ng aking mata si Lino. Sampung minunto na lang sa aking relo bago pa ko mahuli sa aking trabaho kaya ipinasya ko na ding lumisan.

Kinagabihan pagkalabas ko sa opisina, binalikan ko ang lugar. Isang oras na ang lumipas at ilang stick na din ng sigarilyo ang aking naubos pero wala pa din si Lino. Kaya naisipan ko ng sya ay ipagtanong sa matandang nagtitinda ng sigarilyo sa gilid ng botika.

"Ah manang, may napapansin ba kayong bata dito na nagtitinda ng sampaguita? Lino ung pangalan nya"

"Lino po ba na batang nagtitinda ng sampaguita? Aba eh kilala ko po iyon. Walang hindi nakakakilala sa batang iyon. Napakabait at masunuring bata"

"Ganon po ba? Mabait nga po ang batang iyon. Nakita nyo ba sya nitong maghapon?"

"Aba'y Sir, matagal na ho syang patay. Mga isang taon na din ho ang nakakaraan."

"Ho. Imposible naman ho. Kagabi ho eh nagbenta lang sya saking ng sampaguita"

Nakatitig lang sa akin ang matanda na wari ko'y may gustong sabihin. Kaya naupo ako sa knyang tabi.

"Sir, hindi lang kayo ang nagtanong sa akin ng tungkol kay Lino. Marami na kayo na naghahanap sa kanya. Isang taon na din ang nakararaan ng bigla na lang sumulpot ang batang iyon dito, wala kaming alam kung saan nakatira ang bata. Minsan ko na din nakakwentuhan si Lino, ang sabi nya sa akin wala syang mga magulang at kapatid. Ulilang lubos na ang batang iyon. Mabait na bata at matulungin. Marami na ding beses na ako'y kanyang tinutulungan dito sa aking pwesto. Hanggang isang gabi, may nalaglag na kung anong bagay sa bag ng isang pasahero na naghihintay diyan sa tapat. Pinulot nya at inihabol sa babae. Isang bus ang paparating, at nahagip ang katawan ng bata. Grabe ang pinsalang tinamo ng bata, isa ako sa nakalapit sa kanya at nakita ko,  hawak pa din nya ang bagay na nalalaglag sa babae. Iniabot nya ito sa babae, ngumiti sya at pumikit. Namatay noon din si Lino pero nakita kong may ngiti sa kanyang labi. Hindi ko alam kung bakit pagala gala pa din ang kanyang kaluluwa sa lugar na ito. Marahil ibig nyang matahimik at maligtas ang kanyang kaluluwa sa pamamagitan ng mga sampaguitang kanyang itinitinda."  Mangiyak ngiyak si manang ng matapos nyang sabihin sa akin.

Pinanindigan ako ng balahibo sa aking nalaman. Hindi ko alam kung anong ibig ipahiwatig nito sa akin. Hindi ko alam kung bakit nagpakita sa akin si Lino. Hindi pa rin ako makapaniwala.  Noong gabi din yun, ikinuwento ko sa aking asawa ang nangyari. Kahit sya'y natakot sa pangyayari. Ipinagdasal na lang namin ang kaluluwa ni Lino. Kinalingguhan, nagsimba kaming mag-anak. Bumili na din ng sampaguita upang isabit kay Sto. Niño. Ang bawat kwintas ng sampaguita na magdudugtong dugtong upang kanyang maging gabay para sa kanyang kaligtasan kung saan man sya naroroon. Ang bawat isang tali ng samaguitang may kasamang panalangin para kay Lino. At sa aking kamay at puso hindi mawawala ang sampaguitang aking isasabit kay Sto. Niño.

***




22 komento:

  1. wow!
    what an inspiring experience.
    tama ka istambay, hindi dapat husgahan ang tao batay sa hitsura.
    nakakapanindig balahibo talaga post po.

    TumugonBurahin
  2. hi banjo. welcome back. inspiring itong kwento mo, as usual. :)

    TumugonBurahin
  3. Nice story line... Pwedeng gawing short film hehe

    TumugonBurahin
  4. nanindig ang balahibo ko sa kwento. grabe

    TumugonBurahin
  5. kinilabutan ako sa post mo parekoy! magaling!

    naramdaman ko ung sinabi mong "panghuhusga base sa itsura ng isang tao", guilty ako minsan dito...

    anggaling ng fiction na to, malaman at maganda ang pagkakagawa!

    TumugonBurahin
  6. Oh my, nakakapanindig ng balahibo ito. Ano kaya gustong sabihin ni Lino sa mga taong pinapakitaan niya

    TumugonBurahin
  7. hindi ko alam kung bunga ba ito ng iyong malikhaing imahinasyon o isang makulay na totong karanasan. pero aminado akong nakakakilabot nga pero punong-puno ng inspirasyon.

    masuwerte ka na rin, kasi sa lahat ng tao sa banda dyan ay ikaw ang pinili ni Lino. natakot ka nya pero binigyan ka nya ng magandang aral sa buhay.

    TumugonBurahin
  8. napakainspiering..salamat at hindi mo nalilimutang bumisita sa blog ko, tagal mo nawala, sana tuloy tuloy na tong pagiging active mo sa mundo ng blog.

    TumugonBurahin
  9. ang gandang kwento, napakalalim.. grabi.. another nkakamanghang kwento..

    TumugonBurahin
  10. nginig!!! awoooooo! hehehehe totoo ba ito o fiction?! hmmmm....galing galing talaga walang kakupaskupas si banjo!

    TumugonBurahin
  11. ahaha! ba't kasi wala kang sto. nino? naman kasi...

    kumusta? :)

    TumugonBurahin
  12. para sa isang kwentong kathang isip, may kakaiba itong haplos sa realidad ng bawat makakabasa. ayun yung naging tama sa akin. napakahusay mo talagang mag sulat at laging nagdadala sa mambabasa para mag-isip at magnilay nilay.

    natutuwa talaga akong nagbalik ka na ulit sa pagsusulat, sir banjo!

    TumugonBurahin
  13. sa inyo po lahat.. maraming salamat sa inyong mga komento.. sana po hindi kayo magsawa sa pagbisita dito sa aking munting pahina.

    magandang araw po sa inyo lahat :)

    TumugonBurahin
  14. sobrang nakakatouch nman nito, napakaganda ng mensahe, musta bro!

    TumugonBurahin
  15. wala ka talagang kupas pagdating sa mga short story sir :)

    TumugonBurahin
  16. whew! na shock ako sa mga pangyayari...ang galing ng iyOng story!

    -blogwalking here ^_^

    TumugonBurahin
  17. ang ganda nito sis! sabi na! u're getting better each tym!..love ur stories..and u..muah! ^_^

    TumugonBurahin
  18. takte maganda ang pagkakasulat pero nalungkot ako sa kwento... ang galing... ^^

    TumugonBurahin
  19. wew! grabe! nanginig ako sa kwento! napa tutok ako mula umpisa hanggang dulo! idol na kita! ^_^

    mas gusto ko mag basa ng mga ganito kesa manood ng mga telenobela sa tv

    TumugonBurahin
  20. another inspiring story, kinilabutan ako ah! Well written as always =)

    TumugonBurahin